Para sa iyong nanunungkulan

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 8 (February 27-March 4, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/02/para-sa-iyong-nanunungkulan.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHuwag mo nang ipagpatuloy ang pagbabasa nito kung sangkot ka sa pagtatakip ng katotohanan tungkol sa $329-milyong proyektong NBN (national broadband network). Hindi para sa iyo ang mensaheng ito dahil hindi mo kayang intindihin ang teksto at konteksto nang walang perang katapat.

Pero kung wala ka namang kinalaman sa cover-up, simple lang naman ang ating mensahe: Kailangan mo nang makiisa sa dumaraming mamamayang naniniwalang dapat magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan.

At anong klaseng pagbabago ang kinakailangan? Dapat nang palitan ang nanunungkulan sa Malakanyang, lalo na’t inamin mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kamakailan na alam niyang may katiwalian sa kontrata sa ZTE pero itinuloy pa rin ang pirmahan sa Tsina.

Alam kong alam mo na ang pag-aming ito ay isang malaking kasalanan sa panunungkulan. Totoo mang nakansela ang kontrata sa kompanyang ZTE, nangyari lang ito nang isapubliko ni Jose “Joey” de Venecia III ng Amsterdam Holdings ang kanyang nalalaman. Sa mga panahong ito, matatandaang idiniin ni Arroyo at ng iba pang mga opisyal na walang anomalyang nakapaloob sa ZTE.

Para sa isang taong nag-iisip, kitang kita ang pagsisinungaling. Sinabi ni Arroyo noong nakaraang taon na walang anomalya sa kontrata. Heto siya ngayo’t nagsasabing mayroon pala, pero walang kinalaman ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Ang pinakahuling pahayag ni Arroyo ang nagtulak kay Senate President Manny Villar para sabihing may malaking posibilidad na ma-impeach ang Pangulo, hindi lang dahil sa pagsisinungaling kundi dahil sa graft.

Bilang isang nanunungkulan sa pamahalaan, nais mo pa bang palampasin ang ganitong klaseng pahayag ng Pangulo? Paano mo masasabing pampublikong serbisyo pa rin ang nasa isip ng isang Pangulong napilitang umaming may alam siya sa anomalya sa kontrata sa ZTE sa gitna ng sunud-sunod na kilos-protesta’t panawagan ng iba’t ibang grupo para bumaba na siya sa puwesto?

May batayan pa ba ang argumentong hayaan na lang siyang manatili sa puwesto dahil may eleksiyon namang mangyayari sa 2010? Bakit dapat hayaan ang mga tiwaling patuloy na mamuno? Kung may isang leksiyon sa people power noong 1986 at 2001, ito ay ang pangangailangang patalsikin ang nanunungkulan kung kinakailangan. Ang kasalukuyang administrasyon, bilang pangunahing nakinabang sa tinaguriang EDSA Dos, ay dapat na pinangalagaan ang tiwala ng mamamayang nagluklok kay Macapagal-Arroyo sa puwesto.

Kung lumalabas na unti-unti nang nawawala ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan, masasabing tuluyan nang naglaho ang tiwala ng pamahalaan sa mamamayan. Mas pinatindi pa, halimbawa, ng kapulisan ang pagmamanman sa ating lahat sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamera sa mga lugar tulad ng La Salle Greenhills at St. Scholastica’s College na dinarayo ng mga nasa oposisyon. Sa pagkakataong ito, ang seguridad na pinoprotektahan ng kapulisan ay ang administrasyong Arroyo, hindi ang mga mamamayang itinuturing nitong kaaway.

Dahil ikaw ay nasa kapangyarihan, baka mas marami ka pang alam na kontrobersiyang kinasasangkutan ni Macapagal-Arroyo at mga miyembro ng pamilya at Gabinete niya. Kung noon ay hindi mo pinapansin ang mga ito at tinitingnan lang na bahagi ng kultura ng korupsiyon sa burukrasya, kinakailangan na ngayon ang pakikipagkaisa sa mga mamamayang nagsasabing “Sobra na, tama na!”

Ayon sa mga kakilala ko sa pamahalaan, ang mga pampulitikang krisis na tulad ng nangyayari ngayon ay matinding ikinatutuwa ng mga kaalyado ng Pangulo. Ito raw kasi ang pagkakataong muli na naman silang “maaambunan ng grasya.” Huwag ka sanang masilaw sa kinang ng pera at sana’y makita mo ang dumi ng mga ito kung sakaling may patagong iabot sa iyo.

Tulad ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada, Jr., ang tinaguriang pangunahing saksi sa proyektong NBN, baka hindi ka rin isang modelong opisyal ng pamahalaan. Pero hindi pa huli ang lahat para sa iyo. Nasa likod mo ang mamamayang nagnanais ng pagbabago, at makakaasa ka ng isang uri ng suportang wala mang katapat na pera ay kasing-dalisay naman ng iyong pahayag ng pakikipagkaisa at katotohanang handa mong isiwalat.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Para sa iyong nanunungkulan”

  1. since the issue of the zte is about graft and corruption in gov’t, i am interested to know what other anomalies jun lozada is privy in, if he really is for the truth, he should divulge all he knows concerning irregularities/grafts/corruptions in the years working for or dealing with the goverment. we need to hold ALL government officials past or present accountable for their actions, otherwise corruption would just go on. we are concentrating to hard on catching the big fish and in the process, we are letting go of a lot of the small fries which in the end would grow up and become giant fishes.

    Reply: From his Senate testimony I watched on television, I think Jun Lozada has divulged other irregularities like the Southrail project. However, knowing the answers requires asking the right questions. With the kind of questions asked by some of our senators, I doubt if Mr. Lozada will have the opportunity to divulge all that he knows. Then again, media can fill in the gap by constantly asking him what he knows. The initiative of some schools to invite him as speaker could also help, as students and other people are given the opportunity to do the asking themselves. I wish you all the best!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.