Saysay ng pagninilay-nilay

N.B. – On the occasion of Lent, please bear with me as I become a bit spiritual in explaining an important point about self-reflection.

Sa panahon ng Semana Santa, magandang pag-isipan ang kalagayan hindi lang ni Kristo noon kundi ng nakararaming Pilipino ngayon.

May pagkakahalintulad man sa matinding sakripisyo, mapapansing si Kristo’y may malinaw na katapusan ang paghihirap at, kung paniniwalaan ang bibliya, nagkaroon siya ng buhay na walang hanggan.

Anuman ang iyong relihiyon, mapapansin mong ibang kalbaryo ang pinagdaraanan at ibang krus ang pinapasan nina Juan at Maria.

Bagama’t nakasulat sa bibliya ang garantiya ng buhay na walang hanggan para sa mga matuwid (Mateo 25:45-46), hindi dapat makontento ang nakararaming mahihirap sa pagtitiis. Lalong hindi dapat isiping may kapalit na ligaya ang bawat hinagpis sa kasalukuyan.

Ayon kasi sa Mateo 5:3-4, “Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob sapagkat sa kanila ang paghahari ng langit. Pinagpala ang mga nahahapis sapagkat sila ay aaliwin.”

Ang mga nakikinabang sa pagiging mapagtiis ng nakararami ay ang mga nabubuhay sa hindi masukat na karangyaan. Hindi ba’t mas mainam para sa mga nasa kapangyarihan kung ang nakararami ay maniniwalang ang lahat ng kanilang paghihirap ay may kaukulang gantimpala sa “bandang huli,” o baka mas angkop ang mga katagang “huling hininga?”

Kung walang pagkilos mula sa nakararaming mahihirap, mas mapapanatili ang kapangyarihan at kayamanan ng iilan. Kahit na sabihing walang pinipiling panlipunang katayuan ang relihiyon, ang mga itinuturo ng kinikilalang diyos ay binibigyan ng ibang kahulugang ayon sa interes ng mga nasa kapangyarihan. Maka-mahirap man ang imahe ni Kristo, halimbawa, mapapansing mas binibigyang-pansin tuwing Semana Santa ang kanyang pagtanggap sa lahat ng mga hagupit at iba pang porma ng pagmamalupit.

Kung may aral tayong makukuha sa naging buhay ni Kristo sa mundong ibabaw, ito ay ang pagpanig sa mahihirap at pag-aalsa laban sa mga nang-aapi.

Mula nang una itong ipalabas noong 2004, maraming Pilipinong nanood ng pelikulang “The Passion of the Christ” sa kabila ng mga bayolenteng eksena nito. Ito ay hindi lang dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan ng pelikulang ito sa Estados Unidos kundi dahil sa pagiging relihiyoso ng karamihan sa atin.

Dapat din nating isaalang-alang ang rating na Parental Guidance (PG-13) na ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dito sa Pilipinas. Napakababa ng rating na ito kumpara sa ibinigay na rating ng Motion Picture Association of America (MPAA) na Restricted (R)? Simple lang naman ang ibig sabihin nito: Mas maraming Pilipinong nabigyan ng oportunidad na makapanood ng pelikulang ito kumpara, halimbawa, sa iba pang bansang tulad ng Amerika na napansin ang matinding karahasan sa pelikula, kahit na ito ay tungkol kay Kristo.

Makatotohanan diumano ang mga eksena, kaya kailangang ipakita ang paghihirap ng isang duguang diyos na nagkatawang-tao. Pero ang naging problema sa pelikulang ito ay ang pagbibigay ng mas malaking atensiyon sa hindi-masukat na paghihirap kaysa sa konteksto ng matinding sakripisyo’t pakikibaka.

Hindi ito kakaiba sa itinuturo ng ilang mga tinaguriang eksperto sa bibliya na panig (lantaran man o hindi) sa mga nasa kapangyarihan. Sakripisyo’t pagtitiis ang kanilang bukambibig sa mga naghihirap: “Kung si Kristo nga’y nakaya ang lahat ng matinding paghihirap, hindi ba’t dapat na ganito rin ang mga tao?”

Sa konteksto ng mga problemang kinakaharap ng mamamayan, ang lahat ng ito ay dapat daw tingnang “pagsubok ng diyos.” Pero paano na lang kung ang mga problema ay bunga ng tiwaling gawi ng mga nasa kapangyarihan? Dapat bang pagtiisan na lang ang abang kalagayan?

Ngayon po ay Semana Santa. Isaisip natin ang mga aral ni Kristo hinggil sa pagkakaisa at pagkilos, lalo na’t hindi lang isa kundi sanlaksa ang mga Hudas sa ating lipunan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.