Sa ngalan ni Dureza

N.B. – This was published in the November 21-27, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/11/sa-ngalan-ni-dureza.

Alam mo na’ng nilalaman ng kontrobersiyal na dasal ni Press Secretary Jesus Dureza noong Nobyembre 18 (Martes) bago nagsimula ang pulong ng Gabinete: ”Bless the President so we will have the forbearance, good health, the tolerance to lead this nation up to 2010, and perhaps, who knows, even beyond.

Siyempre’y nagulat ang lahat ng dumalo sa pulong, at hindi naitago ang pagkadismaya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na walang nagawa kundi pansamantalang magtakip ng mukha. Para sa mga nakapanood sa telebisyon at nakapakinig sa radyo, mapapansin ang mahinang halakhakan ng ilang opisyal at ang malinaw na pagkabahala ng babaeng nais ni Dureza na basbasan ng diyos.

Ano kaya ang nasa isip ni Macapagal-Arroyo sa mga pagkakataong iyon? Sadyang mapaglaro ang ating imahinasyon: ”Ano ka ba, Jess? Hindi mo ba alam na may midya rito?”

Sa dinami-rami ng mga komentaryo tungkol sa isyung ito, wala akong napansing pagsasakonteksto sa naging papel ng midya (lalo na ng telebisyon) sa pulong na iyon. Kung hindi dahil sa alertong pagkuha ng footage, hindi maisasapubliko ang nasabing dasal ni Dureza. Sa loob-loob ko nang mabalitaan ko ang nangyari, buti na lang at hindi nagtipid sa tape at baterya ang mga taga-hawak ng kamera sa panahong iyon.

Alam nating lahat na ang panimulang dasal (o kahit doxology at imbokasyon) ay hindi mahalaga sa perspektiba ng pangangalap ng balita dahil ang mahahalagang detalye ay nasa mismong aktibidad (na sa kasong ito ay pulong). Kung ang isang mamamahayag ay Katoliko (at marunong pang magdasal), maaasahan ang kanyang taimtim na pagdarasal sa pagkakataong iyon.

Pero iba ang sitwasyon ngayon. Dahil sa akusasyon ng malawakang katiwalian sa maraming ahensiya ng pamahalaan at ang kawalan ng katanggap-tanggap na kasagutan ng mga nasa kapangyarihan, ang lahat ng kanilang kinikilos ay kritikal na sinusuri ng midya at iba pang sektor ng lipunan. Oo, kahit ang ”simpleng dasal” ay hindi na pinapalampas dahil ang ”maliit” na bagay na ito ay kailangan pa ring iugnay sa iba pang pangyayari tulad ng walang kamatayang kampanya para baguhin ang Saligang Batas.

Kung susuriin ang opisyal na pahayag ng Malakanyang sa mismong araw ng kontrobersiyal na dasal (”Dureza makes light of fuss over opening prayer,” URL http://www.gov.ph/news/?i=22845), mas lalong nakakataas ng kilay ang inisyal na paliwanag ni Dureza: ”God has a lot of sense of humor… In the end, I prayed for the President to have the tolerance to serve the nation until 2010 and beyond – in her personal and private capacity.

Napansin mo ba ang kawalan ng koneksiyon sa dalawang pangungusap? Ano bang biro ng diyos ang pinatutungkulan niya? Ang pagtitiis ng Pangulo sa patuloy niyang panunungkulan? Masuwerte si Dureza at hindi isinakonteksto ang biro ng diyos sa pagiging Pangulo ni Macapagal-Arroyo.

Kung kapilyuhan ang pipiliin kong tono sa pagsulat ng artikulong ito, malamang na ikukumpara ko ang panunungkulan ng Pangulo sa araw-araw na buhay ng platypus, isang hayop na sinasabing ginawa ng isang mapagbirong diyos dahil na nakakatawang hitsura nito. At kung mas lalo akong pilyo, baka sabihin kong may pagkakahawig (literal man o hindi) ang Pangulo sa platypus.

Pero hindi po ako pilyo at pinipilit kong maging magalang sa aking panulat. Pero talaga namang sinasagad ni Dureza ang aking pasensiya sa iba pa niyang mga sinabi. Intindihin nang mabuti ang pahayag niyang ito: ”It was a light prayer. If (the others) did not get it right, they have no sense of humor.”

Ano ba’ng biro sa panawagang manilbihan ang Pangulo nang lampas sa kanyang itinakdang termino? At kung ang paninilbihan ni Macapagal-Arroyo pagkatapos ng 2010 ay sa kanyang personal at pribadong kapasidad na lamang, bakit kailangan pang banggitin ito? Hindi ba’t lahat tayo’y dapat na nagsisilbi sa bayan sa anumang kapasidad? Gusto ba niyang sabihing iniisip ni Macapagal-Arroyo na tuluyan nang lisanin ang bansang kinagisnan niya kung hindi na siya Pangulo at ipinagdarasal niyang huwag mangyari ito?

At ang nakapagtataka’t nakakairita sa lahat, sinabi ni Dureza na ninais niyang gawing ”off the record” ang kanyang panalangin dahil naisip na niyang baka bigyan ng kakaibang (politikal na) kulay ito. Sa aking karanasan sa pagkokober ng mga aktibidad na may panalangin, walang humiling sa mga mamamahayag na huwag pagkunan ng impormasyon ito.

Hindi ba’t ang aktitud ni Dureza ay indikasyon ng sobrang pag-aalala ng mga opisyal ng pamahalaan sa anumang ikinikilos nila? Gusto mo sigurong itanong sa puntong ito: Kung ikaw ay nag-aalala, bakit mo pa itutuloy ang isang bagay na pagmumulan ng kontrobersiya?

Puwede mong sabihing ito ay bunga ng pagiging arogante ng mga nasa kapanyarihan, lalo na’t kapapalit pa lang ng bagong liderato ng Senado na inaasahang susunod sa interes ng Malakanyang. Siyempre’y hindi mawawala ang kanilang pagkatuwa na lalong nagpapalakas sa kanilang pagkalulong sa kapangyarihan.

Puwede mo ring sabihing simpleng pagkakamali ang lahat, na nagtulak kay Dureza na aminin noong Nobyembre 20 (Huwebes) na nagalit sa kanya si Macapagal-Arroyo at siya ay humingi na ng paumanhin sa huli.

Pero pansining wala sa kanyang klaripikasyon ang paghingi ng dispensa sa publiko dahil sa nangyari. Nakalimutan niya kayang humingi ng paumanhin sa mga mamamayang nakapanood sa kanyang mga sinambit?

Dahil sa ginawa ni Dureza, baka puwede akong magbigay ng suhestiyon sa mga Katoliko na huwag sanang ikagalit ng simbahan. Hangga’t hindi bumababa sa puwesto ang Pangulo, puwede kayang ang kabaligtaran ng tinuran ni Dureza ang ating ipanalangin?

Sige na. Gusto ko lang malaman kung sino ang mas matimbang sa mata ng diyos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.