Bakit hindi ko ramdam ang Pasko?

N.B. – This was published in the December 19-25, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/12/bakit-hindi-ko-ramdam-ang-pasko.

Tuwing nakikita ko ang mga poster na nakasulat ang “Ramdam ang Kaunlaran” (at prominente ang mukha ng isang taong nararapat ding batuhin ng sapatos), naiisip kong tila may dalawang mundong ginagalawan ang mga Pilipino.

Ang problema nga lang, ako ay nabibilang sa grupong kabaligtaran ang nararamdaman ng mayorya ng mamamayan, kung paniniwalaan ang pamahalaan. At sa konteksto ng Pasko, tila mag-isa akong patuloy na nagtatrabaho sa isang tabi habang ang iba pang mamamayan ay diumanong nagsasaya.

Huwag mo sana akong sisihin kung hindi ko masyadong ramdam ang Pasko. Kung noong bata pa ako’y natutuwa ako sa pagdating ng Disyembre – sino ba naman ang may ayaw sa mahaba-habang bakasyon sa eskuwela, bukod pa sa pagkakaroon ng maraming regalo? – ngayon ay ordinaryong araw para sa akin ang anumang bakasyon dahil nangangahulugan ito ng paggampan sa maraming trabaho’t iba pang personal na obligasyon. Ang kakaiba lang tuwing bakasyon, kasama na rin sa inaalala ko at ni Joy ang malaking gastos na hatid ng kahit na simpleng selebrasyon.

Makapaghihintay man ang ilang obligasyon sa pagsapit ng bagong taon, para sa aki’y mainam na ring tapusin ang makakayang tapusin habang walang pasok sa opisina. Ganito na siguro ang tumatanda: Nagkakaroon ng pagbabago sa perspektiba sa buhay. Iba na ang prayoridad kumpara noong bata pa, at kahit ang pagsasaya ay nahahaluan ng napakaraming inaalala.

Gaano ba kalaki ang mga responsibilidad ko sa malapit na hinaharap? Hindi pa man nagsisimula ang 2009, nakaplano na ang ilan kong biyahe sa loob at labas ng bansa. Bukod sa mga kumpirmado kong gagawin, kailangan kong piliing mabuti ang mga tatanggaping imbitasyon mula sa iba’t ibang institusyon para magbigay ng palihan (workshop) o iba pang pag-aaral, pati na rin ang maging hurado sa anumang paligsahan sa pagsusulat na inoorganisa nila.

Dahil patnugot ako ng tatlong refereed journals, kailangan din ang tulong ko para mailabas ang ang mga regular na isyu nila. Siyanga pala, may ilan pang librong kailangang tapusin sa susunod na taon!

At paano ko makakalimutan ang mga obligasyon ko sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na kung saan full-time akong nagtatrabaho? Bukod sa pagtuturo, may hinahawakan din akong administradibong posisyon sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Tulad ng inaasahan, malaking oras ang nakukuha hindi lang sa mga trabahong may kaugnayan sa pagtuturo (at napakarami na ng mga ito!) kundi sa paggampan ng tungkulin bilang administrador.

Iniisip ko pa lang ang mga kailangang gawin sa susunod na taon, nalulula na ako sa napakahigpit na iskedyul. Biro nga ni Joy, baka mawalan na ako ng panahon para sa kanya dahil napapansin niyang napapadalas na ang pagdadala ko ng trabaho sa bahay.

Pero kailangang linawing ang pagkalulang nararamdaman ay hindi nangangahulugan ng pag-iisip ng pagsuko. At ang nakapagtatakang sitwasyon para sa akin, nawawala ang ”bigat” ng trabaho tuwing iniisip ko ang iba pang kailangang gawin.

Ang lingguhang pagsusulat ng kolum na ito, halimbawa, ay hindi ko tinitingnang bagahe kundi oportunidad para gampanan ang tungkulin ko bilang peryodista. Gayundin ang kaso sa iba’t ibang publikasyong pinagsusulatan ko, sa wikang Ingles man o Filipino.

Ganito rin ang nararamdaman ko tuwing ina-update ko ang aking website at blog: Kahit na inaabot paminsan-minsan nang ilang oras, iba pa rin ang nararamdaman tuwing sinusuri ko ang metrics at nalalamang maraming nakukuhang page views ang mga ito mula sa online users ng iba’t ibang bansa. Ang anumang komento (positibo man o negatibo) ay tinitingnan kong indikasyon ng pagseseryoso ng isang tao sa anumang mensaheng nais kong ilahad.

Nakakawala rin ng pagod ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang taong kapareho ko ang pulitikal na paniniwala. Mula sa kanila’y nakakakuha ako ng ideya para sa mga kailangang isulat, at mula sa aki’y nakakakuha sila ng anumang suportang kaya kong maibigay.

Ito ang dahilan kung bakit wala akong nararamdamang inggit sa ibang taong nakakayang makapagpahinga tuwing Kapaskuhan, bagama’t naroon ang pagkondena sa mga makapangyarihang nagsasaya sa kabila ng pang-aaping ginagawa nila.

Natutuhan ko na kasing mahalin ang aking napakaraming gawain sa konteksto ng pagsisilbi sa mamamayan. Kung kahit sa ganitong maliit na paraan ay nakakatulong ako, sulit na ang panahong inilalaan ko para sa mga ito, at para sa mga tao.

Hindi ko man lubusang nararamdaman ang pahingang dapat ay hatid ng okasyong ito, nais namin ni Joy na batiin ka at ang iyong mahal sa buhay ng isang mapagpalayang Pasko. Nawa’y gamitin natin ang bakasyon bilang panahon ng pagninilay-nilay sa mga kailangang pang gawin sa malapit na hinaharap.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Bakit hindi ko ramdam ang Pasko?”

  1. Sir, punung-puno ang taon natin ah?!

    Tingin ko po ay halos lahat ng bloggers ay nagkakaroon ng kakaibang ‘kasiyahan’ sa pagsusulat online. Ganito rin ang aking pananaw sa pagsusulat bagamat minsan ay napapabayaan dahilan na rin sa matinding pangangailangan na tutukan ang aking thesis. :) Pero ang punto ay may kakaibang kaginhawahan kapag malimit ang pag-po-post mo at may nakukuha ka na opinion sa mga nilalathala.

    Tungkol sa parang ‘ordinaryong’ araw ng Pasko, tingin ko po ay nagiging totoo ito sa halos lahat na Pinoy. Kamakailan ay tumawag ako sa ilang kamag-anak diyan sa Pinas at bagama’t kalimitan ay ‘di sila mareklamo sa pangyayari sa lipunan, ngayon ay parang ‘di maiiwasan. Ang pinansyal na krisis sa daigdig ay ramdam na ramdam kahit ng isa ko’ng kamag-anak na may-ari ng junk shop. Nabago ang tradisyon sa pamilya namin dahil sa pinansyal na krisis–kung dati ay pamilya ang taun-taon ay nagbibigay, ngayon ay isa na ang pamilya sa nagtatago o namamasko dahil sa parang ‘di maiiwasan na kahirapan ng buhay.

    Pero isa ang nanatili bagamat nabago ang tradisyon, naramdaman ang hirap–masaya pa rin ang Pasko, kahit ano’ng mangyari.

    Manigong Bagong Taon sa inyo, Sir. :)

    Sagot: Salamat sa mensahe. Tipid na tipid rin ang “selebrasyon” namin ng Pasko. Bumisita kami sa mga kamag-anak at kaibigan sa Bicol at hindi na inasahan ng lahat ang magagarbong regalo sa isa’t isa hindi tulad noon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.