Etikal na pamantayan ni Verano

N.B. – This was published in the January 9-15, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/01/etikal-na-pamantayan-ni-verano.

Ano ba naman ang masama sa ginawa ni Atty. Felisberto Verano, Jr. na abogado ng dalawa sa tatlong suspek na tinaguriang ”Alabang Boys?”

Kung papaniwalaan ang pahayag niya, nais lamang niyang mapabilis ang pagpapalaya kina Richard Tecson at David Brodett kaya siya na ang sumulat sa release order na gamit ang letterhead ng Department of Justice (DOJ) para pirmahan ni Secretary Raul Gonzalez. Ang nasabing order ay nakarating sa opisina ni Gonzalez sa pamamagitan ni Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor na sinasabing fraternity brod ni Verano.

Sa konteksto ng etika, may dalawang tanong na kailangang sagutin. Una, may pahintulot ba ng sinumang opisyal ng DOJ na gamitin ni Verano ang letterhead nito? Ikalawa, bakit kailangang si Verano pa ang sumulat ng release order samantalang may sapat na kakayahan at tauhan naman ang DOJ para gawin ang simpleng bagay na ito?

Hindi mo na kailangang maging eksperto sa Legal Ethics para malaman ang kahalagahan ng malinaw na pahintulot. Ang anumang kawalan nito ay maaaring mangahulugan ng hindi-sinasadyang panloloko o tahasang pagnanakaw. Pansining tahimik si Verano sa bagay na ito, dahil ang sinabi lang niya’y mayroon siyang kopya ng letterhead.

Para naman masagot ang ikalawang tanong, kailangan munang may pinal na desisyon na ang DOJ hinggil sa pagbabasura sa kaso ng Alabang Boys. Kung sinusubaybayan mo ang mga pangyayari na tila telenovela dahil sa dami ng subplots at iba’t ibang emosyong ipinapakita ng mga pangunahing aktor, nakabinbin pa rin ang kaso dahil sa pahayag ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na may suhulang nangyari para palayain ang Alabang Boys.

Madaling sabihing ”normal na kalakaran” sa isang ahensiya ang sitwasyong hindi isinulat ng isang opisyal ang dokumentong pinirmahan. Pero itinuturo sa teknikal na pagsusulat (technical writing) ang paglalagay ng marka (tulad ng initials ng nagsulat sa ilalim na bahagi ng dokumento) para malaman kung sino ang responsable rito.

Ang kawalan ng malinaw na palatandaan sa isang dokumento ay nangangahulugan lang na ang nagsulat nito ay ang mismong pumirma. Bahagi man ito ng internal na sistema sa isang ahensiya, malaki ang naitutulong nito para maging responsable ang lahat ng kinauukulan hinggil sa mga dokumentong inihahanda nila.

May mga pagkakataong kumukuha ng serbisyo mula sa labas ang isang ahensiya kung masyadong maraming kailangang isulat o kung nais nitong mapabilis ang proseso ng pagsusulat, lalo na ng mga teknikal na ulat (technical reports). Dito pumapasok ang mga teknikal na manunulat (technical writers) na handang maglaan ng kanilang serbisyo para sa mga ahensiyang handang magbayad sa kanila.

Sa konteksto ng isyung kinasasangkutan ni Verano, malinaw na siya ay hindi teknikal na manunulat at ang bayad na nakuha niya para sa serbisyong ibinigay ay hindi nanggaling sa DOJ (ang ahensiyang pinagsulatan niya) kundi sa mayayamang pamilya ng kanyang dalawang kliyente. At kung hindi naibunyag ang ginawa niya sa midya, hindi malalaman ng publiko na siya ang sumulat ng isang opisyal na dokumentong naglalaman ng desisyong pabor sa mga kliyente niya.

Sa isang panayam, nabanggit ni Veranong handa niyang panindigan ang kanyang ginawa dahil wala namang mali sa kanyang aksiyon: ”I will give…my reasons for what I did – this extreme effort to help my clients.

Kapansin-pansin ang sobrang pagpupunyagi niya para tulungan ang kanyang mga kliyente. Bakit kaya? Ito kaya ay dahil sa kanyang pagtatanggol sa karapatan ng lahat ng inaapi, mahirap man o mayaman? O ito kaya ay dahil sa simpleng kinang ng pera?

Kadalasang ang seryosong sitwasyon ay nakukuha sa simpleng paliwanag. Nakalulungkot lang na para sa mga katulad ni Verano, ang etikal na pamantayan ay kinalilimutan sa ngalan ng tinatawag niyang ”normal na kalakaran.”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “Etikal na pamantayan ni Verano”

  1. Danny,

    Kaya nga siguro ginawa ni Atty Verano ang pagdraft ng order ay dahil may pahintulot siya ni Justice Secretary Raul Gonzalez. Ayon sa narration of facts, noong binigay ni Atty Verano kay Undersecretary Blancaflor, thru his secretary Payoyo ang dokumento, sinabi ni Verano kay Payoyo na nag-usap na sila ni Justice Sec Gonzalez doon. Ang pag-uusap na iyon ay kinumpirma din ni Gonzalez. Marami akong nasulat tungkol dito. Isa na ito: http://pilarcapiz.wordpress.com/2009/01/07/the-investigation-on-the-alabang-boys-bribery-scandal-should-focus-on-secretary-gonzalez-undersecretary-blancaflor-state-prosecutor-resado-and-chief-state-prosecutor-zuno/

    Sagot: Maraming salamat sa komento. Pasensiya na’t kung medyo duda ako sa pagbibigay ng pahintulot ni Gonzalez, dahil kahit ang huli’y nagtataka (batay sa pahayag niya sa midya) kung paano nakakuha ng DOJ letterhead si Verano. Sa aking pagkakaalala, inamin ni Verano na kusang loob niyang sinulat ang draft release order para mapabilis ang pagpapalaya sa mga kliyente niya. Ang anumang pinag-usapan nila ni Gonzalez ay hindi nagresulta sa pagbibigay ng pahintulot. Ito ang impormasyong nakuha ko batay sa pagsubaybay ng public hearing at pagbabasa ng maraming artikulo. Pero sa isang banda, posible rin ang sinabi mo tungkol sa pagbibigay ng pahintulot kung iisipin nating baka nagpapalusot lang ang mga opisyal ng DOJ. Hindi na kasi bago sa atin ang mga pagtatakip na ginagawa ng ating mga opisyal, sa DOJ man o maging sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

  2. hi. i just want to say thank you for the knowledge that you gave to me. as a student it is important to have learnings about politics.

    Reply: You’re most welcome. All the best!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.