Pampublikong galit, midya at `Valley Golf Brawl’

N.B. – This was published in the January 16-22, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/01/pampublikong-galit-midya-valley-golf-brawl%E2%80%99.

Salamat sa midya at blogosphere, nagkaroon ng ibang reputasyon ang Valley Golf and Country Club sa Antipolo kahit na hindi intensiyon ng mga nagmamay-ari ito.

Ang away ng mga pamilyang Pangandaman at Dela Paz sa lugar na iyon noong Disyembre 26 ay masasabing sumira sa mabagal na pagpasok ng mga balita tuwing Pasko. Biglang nagising ang mga organisasyong pang-midya at agad-agad na ibinalita ang mga nangyari. Dahil naunang makuha ang panig ng mga Dela Paz at inabot ng ilang araw bago nagsalita ang mga Pangandaman, ang pampublikong opinyon ay masasabing pumabor sa unang panig.

Pero hindi lang ito usapin kung sino ang unang nagsalita. Ang maagang paghusga sa mag-amang Pangandaman ay dahil pareho silang opisyal ng gobyerno (ang ama’y Kalihim ng Repormang Agraryo at tagapayo sa usaping pangkapayapaan at ang anak nama’y alkalde ng Masiu sa Lanao del Sur).

Dahil sa pampublikong katayuan ng mag-ama, may dalawang bagay na hindi pumapabor sa kanila: Una, inaasahan silang panatilihin ang pagiging magalang sa mga ordinaryong mamamayang pinangakuang pagsisilbihan nang tapat. Ikalawa, sila ay bahagi ng isang administrasyong parating nasasangkot sa malawakang korupsyon at iba pang kontrobersiya. Sa madaling salita, ang baho ng administrasyon ay lalo pa nilang pinabaho dahil sa kinasangkutan nila.

Puwede mong sabihing nakalimutan kong isama ang relihiyon, pero gusto kong isiping ang pagiging Muslim ng mag-amang Pangandaman ay hindi na kailangang ungkatin sa konteksto ng pambubugbog na diumanong ginawa nila laban sa mag-amang Delfin at Bino Dela Paz. Ano nga ba naman ang kinalaman ng relihiyon? Mapapatunayan ba sa pamamagitan ng anumang siyentipikong pag-aaral ang argumentong ”ang tanging mabait na Muslim ay patay na Muslim?”

Tulad ng inaasahan, napakabilis ng mga organisasyong pang-midya sa pagbibigay ng mga batayang datos tungkol sa nangyari. Pero hindi rin nakakagulat na unang pumutok ang balita sa blogosphere sa pamamagitan ng mga komentaryo at re-post na ginawa ng napakaraming blogger.

Sa katunayan, mismong si Bambee Dela Paz – na isang golfer, blogger at, higit sa lahat, kasama ang kanyang ama’t kapatid nang mangyari ang insidente – ay nagbigay ng kanyang bersyon ilang oras matapos ang insidente sa”Vicissitude” blog post na pinamagatang ”The world has gone crazy.” (http://vicissitude-decidido.blogspot.com/2008/12/world-is-fucked-up.html).

Umabot na sa 1,455 ang mga komentong nakuha ng post na ito ni Bambee, at karamihan sa mga komento’y nagpapakita ng suporta sa diumanong kalupitan at pag-abuso sa kapangyarihan ng mga Pangandaman. At dahil naiulat na rin ito sa midya, muling nabigyan ng dahilan ang nakararaming mamamayan (blogger man o hindi) para magalit sa mga nasa kapangyarihan.

Sabi ng iba, nararapat lang na magbigay ng public apology ang mga Pangandaman sa pamilyang Dela Paz. May iba pang nag-eengganyo sa mga Dela Paz na sampahan ng kasong kriminal ang mga nakaaway nila.

Siyempre pa, marami ring nananawagang magbitiw sa puwesto ang mag-amang Pangandaman. Isang pinatingkad na kontradiksyon ang kakayahang maging ”peace negotiator” ng matandang Pangandaman sa sitwasyong wala siyang nagawa para maawat ang mga nagsusuntukan sa mismong harap niya. Gayundin ang kaso ng kanyang anak na pinalabas na abusadong alkaldeng napapaligiran ng mga bodyguard na handang manakit ng iba para lang protektahan ang among nagpapasuweldo sa kanila.

Pero matapos ang paglalahad ng mga datos, mainam bang naisakonteksto ang galit na nararamdaman sa mga Pangandaman? Nasuri bang mabuti ng midya ang anumang datos na nakuha mula sa iba’t ibang panig?

Mahalagang balikan ang nakasulat sa Republic Act (RA) No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), lalo na ang Sec. 4 (h) ng batas na ito: ”Simple living. – Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant and ostentatious display of wealth in any form.

Magandang paksa ng talakayan kung ang paglalaro ng golf sa isang country club ay masasabing simpleng pamumuhay. Kahit na sabihing ang golf ay tinaguriang gentleman’s sport, hindi pa rin maikakaila ang pangkalahatang pagtinging ito ay para sa mayayaman lang, dahil sa napakamahal ng mga gamit na kailangan para maglaro nito.

Sa aking pagbisita sa website ng Valley Golf and Country Club, nalaman kong ang isang maglalarong panauhin (playing guest) ay kailangang magbayad ng P43,000 sa kanyang pagsumite ng aplikasyon (bagama’t ang P15,000 nito na cash deposit ay refundable naman). Iba pa ang mga kailangang bayaran bawat buwan at ang taunang pribilehiyo para maglaro. Hindi na kailangang banggiting napakamahal ng mga bayaring ito para sa isang ordinaryong manggagawa.

Ang isang mahalagang anggulong hindi malalim na nasuri ng midya ay kung ano ang ginagawa ng mga Pangandaman sa lugar na iyon. Hinayaan na lang kasi ang pahayag ng Kalihim ng Repormang Agraryo na dinala niya ang kanyang pamilya para magkasama-sama sila.

Sana’y may mga peryodistang nagtanong sa mag-amang Pangandaman nang ganito: Ano po kaya ang iisipin ng publiko kapag nalamang nagpunta kayo sa isang country club at sumali sa isang pang-mayamang laro? Hindi po ba’t may mas murang paraan para makasama ang pamilya? Alam po ba ninyong malinaw na nakasaad sa RA 6713 na kailangang magkaroon ng simpleng pamumuhay ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno?

Kung sabagay, may tendensiya tayong tanggapin bilang normal na kalakaran ang sitwasyong araw-araw nating nakikita. Sa isang banda, mismong ang Pangulo at ang kanyang pamilya’y naglalaro din ng golf sa napakaraming eksklusibong country club sa loob at labas ng bansa. At, batay sa kanilang mga gawi, wala silang nakikitang problema sa pagpapakita ng kanilang yaman sa naghihirap na madla.

Sa aking palagay, ito ang mas malalim na dahilan para magalit sa mga Pangandaman at sa iba pang tiwaling nasa kapangyarihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Pampublikong galit, midya at `Valley Golf Brawl’”

  1. Isa nga itong bagay na hindi napansin ng nakararami. Hindi ko rin naisip. Siguro dahil na rin, tulad nga ng iyong sinabi, normal na bagay na kasi ang marinig na nasa golf club ang mga politiko kaya wala na ring pumansin.

    Wala akong masyadong alam sa batas at konstitusyon, hindi ko alam ang RA 6713. Salamat sa pagbabahagi. Napaka-ironic lang na may ganito palang nasasaad sa Code of Conduct, at hayagan itong binabalewala.

    Sagot: Salamat sa komento, Cai. Ang RA 6713 ay isang batayan sa mga lifestyle check na ginagawa sa mga nagtatrabaho sa gobyerno. Ito rin ang batayan ng taunang pagsumite ng Statement of Assets and Liabilities (SAL) na kahit ako’y ginagawa ko dahil nagtuturo ako sa isang public school. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.