Pagtuturo’t paggamit ng droga

N.B. – This was published in the January 30-February 5, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/01/pagtuturo%E2%80%99t-paggamit-ng-droga.

Kung masusunod ang Commission on Higher Education (CHED), ang buwan ng Pebrero ang simula ng random drug testing sa mga nagtuturo sa kolehiyo’t unibersidad.

Aaminin kong bilang guro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), magkahalong pagkabahala’t pagkainis ang naramdaman ko nang mabasa ko ang balita sa Inquirer.net noong Enero 27 na pinamagatang ”Professors to undergo drug test (http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20090127-185766/Professors-to-undergo-drug-test).”

Pagkabahala ang aking naramdaman hindi dahil may itinatago ako – alam naman ng malalapit na kaibiga’t kakilala na wala akong bisyo sa katawan! – kundi dahil ipinapakita ng ”solusyon” ng pamahalaan ang kawalan ng matino’t malalimang pagsusuri sa pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.

Samantala, ang aking pagkainis ay dahil sa ”espesyal” na atensiyong ibinibigay ngayon sa mga gurong katulad ko. Ano ba ang pagkakaiba ng sektor ng edukasyon sa iba pa? Talamak ba ang paggamit ng droga sa propesyon ng pagtuturo kaya kailangan nang isailalim sa random drug testing ang mga guro? Maipapakita ba sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ang koneksiyon ng pagtuturo sa pagkalulong sa droga?

Maraming tanong na kailangang sagutin, pero ang tanging katwiran lang ng mga nasa kapangyarihan ay bahagi ito ng isang malawakang kampanya. Ang drug testing diumano ay paraan ng pag-iwas (preventive measure) sa paggamit ng ilegal na droga.

Madaling ikatwiran ng mga nasa kapangyarihan na wala namang dapat ikabahala ang mga walang itinatago, at ang mga tutol lang sa random drug testing ay ang mga gumagamit ng ilegal na droga. Sa isang normal na sitwasyong ang mga pulis at iba pang opisyal ng pamahalaan ay may tiwala ng mamamayan, siguro’y hindi masyadong aalma ang karamihan at baka nga boluntaryo pa nilang ibigay ang mahahalagang impormasyong kailangang malaman.

Pero alam nating lahat na talamak ngayon ang katiwalian sa pamahalaan. Kahit ang kampanya sa pagkapangulo noon ni Gloria Macapagal-Arroyo ay pinondohan diumano ng isang drug lord sa Pampanga. Muli, madaling sabihing ”tsismis” lang ang akusasyon laban sa nagbigay ng malaking kontribusyon sa kampanya ni Macapagal-Arroyo. Pero sa konteksto ng napakaraming iskandalong pilit ibinabaon sa limot ng mga nasa kapangyarihan, hindi pa rin maiwasang magduda ng nakararaming mamamayan.

Masusukat lang natin ang kaseryosohan ng pamahalaan sa giyera nito laban sa ilegal na droga kung gagawin nito ang sumusunod:

  1. Magsagawa ng malalimang pag-aaral sa sitwasyon ng narcopolitics sa Pilipinas (kung hindi alam ng mga nasa kapangyarihan ang ibig sabihin ng narcopolitics, baka mainam na pag-aralan muna ang sitwasyon ng underground economy sa Colombia).
  2. Pagawin ng sworn statement ang lahat ng opisyal ng Malakanyang, Senado, Kamara de Representante, Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na kahit kailan ay hindi sila gumamit o nagtulak ng ilegal na droga at wala silang intensiyong gawin ito sa hinaharap. Kung sakaling sila ay mapatunayang nagsisinungaling, boluntaryo silang magpapakulong at tatanggapin nila ang anumang parusa, gaano man kabigat ito.
  3. Ipakita ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ilegal na droga sa mga nagdaang taon. Kung may nawawala sa imbentaryo, kailangang isapubliko ang mga detalye nito.
  4. Siguraduhing mababawasan, kung hindi man tuluyang mawawala, ang smuggling sa bansa sa pamamagitan ng reorganisasyon sa Bureau of Customs, Philippine Ports Authority at iba pang ahensiyang may kinalaman sa mga daungan ng bansa. Ang mga opisyal na itatalaga sa mga ahensiyang ito’y dapat na may malinaw na rekord sa paglaban sa katiwalian.
  5. Magbigay ng mataas na pabuya sa kung sinumang makapagbibigay ng ebidensiya laban sa mga drug lord. Kaugnay nito, maaari ding ibigay ang 10 porsiyento ng halaga ng nasamsam na ilegal na droga sa impormante. Ang huli’y dapat na ipasok sa witness protection program (WPP) o pondohan ang pansamantalang pangingibang-bansa para hindi makompromiso ang kanyang buhay.
  6. Hindi dapat makontento ang kapulisan sa pagpapakulong sa mga drug pusher. Mananatiling hindi resolbado ang isang kaso hangga’t hindi natutukoy ang mga supplier ng droga at ang mga opisyal na kasabwat nito (kung mayroon man).
  7. Magsagawa ng malawakang kampanya sa midya, lalo na sa telebisyon, kung paano matutukoy ng isang ordinaryong mamamayan ang isang drug lord o drug pusher at kung paano siya mabilis na makapagsusumbong sa kinauukulan.
  8. Pakilusin ang mga lokal na pamahalaan hanggang sa antas ng baranggay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang insentibo sa mga lugar na may pinakamaraming maipapakulong na drug lord at drug pusher sa loob ng isang taon.
  9. Pabilisin ang paglilitis sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga sa pamamagitan ng maayos na pagpapatakbo sa mga special court sa lahat ng bahagi ng Pilipinas.
  10. Isailailim sa drug testing ang lahat ng miyembro ng Unang Pamilya para patunayang hindi sila gumagamit ng ilegal na droga. Kumbaga sa wikang Ingles, ang kailangan sa puntong ito ay ”leadership by example.”

Mapapansing ang mga rekomendasyong ito ay nakatutok lang sa mga drug lord at drug pusher. Bagama’t ang paggamit ng droga ng iilang mamamayan ay isang problema, naniniwala akong epektibo itong matutugunan kung mawawalan sila ng suplay. Ang mga nalululong sa ilegal na droga ay masasabing biktima rin ng isang sistemang hinahayaan ang ilegal na kalakaran ng mga nasa kapangyarihan.

Dahil sa kawalan ng komprehensibong programa laban sa ilegal na droga (na kailangang batay sa mga siyentipikong pag-aaral), hindi masisisi ang marami kung iisipin nilang ang isasagawang random drug testing ngayong buwan sa mga eskuwelahan ay hindi kagyat na solusyon, kundi malinaw na pagkukunwari lang ng pamahalaan na may ginagawa ito.

At kung isasakonteksto pa natin sa nangyayaring panunupil ng estado sa batayang karapatan ng mamamayan (lalo na ang malawakang pagpatay sa mga lumalaban sa katiwalian), puwede ring tingnan ang random drug testing bilang isang paraan ng intimidasyon sa mga nasa akademyang patuloy na tumutuligsa sa mga nasa kapangyarihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

4 thoughts on “Pagtuturo’t paggamit ng droga”

  1. dapat talagang iwasan ang droga kasi malaki ang magiging epekto nito sa mga taong normal naman ang pag iisip. ang drugs ay dapat sa may sakit lamang sa mga mental hospital. ako ho si joseph bulatao.

    Sagot: Salamat sa komento, Joseph. Para sa mga nasa mental hospital, depende rin siyempre ito sa drogang ibibigay sa kanila. Ang anumang ilegal ay nakasasama, anuman ang estado ng ating pisikal at mental na kalusugan. Muli, salamat at mabuhay ka.

  2. nakatutulong po talaga ang post ninyo sa papel pananaliksik ko.palagi na akong kumukuha ng ideya sa site ninyo.

    Sagot: Maraming salamat sa positibong komento. Mabuhay ka!

  3. ask ko lang po pag nag take po ng drugs pede po ba maalis sa katawan un? kac try ko po ng 3x, thx po pag may nag reply.

  4. pano ba maiiwasan kung tlagang hanap hanap m na ang droga,, gaya ng katawan ko hanap hanap ko na, gus2 k man iwasan ndi ko man magawa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.