Bakit kasalanan ng gobyerno ang malawakang tanggalan sa trabaho?

N.B. – This was published in the February 6-12, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/02/bakit-kasalanan-ng-gobyerno-ang-malawakang-tanggalan-sa-trabaho.

Hindi biro ang malawakang tanggalan sa trabaho sa kasalukuyan.

Noong 2007, halimbawa, tinatayang may 6,000 manggagawa sa dalawang gusali ng Intel Campus sa General Trias, Cavite. Pero dahil sa nakatakda nang isara ng Intel ang planta nito sa Cavite, mababa pa sa 3,000 ang nananatiling may trabaho pa. Ang huling batch ng mga manggagawang magtatanggal ng mga makina ng Intel ay tuluyan nang mahihiwalay sa kompanyang matagal nilang pinagsilbihan sa darating na Setyembre.

Ganito rin ang kaso sa buong rehiyon ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon) na kilala sa pagkakaroon ng industrial estates. Malinaw sa datos ng Department of Labor and Employment (Dole) na may 14,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa Calabarzon mula Oktubre hanggang Enero 2009. Samantala, may 19,000 manggagawa ng Calabarzon ang apektado ng pinababang oras ng pagtatrabaho sa loob ng nasabing maikling panahon.

Hindi na nakakagulat ang pag-amin ni Labor Secretary Marianito Roque na aabot sa 300,000 manggagawa sa industriya ng eksport ang mawawalan ng trabaho sa unang anim na buwan ng 2009.

Kung iniisip mong lalong darami ang mangingibang-bansa para buhayin ang pamilya, malabong mangyari ito sa ngayon. Ang matinding krisis na kinakaharap ng Estados Unidos (EU) ay nakaapekto sa mga bansang tulad ng Pilipinas na patuloy na nakasandal sa EU para sa dayuhang pamumuhunan at destinasyon ng mga produkto’t serbisyong pang-eksport.

Ito ang dahilan kung bakit noon pang Disyembre ay inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Overseas Workers Welfare Administration (Owwa) na maglaan ng panimulang pondong P250 milyon para sa Filipino Expatriate Livelihood Support Fund. Sa kanyang pagbisita sa Saudi Arabia kamakailan, sinabi niyang umabot na sa P1 bilyon ang maaaring gamitin para suportahan ang mga natanggal na overseas Filipino worker (OFW) at lokal na manggagawa.

Bahagi ng tinatawag na livelihood support ang muling pagsasanay sa mga natanggal para magkaroon ng mga bagong kaalaman at kakayahan. “Isa sa mga ginagawa natin ay magbuo ng mga retraining program sa Pilipinas gaya ng mga training sa call center, welding, baker, chef at iba pa,” sabi ni Macapagal-Arroyo.

Wala namang masama sa pagkakaroon ng pagsasanay. Pero kailangang suriin kung anong klaseng pagsasanay ang ibibigay sa kanila. Makakatulong ba ito sa pambansang pag-unlad? Mapapalakas ba nito ang sektor ng agrikultura na lubhang kailangan sa tunay na industriyalisasyon? Maeengganyo kaya ang ating mga natanggal na manggagawang manatili sa bansa dahil sa paniniwalang naririto ang pag-asa ng personal at pambansang pag-unlad?

Kapansin-pansin ang pagdepende ng pamahalaan sa business process outsourcing (BPO) para sa pagbibigay ng trabaho sa mga nais manatili sa Pilipinas. Higit na kapansin-pansin ang klase ng mga trabahong makukuha ng mga natanggal na manggagawa mula sa pagsasanay – ang mga ito ay kadalasang kinababagsakan ng mga land-based at sea-based OFW.

Simple lang ang implikasyon nito: Sa konteksto ng patuloy na pakikipag-usap ni Macapagal-Arroyo sa iba’t ibang lider ng bansa, umaasa ang pamahalaang magiging ligtas ang trabaho ng OFWs, tulad ng pangako ng Punong Ministro ng Bahrain.

Sa kabila ng pandaigdigang krisis, may ilusyon pa rin ang pamahalaang maghahatid ng pag-unlad sa ating bansa ang pagpapalakas ng eksport (kasama na ang “pagbebenta” ng ating mga manggagawa) at dayuhang pamumuhunan (partikular ang tinaguriang sunrise industry na BPO).

Masasabing ang ilusyon ay umabot na sa desperasyon dahil sa panukalang batas ni House Speaker Prospero Nograles na binibigyan ng karapatan ang mga dayuhang magmay-ari ng lupa. Hindi ba’t inamin mismo ng mga sumusuporta sa panukalang batas na ito na mas magiging interesado ang mga dayuhang negosyante sa Pilipinas kung bibigyan sila ng oportunidad na magmay-ari ng lupang sa kasalukuyan ay karapatan lang ng mga Pilipino?

Walang ibang dapat sisihin sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas kundi ang mismong pamahalaan. Kung ang EU ay nag-iisip ng paraan para protektahan ang sariling ekonomiya, patuloy pa rin ang pagyakap ng administrasyong Macapagal-Arroyo sa mga patakarang may kaugnayan sa globalisasyon. Ganito ang kaso kahit na ang globalisasyon ay maaaring magresulta sa pagbagsak ng ekonomiya, tulad ng pinagdaraanan ng bansang sinasandalan ng ilusyonado nating pamahalaan.

Kung sabagay, ano ba naman para sa mga nasa kapangyarihan kung tuluyan nang bumagsak ang ating ekonomiya, lalo na ang kabuhayan ng nakararaming mahihirap? Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang kontradiksiyon ng karangyaan ng iilan dahil sa pakikipagsabwatan sa dayuhan, samantalang pinagsasamantalahan ang publikong dapat ay pinagsisilbihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.