Sa panahon ng pangungulila…

N.B. – This was published in the March 27-April 2, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/03/sa-panahon-ng-pangungulila.

Hannam University, Daejeon – Maniwala ka, naiisip kita. Ang ilang araw nating pagsasama ay nakatatak sa aking alaala.

Mahigpit ang pagkakahawak natin sa isa’t isa sa mahabang biyahe ng bus mula Daejeon hanggang Incheon noong madaling araw ng Marso 22. Patuloy ang ating pag-uusap at pagbibigay ng mga panghuling bilin, at wala ni isang pagkakataon na nakaramdam tayo ng antok. Pero tila napakabilis ng tatlong oras nang makarating tayo sa internasyunal na paliparan.

Ang ngiti sa ating mga labi ay napalitan ng lungkot dahil sa napipintong susunod na pangyayari. Sa ilang saglit, nakuha mo ang iyong boarding pass para sa iyong biyahe pabalik ng Maynila.

Hindi tayo dapat magkahiwalay, pero kinakailangan.

Ang bus na sinakyan ko pabalik ng Daejeon ay inabot din ng tatlong oras, pero tila kalbaryo para sa akin ang pag-upo’t paghihintay. Wala ka na sa tabi ko, at ang tanging alaala ko na lang ng ating pagkikita ay ang dalawang payong na dala ko pabalik.

Ah, sadyang nakiisa ang Daejeon sa ating dalamhati dahil umuulan nang lumabas tayo sa Global House ng Hannam. Hindi natupad ang plano nating maglakad at kinailangan nating kumuha ng taksi papunta sa Dongbu Bus Terminal.

Ang dapat sana’y hawak-kamay na paglalakad nang medyo matagal ay naging panandaliang pag-upo sa loob ng taksi habang mabilis na binabalot ang mga nabasang payong.

Alam kong alam mong medyo matagal ang ating paghihiwalay, at nais nating mapahaba ang nalalabing pagkikita.

Sa unang pagkakataong pumasok ako sa ating yunit na hindi kita kasama, mabigat ang loob kong iligpit ang tsinelas mong nakalagay sa entrada. Tila mahirap para sa aking itago ang mga iniwan mong damit na hindi ko naman gagamitin. Kailangan ko pang pilitin ang sarili kong kumain kahit malinaw na wala akong gana.

Ano ba ang pinakamahirap sa lahat? Ito’y walang iba kundi ang pagsapit ng gabi. Kahit na nakapikit, mahirap pa ring makatulog lalo na’t alam kong nag-iisa na ako’t matagal kitang hindi makikita.

Nakakalungkot ang mga pagkakataong ito, pero nagpapasalamat ako sa iyong pag-intindi kung bakit kailangang mangyari ang ating pansamantalang paghihiwalay, gayundin ang aking pagtatrabaho rito.

Sa isang banda, para sa atin din naman ang ginagawa kong ito. Pero aaminin kong mas makabubuti sa personal kong pag-unlad bilang guro ang aking pagtanggap sa alok ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) para pumunta rito, kahit na medyo napakabilis ng abiso na nagresulta sa agarang pagbiyahe papuntang Korea.

Nagpapasalamat ako sa iyong pag-intindi, at makakaasa kang parati kang nasa aking alaala – hindi lang mula pagmulat ng aking mata sa umaga kundi hanggang sa pagtulog na laging hangad ang mapanaginipan ka, pati ang masaya nating pinagsamahan.

Sa panahon ng pangungulila, maniwala kang naiisip kita!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Sa panahon ng pangungulila…”

  1. Sir, iyan po ang isa sa lagi nilalabanan ng sinumang expat. Minsan kahit kasama na ang pamilya, may ilang bagay pa rin na mangungulila ka gaya ng pangungulila sa mga nakagawiang gawin, mga nakasanayang makasalubong, kainin, atbp. pero isa po sa naging magandang tulong sa akin at sa aking pamilya ay ang kapwa Pinoy dito sa Australia. Pero gaya din diyan sa atin, may magugustuhan mo’ng “itulak” pero salamat sa Diyos marami din naman tao na karapat-dapat “kabigin.” :)

    Sagot: Salamat, Jim, sa komento. Sa isang banda, ang konsolasyon ng ganitong sitwasyon ay hindi naman ito permanente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.