Wikang Filipino bilang puhunan?

N.B. – This was published in the July 10-16, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/wikang-filipino-bilang-puhunan/.

Ingles para sa matalino, Filipino para sa bobo.

Pasensiya na po sa elitistang diskurso. Pero ganito na ang pagtingin ng isang pamahalaang pilit na itinutulak ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Sa panahon daw kasi ng globalisasyon, magiging susi raw ito ng pag-unlad ng Pilipinas. Kung marunong ka raw mag-Ingles, lahat ng oportunidad ay mapapasaiyo.

Anong klaseng oportunidad naman ang naghihintay sa iyo? Basta’t kaya mong gayahin ang accent ng mga Amerikano, puwedeng-puwede kang makapasok sa call center na mataas ang suweldo. Kung mangingibang-bansa ka naman, mas madali kang makukuha sa anumang trabahong kaya mong gawin dahil alam mo ang wika ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig. Hindi bale nang magkaroon ng reputasyon ang Pilipino bilang dakilang domestic helper o caregiver. Ang mahalaga sa gobyerno’y siguraduhing matuto tayong mag-Ingles para makalabas ng bansa at makapagpadala ng dolyar. Lubhang kailangan ang huli para maisalba ang ating ekonomiya.

Kaya huwag ka nang magulat kung umabot na sa 8,726,520 ang bilang ng mga Pilipinong nasa ibang bansa, ayon sa datos ng Commission on Filipinos Overseas noong Disyembre 2007. At kung interesado kang malaman kung saan may pinakamaraming Pilipino, ito ay walang iba kundi sa Estados Unidos (EU). Alam mo bang may 2,802,586 na Pilipinong nasa EU, at 90 porsiyento sa kanila ay permanente nang naninirahan doon?

May mahalagang papel ang wikang Ingles sa ekonomiyang outward-looking, export-oriented at foreign investment-led tulad ng Pilipinas. Ang anumang pangkaunlarang plano ng gobyerno’y depende sa kung anong mabenta sa pandaigdigang pamilihan, hindi sa kung ano ang lokal na pangangailangan. Layunin din ng pamahalaang maengganyo ang mga dayuhang mamumuhunan (foreign investor), kaya nga gusto ng mga katulad ni House Speaker Prospero Nograles na baguhin ang Saligang Batas para hayaang magmay-ari ng lupa ang mga dayuhan. Pansinin ding ang iba’t ibang polisiyang nakatutok sa liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ay naaayon sa pagtrato sa mga dayuhan hindi bilang bisita kundi mistulang may-ari ng bansa. Biro nga ng iba, tila kulang na lang ay bigyan ng karapatang bumoto ang mga dayuhan!

Susing bahagi ng anumang programang pangkaunlaran ang komunikasyon, at mapapansing mas binibigyang-diin sa kasalukuyan ang pakikipagtalastasan sa mga dayuhan kaysa mga kababayan. Kung hindi raw kasi gagawin ito, mawawalan tayo ng oportunidad na makuha ang minimithing dolyar.

Totoong tagasalba ng ekonomiya ang overseas Filipino workers (OFWs). Kung noong 1998 ay malaki na ang $7.37 bilyong ipinadala nila sa Pilipinas, aba’y nagkaroon ng 123 porsiyentong paglago ito nang umabot sa $16.43 bilyon noong 2008, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Lalong kinakailangan ngayon ang maramihang pagpapadala ng mga Pilipino sa ibang bansa. Lumiliit na kasi ang dayuhang pamumuhunan dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya. Noong 2008, batay pa rin sa datos ng BSP, ang portfolio investments ay nagtala ng depisitong $3.58 bilyon dahil mas maraming inilabas kaysa ipinasok na dolyar ang mga dayuhan. Kahit na ang net foreign direct investments ay umabot sa $1.35 bilyon noong 2008, maliit ito kumpara sa $1.95 bilyong naitala noong 2007.

Kaya huwag ka nang magulat kung sa kasalukuyan ay mas binibigyang-pansin ang pagpapahusay sa kakayahan sa wikang Ingles (English proficiency) kaysa wikang Filipino. Kung tutuusin nga, hindi na pinapansin kung nagkakaroon na ng kahinaan ang maraming kabataan sa paggamit ng sariling wika.

Hindi bale nang tuluyang makalimutan ang wikang Filipino basta’t nakakayang makipagdiskurso sa wikang Ingles. At ano naman ang laman ng diskurso? Muli, hindi bale nang mababaw ang pagsusuri basta’t ”tunog Amerikano” ang paraan ng pakikipagtalastasan. Sa madaling salita, gamitin natin ang wikang Ingles kahit walang sustansiya basta’t maganda ang porma!

Ganito na po ang pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, at sa ganitong konteksto din natin dapat suriin ang kawalan ng interes ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na pahusayin ang kanyang paggamit sa wikang Filipino.

Para sa katulad kong ginagamit ang wikang Filipino at Ingles sa pagsusulat at pagtuturo, wala po akong intensiyong pagbanggain ang dalawa. Pero tratuhin po sana natin ang Ingles bilang ikalawang wika lamang, isang klase ng wikang maaari namang matutuhan basta’t una muna nating palakasin ay ang sariling wika.

Oo, posible namang maging lingua franca sa Pilipinas ang wikang Ingles, tulad ng kaso sa mga bansang Australia at Canada. Pero kailangang tandaang ang anumang pagtanggap sa dayuhang wika ay may epekto sa pambansang identidad. Matindi ang epekto ng pananakop ng mga dayuhan (lalo na ng mga Amerikano) sa ating mentalidad, at makakaasa tayo ng lalo pang pagpapalakas ng kolonyal na oryentasyon ng ating kultura. Sa larangan naman ng ekonomiya, lalong magkakaroon ng susing papel ang mga dayuhan, lalo na ang mga Amerikano, kahit na nangangahulugan ito ng dominasyon sa lokal na pamilihan.

Isipin mo na lang: Kung ang wikang Ingles ay magiging lingua franca sa pamamagitan ng pagsasabatas ng pagtuturo nito’t paggamit sa lahat ng porma ng opisyal na komunikasyon, wala nang dahilan para sa mga mamamayang pag-aralan ang wikang Filipino na pangunahing salik sa pagpapalaganap ng ating kinagisnang kultura. Kung sabagay, ang malinaw na perspektiba ng mga nasa kapangyarihan ay paglingkuran ang dayuhan, kaya hindi nila kinikilalang problema ang unti-unti nang pagkamatay ng ating kultura.

Kailan magiging puhunan sa pag-unlad ang wikang Filipino? Para mo na ring tinanong kung kailan ba magkakaroon ng makabuluhang pagbabago, na dapat simulan sa pagpapatalsik sa Pangulong hindi sanay gumamit ng wikang Filipino.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

8 thoughts on “Wikang Filipino bilang puhunan?”

  1. Nakalulungkot, pero iyon po talaga ang reyalidad. Aminin man o hindi, sa bansang talamak ang colonial mentality, Ingles po ang midyum na may bentahe. Dati, mas kumportable ako sa Filipino, pero mula nang maging parte ako ng industriya ng call center, unti-unti nitong binago ang preference ko sa maraming bagay. Dati mas kumportable akong mag-blog sa Filipino, pero ngayon hindi na. Sa palagay ko kasi, mas seryoso ang tono ng isang blog kapag nasa Ingles ito. Pero napansin ko na pwede rin palang maging seryoso ang blog maski nasa Filipino, gaya ng sa inyo. Hindi lang blog ko ang naimpluwensyahan ng trabaho ko, maging yung mga librong binabasa ko. Aliw na aliw ako dati sa mga akda nina Jun Cruz Reyes, Lualhati Bautista, Edgardo Reyes, etc pero nasapawan na sila ng mga banyagang manunulat. Pero naiintindihan ko pa rin naman na walang isang wikang inferior sa isa pang wika, dahil kung intelektwal ka talagang tao kaya mong ipahayag yung sustansya ng sinasabi sa wikang alam mo, (with or without that call sener twang).

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Ang pagpasok mo sa call center ay natural na magpapahusay sa iyong paggamit sa wikang Ingles dahil pangunahing pangangailangan ito sa larangan mo. Mabuti na lang at hindi nabago ang pagtingin mo sa wikang Filipino, gayundin sa kultura. Alam mong hindi pa huli ang lahat para muli mong mapahusay ang paggamit mo ng wikang Filipino. Nabanggit mo na rin lang ang ilang mahusay na manunulat sa wikang Filipino, mainam ding basahin sina Bien Lumbera at Pete Lacaba na aaminin kong dalawa sa paborito kong manunulat, bukod kina Jun at Lualhati. Muli, salamat at mabuhay ka!

  2. sa aking palagay hndi nman ata tma na yong wikang pilipino ay pra sa mga bo2 at ang ingelis ay pra sa mga mata2lino ksi hndi ata dahil ito ang atng sriling wika

    mata2lino lban xa bo2

    Sagot: Paki-basa lang nang mabuti ang sinulat ko, hindi lang ang unang talata. Ang mensahe ng buong sanaysay ay ang puntong tinuran mo. Salamat.

  3. Magandang matuto tayong magsalita ng tamang Ingles, ngunit hindi nangangahulugan ito ng pag-iwan sa ating sariling wika. Tayo ay uunland hindi lamang bilang isang bansa kundi bilang isang tao rin kung mamahalin muna natin ang sariling atin.

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Mabuhay ka!

  4. sir. Nakikita naman natin na wala ng interes ang mga naghaharing uri para sa pagpapaunlad ng ating wika, alam naman natin na malaki ang kanilang impluwensiya ukol sa ganitong usapin. Tanong: ano ang alternatibong paraan para umunlad at mapalawak ang paggamit ng ating sariling wika kung ang ating mga pinuno ay walang ng pakialam dito? Malaki ba ang magagawa ng mga mamamayan lalung-lalo na sa mga estudyanteng kagaya ko?

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. May malaking magagawa ang mga indibidwal na tulad mong nagmamahal sa sariling wika. Ang simpleng pagiging ehemplo ng araw-araw na pagsasalita sa sariling wika ay may malaking maitutulong na sa pagpapataas ng diskurso. Pero mas magiging epektibo ang pagkilos kung sama-sama’t nagkakaisa. May susing papel ang mga progresibong organisasyon sa pagtataguyod ng sariling wika. Pero may malaking maitutulong din ang mga eskuwelahan at midya sa pagpapalawak ng wikang Filipino sa pamamagitan ng responsableng paggamit nito.

  5. magandang gabi po sir ako po’y mag-aaral mula sa Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang kumukuha ng Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya…

    bilang isang ABF student lubos po akong sumasang-ayon sa mga pahayag sa itaas at ako po ay naniniwala na hindi kamangmangan ang hindi pagiging maalam sa wikang ingles o alin mang wikang banyaga.

    Tulad ng ibang kabataan kami po ay nasa panahon ng tinatawag nating “modernisasyon” kung saan higit na nararanasan ang dahan-dahang kolonyalisasyon.Na mababatid saan mang aspeto… mapa media, musika at paraan ng pagtanggap sa kultura ng mga kinahuhumalingan naming mga kabataan.

    Ako po ay naniniwala na taong hindi marunong magpahalaga sa kaniyang sariling wika ay walang paninindigan.

    asahan nyo po n higit kong pagyayamanin ang wikang Filipino katuwang ang mga kapwa ko mag-aaral n tumtanaw ng mataas sa wikang atin.

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Sana’y marami pang maging katulad mo. Mabuhay ka!

  6. Saludo po ako sa inyong mga sinasabi sa itaas. Isa po akong guro sa Filipino dito sa Iloilo. Bilang isa sa mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa, ako’y naniniwala na kailanman hindi tayo maging maunlad kung tayo’y mistulang dayuhan sa sariling bayan. Medyo mahirap ang daang ating tinatahak dahil ang may mga mataas na katungkulan sa ating bansa ay ayaw magsalita ng wikang Filipino. Kung ganoon sir, sistema ang ating binabangga. Magkagayunman, hindi po ako nawawalan ng pag-asa. Katulad po ninyo, patuloy ko pong ipaglaban ang pagsulong ng Wikang Filipino sa bansang Pilipinas!

    Sagot: Maraming salamat. Sama-sama tayong lahat sa pagsusulong ng sariling wika. Mabuhay ka!

  7. Ako’y naniniwala na may mahalagang papel na gagampanan ang gubyerno para sa pagpapayabong ng wikang sarili at kultura. Iwaksi na sana sa isipan ng marami nating mga kababayan na Ingles ang wika ng makabagong kabihasnan.
    SALUDO AKO SA INYONG MGA PAHAYAG.

    ARTURO V. ABERA
    Pamansalan Eco-Tech High School
    Dipolog City

  8. Nakakatuwang isipin na marami pa rin ang nagmamahal at nagpapahalaga sa ating sariling wika. Ang di paglimot sa bayang pinagmulan at kasarinlan nito ay mas marami pang biyaya ang makakamtan dahil sa aking hinagap , mas mapapaunlad mo ang sariling bansa kapag lubos kang nagmamahal dito at ni minsan ay di mo nagawang itatwa kahit na napakataas/napakalayo pa ang nalipad mo. Mabuhay ka.

    Sagot: Maraming salamat sa komento. Mabuhay!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.