Magkahalong kasiyahan at kalungkutan

N.B. – This was published in the August 21-27, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/magkahalong-kasiyahan-at-kalungkutan/.

DAEJEON, Timog Korea – Mula Hulyo hanggang ikalawang linggo ng Agosto, magkahalong kasiyahan at kalungkutan ang naramdaman ko – masaya dahil muli kong nakasama si Joy sa mahigit isang buwan kong pagbisita sa Pilipinas, malungkot dahil alam kong muli kaming maghihiwalay sa pagpapatuloy ng aking pansamantalang pagtuturo sa Timog Korea.

At dumating na nga ang araw ng hindi-masukat na kalungkutan – ang aking pagsakay sa eroplano pabalik sa bansang bagama’t napakaunlad ay hindi ko naman masasabing akin. Maliit na konsolasyon lang ang desisyon ng siyam na kamag-anak na bisitahin ako nang ilang araw para maranasan ang buhay sa Korea.

Pero ang pangungulila sa sariling bansa (at sa mahal na asawa) ay hindi naiibsan kung alam mong ang anumang kasiyahang nadarama mo ay pansamantala lang. Pagkatapos ng kanilang pagbisita, alam kong babalik na naman ako sa matagal na pag-iisa. Ang nakaugalian kong pagpunta sa Daehwadong Church tuwing Linggo na pinupuntahan ng maraming kapwa Pilipino sa Daejeon ay may malaking tulong para muling makausap ang mga kababayang nakakaintindi ng wikang Filipino. Masasabing nakakagaan ng pakiramdam ang kuwentuhan, tsismisan at tawanan pagkatapos ng misa habang pinagsasaluhan ang libreng tinapay at inumin.

Kapansin-pansin ang pagbebenta ng ilang kapwa Pilipino ng kung anu-anong bagay sa Daehwadong. Napapangiti na lang ako tuwing nakikita ko ang mga produktong hindi ko dinala sa Korea – Centrum, Ligo, Chippy. Biro ko sa aking sarili, baka lalo akong mangulila kapag nakakita ako ng Boy Bawang!

Alam mo ba ang isa sa mga pinakamabentang produkto sa mga Pilipino dito sa Daejeon? Ito ay walang iba kundi ang TNT, isang international calling card na ibinebenta sa halagang 11,000 Korean Won (o P440). Tulad ng marami pa, ginagamit ko ito para tawagan si Joy, gayundin ang ilang katrabaho sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng nasabing calling card, makakaya mong tumawag nang isang oras sa mga numero sa Pilipinas. Kahit na puwede ko rin namang gawin ito sa aking cellphone at landline sa opisina’t bahay, medyo mahal ang singil ng mga ito sa mga tawag sa labas ng Korea. Hindi hamak na mas matipid kung gamit ang TNT.

Pero iba pa rin siyempre kung libre, hindi ba? Dahil napakabilis ng koneksiyon ng Internet, hindi nakakagulat na mas ginagamit ko ang mga libreng account sa Skype at Yahoo! Messenger (YM) sa pakikipag-usap sa mga katrabaho’t mahal sa buhay. Sa kaso nga ni Joy, normal para sa amin ang mag-usap nang isa hanggang tatlong oras bago matulog. Salamat sa webcam, nakakaya naming sabay na kumain, lalo na’t isang oras lang ang diperensiya ng oras sa Pilipinas at Korea. Nalalaman namin kung ano ang ulam ng isa’t isa, at masaya ang aming kuwentuhan habang sabay kaming kumakain.

“Kumusta ang araw mo? Kailan ko aasikasuhin ang rehistro ng ating sasakyan? Makakaya mo bang makauwi pansamantala sa Pilipinas? Magre-renew ka ba ng kontrata riyan?” Sadyang marami siyang tanong. Ang ilan ay madaling sagutin, pero ang marami’y kailangan pang malalim na pag-isipan. Kailan kaya ang kasagutan? Kahit ako’y hindi ko alam!

Lumalalim na ang gabi at unti-unti nang tumatahimik ang paligid dahil isa-isa nang natutulog ang aking mga kamag-anak na pansamantalang naririto sa Daejeon. Sadyang napagod sila sa maghapong paglilibot bagama’t halata naman ang kanilang kasiyahan.

Masaya naman ako ngayon kahit na alam kong babalik at babalik din ang kalungkutan sa takdang oras ng pansamantalang paghihiwalay. Ang pangungulila kasi ay hindi naiibsan ng tawag sa telepono o pakikipag-usap sa pamamagitan ng Skype o YM. Iba pa rin ang personal na pakikipag-ugnayan, lalo na’t ang nais mong makapiling ay ang mahal mo sa buhay.

Malaking pangungulila ang inaasahan kong mararamdaman sa mga susunod na araw. Sa panahon ng pag-iisa, sadyang walang mabisang gamot sa pangungulila.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “Magkahalong kasiyahan at kalungkutan”

  1. iba na talaga ang nagagawa ng technology ngayon.

    mabuti na lang at may internet na. kung wala, edi tiyaga tayo sa snail mail.

    Sagot: Magandang punto! Nakakabaliw maghintay ng isang sulat na hindi mo alam kung nawala ba o natagalan lang sa pagpapadala. Pero sa kabila ng modernong teknolohiya, iba pa rin siyempre ang aktwal na pakikipag-ugnayan. Nakakatulong ang teknolohiya para pansamantalang maibsan ang pangungulila, pero hindi ito tuluyang nawawala.

  2. mabuhay kayong mga OFW na nagtitiyaga sa ibang bansa para magtrabaho at masustentuhan ang pangangailangan ng pamilya.

    pagpalain nawa kayo ng Maykapal.

    Sagot: Maraming salamat. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.