Bagyo, peryodismo at gobyerno

N.B. – This was published in the October 2-8, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/bagyo-peryodismo-at-gobyerno/.

DAEJEON, Timog Korea – Sinusulat ko ito sa panahong muling nakakaranas ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas bunga ng paparating na bagyong Pepeng (Param). Batay sa mga nakalap kong balita mula sa midya sa Pilipinas, malinaw na ang pag-alis ng bagyong Ondoy (Ketsana) ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos sa trahedyang kinakaharap ngayon ng Pilipinas.

Ang malakas na pag-ulan noong Setyembre 26 ay nagdulot diumano ng pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at iba pang karatig na probinsiya. Lubhang nakakabahala ang ika-18 situation report ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) noong Oktubre 2 (4:00 a.m.): Umabot na sa 293 ang namatay sa bagyong Ondoy, at marami sa kanila ay dahil sa pagkalunod sa baha. May ilan ding namatay dahil nakuryente, nabagsakan ng puno o gumuhong pader, natabunan ng landslide o nagdesisyong maglayag para mangisda.

Ayon pa rin sa NDCC, ang mga naapektuhan ng bagyong Ondoy ay 629,466 pamilya o 3,084,997 katao. Ang halaga ng mga nasira ay P5.1 bilyon, na kung saan ang imprastruktura’y P1.9 bilyon at ang agrikultura’y P3.2 bilyon.

May dahilan para mag-alala ang karamihan dahil may isa pang malakas na bagyong paparating, at ang mga baha ay hindi pa tuluyang bumababa. Kung titingnan ang pinakahuling datos tungkol sa antas ng tubig sa tatlong malalaking dam sa Luzon (Pantabangan, Angat at Ipo), punung-puno na ang mga ito. Malaki ang posibilidad ng muling pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar dahil mapipilitang magpalabas ng tubig sa mga dam kapag tumindi ang pag-ulan.

Monitoring ng mga Dam
(Oktubre 2, 6:00 a.m.)
Dam Lokasyon Antas ng tubig (metro) Antas ng pag-apaw ng tubig (metro)
Pantabangan Dam Nueva Ecija 219.50 221.00
Angat Dam Bulacan 211.89 210.00
Ipo Dam Bulacan 100.25 101.09
Pinaghalawan: NDCC Update (Situation Report No. 3 on Typhoon Pepeng), Oktubre 2, 1:00 p.m.

Bukod pa rito, tumataas na rin ang tubig sa Laguna de Bay, ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA). Noong gabi ng Oktubre 1, umabot na raw ang lalim nito sa sa 14.0 metro, kalahating metro lang ang diperensiya sa pinakamataas na antas nitong 14.5 metro noong 1919. Ang pag-apaw ng Laguna de Bay ay magdudulot din ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang malalapit na probinsiya.

Sa puntong ito, ang tanging hiling ng marami sa atin ay sana’y hindi masyadong maraming tubig-ulan ang dala ng bagyong Pepeng. Pero mainam na basahin ang pinakahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) noong Oktubre 2, 5 p.m.: “Ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin na may katamtaman hanggang sa maalong karagatan…Ang Luzon ay makakaranas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin na magiging masungit ang panahon sa mga Silangang bahagi na may katamtaman hanggang sa maalong karagatan. Ang Kabisayaan ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat. Ang Mindanao ay makakaranas ng madalas na maulap ang papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.”

Sinabi ni Nathaniel Cruz, chief weather forecaster ng PAG-ASA, na lubhang delikado ang bagyong Pepeng. “It is hazardous. It can create disaster. It is a very strong typhoon with 195 kilometers per hour of winds that can bring very heavy damage to affected communities.

Kailangan talagang maghanda sa gitna ng magkasunod na bagyo sa Pilipinas. Walang debateng mahalaga ang mahigpit na pagkakaisa’t pagtutulungan ng lahat sa panahon ng trahedya.

At ngayong mas kailangan natin ang impormasyon, lahat tayo’y umaasa sa midyang gampanan ang tungkulin nito sa pamamagitan ng responsableng pamamahayag. Maaari nating isa-isahin ang mga naobserbahang pagkukulang sa pag-uulat, pero hindi natin maikakaila ang pagbibigay nila ng mahahalagang datos pagdating sa mga bagyong Ondoy at Pepeng.

Kung wala ang mga ulat ng iba’t ibang organisasyong pang-midya sa Pilipinas, halimbawa, hindi ko malalaman ang nangyayari sa ating bansa. Salamat sa live streaming sa Internet, hindi naging malaking balakid ang distansiya ng Timog Korea at Pilipinas para makakuha ng mahahalagang impormasyon sa ilang istasyon ng radyo’t telebisyon sa Pilipinas. Siyempre’y malaking tulong din ang mga website ng mga organisasyong pang-midya na kung saan mas lalo pang napadalas ang aking pagbisita mula noong Setyembre 26 nang nanalasa ang bagyong Ondoy.

Maaasahan mo ang pagdagsa ng kuwento ng kabayanihan sa panahon ng trahedya, gayundin ang mga istorya ng katiwalian. Kasabay ng pagpupugay sa mga ordinaryong mamamayang nagbuwis ng buhay para lang mailigtas ang marami, kapansin-pansin ang mga ulat tungkol sa iba’t ibang uri ng pagsasamantala ng maraming tao sa gitna ng trahedya tulad ng pagnanakaw sa mga inabandonang bahay at establisimyento.

Dahil sa tuluy-tuloy na pag-uulat ng maraming organisasyong pang-midya, nakita natin ang oportunismo ng ilang pulitiko. Pero naantig din ang ating damdamin sa mga ordinaryong taong handang tumulong kahit na alam nilang walang pinansiyal o propesyunal na gantimpala sa kanilang mabuting nagawa.

Sa konteksto ng paghuhubog sa pampublikong opinyon, unti-unting napapansin ng mamamayan ang kawalang-silbi’t pang-aabuso ng pamahalaan. Sa katunayan, naiulat sa midyang nagkaroon ng magarbong selebrasyon sa ika-36 anibersaryo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong Oktubre 1 (na pinuntahan ni Macapagal-Arroyo mula 9:00 hanggang 11:00 p.m.) habang walang halos makain ang maraming nasalanta ng bagyo. Ang mga dumalo sa pagdiriwang ay kumain ng isang seven-course dinner buffet, isang bagay na muling nagpaalala sa atin sa P1.7 milyong ginastos nina Macapagal-Arroyo sa dalawang mamahaling kainan sa Estados Unidos noong Agosto.

Habang abala ang maraming tao sa pagtulong sa mga nasalanta, ibinasura ng ilang alyado ng administrasyon sa House of Representatives ang impeachment complaint kay Ombudsman Merceditas Gutierrez noong Seytembre 29. Anim na araw bago ito (Setyembre 23), nagdesisyon naman ang House Committee on Constitutional Amendments na maglaan ng P2 bilyon para sa isang constitutional convention, na kung saan ang eleksiyon ng mga delegado nito ay isasabay sa eleksiyong pambaranggay sa Oktubre 2010.

Malinaw na walang bagyong makakapigil sa mga nasa kapangyarihan sa plano nilang baguhin ang Saligang Batas para mapanatili sa kapangyarihan si Macapagal-Arroyo. Malalaman natin ang ganitong adyenda sa pagbabasa ng isa pang balita: May ipinakalat na mga flyer sa ika-31 pagbisita ni Macapagal-Arroyo sa ikalawang distrito ng Pampanga noong Setyembre 28. Nakasulat sa mga flyer ang panawagang tumakbo siya bilang kinatawan ng House of Representatives (HOR), isang inisyatiba ng organisasyong General Macaspac Movement for PGMA to Congress in 2010. Inamin mismo ni Gen. Orlando Macaspac, dating presidential adviser on police affairs, na hinihimok niya ang mga taga-ikalawang distrito ng Pampanga na suportahan si Macapagal-Arroyo kung sakaling magdesisyon itong tumakbo para maging kinatawan sa HOR.

Magtataka ka pa ba kung bakit mas maraming donasyong ibinibigay sa Philippine National Red Cross (PNRC) at iba pang pribadong organisasyon? Bagama’t may inisyatiba ang NDCC at iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang mga napabalitang korupsiyon at iskandalo sa administrasyong Macapagal-Arroyo ay nagdudulot ng pagdududa kung ang mga ibibigay sa pamahalaan ay mapupunta sa mga nasalanta, hindi sa bulsa ng iilan.

Malaki ang hamon sa mga peryodistang isakonteksto ang trahedyang dulot ng bagyo sa mas malaki pang trahedya ng kasalukuyang pamamahala. Ito ang mga pagkakataong kinakailangan ang malalimang pagsusuri sa mga isyu sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang datos at pag-uugnay sa iba’t ibang pangyayari.

Sa pamamagitan ng responsableng pamamahayag, magiging matingkad ang isang katotohanan: Ang pagkakaisa ng maraming Pilipino sa panahon ng trahedya ay hindi dahil sa pagsuporta nila sa gobyerno, kundi sa koletibong perspektibang sadyang walang silbi ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.