Regalo ko sa iyo ngayong Pasko

N.B. – This was published in the December 18-24, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2009/12/regalo-ko-sa-iyo-ngayong-pasko/.

Ang panahong ito’y nagsisilbing tulay para mag-usap ang mga dating magkaaway. Ang mga dating hindi nagpapansinan ay nagbabatian, kahit na napipilitan.

Minsan pa nga’y puwede kang makatanggap ng regalo mula sa mga hindi inaasahang tao (tulad ko?). At para sa mga may inaanak, sigurado ang pagpaparamdam ng iyong mga kumpare’t kumare. Sadyang mapipilitan kang magbigay para lang ipakita ang iyong pagmamahal sa kapwa.

Wala namang itinatakdang presyo sa pagkakaibigan. Sabi nga sa wikang Ingles, “It’s the thought that counts.” Gusto kong isiping biro lang ang mga palipad-hanging mensahe sa akin ng maraming kakilala: Inaasahan kasi nilang mamahalin ang ibibigay kong mga regalo sa kanila ngayong Pasko. Alam nilang kadarating ko lang mula sa pansamantalang pagtuturo sa isang maunlad na bansa.

Paano na lang kaya kung magbigay ako ngayon ng personal na mensahe sa mga kaibiga’t kakilala ko? “Wala akong planong magregalo kahit kanino, at hindi ako magdaramdam kung hindi ako regaluhan.”

Dahil dito, habambuhay kaya nila akong hindi papansinin? Huwag sana.

Maengganyo kaya silang huwag nang magregalo kahit kanino? Sana naman.

Ayaw ko mang magmistulang “Ebenezer Scrooge” ngayong Pasko, aaminin kong wala sa ugali ko ang magregalo sa mga mahal sa buhay. Bihirang-bihira kong ginagawa ito, at kung may ibibigay man ako’y hindi masyadong mahal. Minsan pa nga’y sulat lang ang inaabot ko, lalo na noong panahong nagsusulat pa ako ng mga tula.

Pero bago mo ako husgahan, kailangan munang isakonteksto ang aking diskurso. Katulad ng maraming bata, pinagdaanan ko rin naman ang hindi-masukat na pagkatuwa sa pagtanggap ng regalo. Mabilis ang tibok ng puso sa palitan ng regalo, at inaasam-asam kong para sa akin sana ang pinakamalaki’t may pinakamagandang balot. At kapag nakuha na ang regalo, maraming pumapasok sa isip habang binubuksan ito: Ano kaya ito? Mas mahal ba ito sa binili kong regalo?

Nagbago ang ganitong pagtingin sa mga regalo nang mapag-aralan ko nang malalim ang kapitalismo, lalo na ang mga konsepto ng presyo, tubo at materyalismo. Nalaman kong ang pagpapatuloy ng kultura ng pagpapalitan ng regalo tuwing Pasko ay malaking ganansiya sa mga may-ari ng malalaking pandaigdigang negosyo.

Sadyang may kaakibat na materyalismo ang selebrasyon ng Pasko, at matagal mo nang alam ito. Kapag sinasabing ang Pasko ay para sa mga bata, ito ay sa konteksto ng pagbibigay ng mga regalong ikaliligaya nila. Binibigyan ng materyal na gantimpala ang kabutihan nila. Hindi ito naiiba sa ginagawa ng karakter na si Santa Claus na may listahan diumano ng mga batang mababait at masasama.

At napag-uusapan na rin lang si Santa Claus, mainam na tandaang si “Rudolph the Rednosed Reindeer” ay nagsimula noong 1939 bilang isang promotional gimmick ng kompanyang Montgomery Ward sa Chicago para sa mga department store nito. Layunin ng Montgomery Ward na kumita nang malaki tuwing Pasko, at ang tanging pagkakaiba lang ng taong 1939 ay naging kilala sa buong mundo ang istorya’t kanta tungkol sa isang kakaibang reindeer.

Sa okasyon ng ika-70 taon ng karakter na si Rudolph, mainam na alalahanin ang kanyang kaarawan hindi sa pamamagitan ng selebrasyon ng materyalismo kundi pagwawaksi sa maling gawi. Maraming paraan para ipakita ang pag-alala sa kapwa sa panahon ng Pasko. Ang pagbisita sa matagal nang hindi nakikita ay isang regalong walang katumbas na halaga. Hindi kailangan ng magarbong handaan dahil ang pangunahing layunin ng pagtitipon ay ang kumustahan, kuwentuhan at tawanan.

Hindi na tayo mga bata para ipagyabang ang anumang materyal na bagay na mayroon tayo – malaking bahay, magagarang sasakyan, mamahaling kagamitan at masasarap na inihandang pagkain. Hindi tulad ng mga negosyanteng nais pagkakitaan ang madla, ang ating layunin ay simple lang – ang makapiling ang mga taong mahalaga sa atin ngayong Pasko.

Pero hindi lang mga personal na kakilala ang dapat na makapiling ngayon. Alam mong marami tayong mga kababayang nangangailangan ng tulong. Ang anumang maiaabot natin sa mga biktima ng mga bagyong nagdaan, gayundin ang pagputok ng Bulkang Mayon kamakailan, ay may malaking magagawa para makagaan nang kahit kaunti sa pinagdaraanan nila.

Oo, regalong maituturing ang ibibigay natin pero sa konteksto ito hindi ng pag-asam ng kapalit na regalo kundi ng pagbibigay nang bukal sa puso. Ang ating layunin ay makatulong sa kapwa at hindi magbilang ng mga regalong nakolekta.

Totoong ang Pasko ay para sa mga bata, pero ito rin ay para sa nangangailangan. Ito ay para sa iyo, ito ay para sa akin. Ang pagdiriwang nito, sa madaling salita, ay para sa lahat!

Hindi pa huli ang lahat para magbago. Kahit na nabanggit ko nang wala kang dapat asahang regalo mula sa akin, sana’y ituring mong kakaibang “regalo” ang sanaysay na ito.

Mula po ito sa aking puso. At mula sa amin ni Joy (ang aking asawang walang katumbas!), hayaan mo pong batiin ka namin ng isang mapagpalaya’t makabuluhang Pasko.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.