Buwagin ang MTRCB

N.B. – This was published in the January 15-21, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/01/buwagin-ang-mtrcb/.

May lugar ba ang sensura (censorship) sa isang lipunang mayroon daw demokrasya?

Puwede mong sabihing ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay hindi nagsasagawa ng censorship kundi simpleng rebyu at klasipikasyon lang. Kung babasahin nga naman ang Presidential Decree No. 1986 na nagtatag dito noong 1985 at ang MTRCB Implementing Rules and Regulations na inaprubahan noong 2004, hindi naman nakasulat ang salitang censorship.

Pero hindi ba’t censorship na matatawag ang sitwasyong nagbibigay ng rekomendasyon ang MTRCB sa mga prodyuser ng pelikula’t telebisyon kung anu-anong eksena ang dapat tanggalin o baguhin para makakuha ng paborableng rating? Ano pa bang termino ang maaaring gamitin sa kapangyarihan ng MTRCB na magbigay ng kinatatakutang rating na “X” (“R” para sa telebisyon) na nangangahulugang hindi maaaring isapubliko ang isang palabas?

Muli nating nakita noong Enero 11 ang kapangyarihan ng MTRCB na suspindihin ang isang variety show sa telebisyon dahil sa napabalitang pang-iinsulto sa mga guro ng isa sa mga hurado nito noong Enero 7. Nang hindi masagot ng isang contestant ang tanong ng nasabing hurado, ito ang naibulalas ng huli: “Murahin mo yung teacher mo. Ako minura ko yung teacher ko noong  hindi niya sinagot sa akin yan. Oo, walanghiya `yang mga teacher na `yan, hindi sinasabi yung totoo sa atin, e!”

Bilang isang guro, kasama ako sa mga nainsulto sa lahatang panglalait sa propesyon ng pagtuturo. Hindi ko man napanood ang aktuwal na palabas, kumalat naman ito sa Internet, partikular sa YouTube na kung saan pinag-aralan kong mabuti ang konteksto ng pahayag ng nasabing hurado.

Nais ko lang linawing may punto rin naman ang hurado nang sabihin niyang ang kabataa’y dapat na mag-aral nang mabuti at huwag lang umasa sa mga ibinabahagi ng kanilang guro. Para sa akin, ang pangunahing problema lang ay ang paraan ng pagsasabi niya na kung saan tila wala nang mabuting ginawa ang lahat ng guro sa Pilipinas.

Humupa naman ang aking galit nang humingi ng dispensa ang hurado at sabihing nabanggit lang niya ang bagay na ito dahil minolestiya siya diumano ng dati niyang guro. Totoo man ang o hindi ang huling punto niya, mas mahalaga sa akin ang kanyang paghingi ng dispensa na sa aking palagay ay dapat nang tingnan bilang “pagsasara” sa kontrobersiyang kinakaharap niya.

Paano naman ang isyu sa MTRCB? Kung legal na batayan ang pag-uusapan, umaayon naman sa batas ang 20 araw na preventive suspension sa variety show. Ayon sa IRR ng MTRCB, “Any time during the pendency of the case, and in order to prevent or stop further violations or for the interest and welfare of the public, the Chairman of the Board may issue a Preventive Suspension Order mandating the preventive seizure of offending motion pictures and related publicity materials and/or suspension of the permit/permits involved, and/or closure of the erring movie house, television network, cable TV station, and other related establishments or the temporary/preventive dismantling or tearing down of public signs and billboards provided that the temporary/preventive order thus issued shall have a life of nor mote than twenty (20) days from the date of issuance. (Chap. XIII, Sec. 3)

Pero kung interes ng publiko ang pag-uusapan, makabubuti ba ang pakikialam ng MTRCB? Kailangang tandaang nagdesisyon na ang TV network na tanggalin ang kontrobersiyal na hurado dahil sa nangyari. Batay sa pahayag ng nasabing TV network, ito ay sa konteksto ng self-regulation, isang pangunahing salik sa pagkakaroon ng kalayaan sa pamamahayag.

Nang itatag ang MTRCB noong 1985, may perspektiba itong maging isang pansamantalang ahensiya lamang tungo sa hinahangad na self-regulation ng industriya ng pelikula’t telebisyon. Pero sa paglipas ng panahon, kapansin-pansin ang permanenteng katangian ng MTRCB sa pagtatakda ng kung ano ang dapat ipalabas sa publiko.

Kung pagbabatayan ang Guiding Principles ng MTRCB, masyadong malawak ang pamantayan ng rebyu at klasipikasyon ng mga pelikula’t programa sa telebisyon: “The BOARD shall review and classify motion pictures, television programs and related promotion materials and commercials for TV and cinema, applying as general standard contemporary Filipino cultural values. (MTRCB IRR Chap. II, Sec. 1)

Ano ba ang ibig sabihin ng contemporary Filipino cultural values? Kung masusunod lang ang MTRCB, hindi sana naipalabas ang mga obrang tulad ng Schindler’s List (1993), The Piano (1993) at The Bridges of Madison County (1995) pero dahil sa malawakang pagkondena sa desisyon nito, napilitan ang Malakanyang na baligtarin ang desisyon ng MTRCB. Pero sa kaso ng mga pelikula’t dokumentaryong may pulitikal na tema tulad ng Orapronobis (1989) at Dear Sam, Sumasaiyo Juan (1990), nakakalungkot na hindi naipalabas ang mga ito noon.

Noon lang Setyembre 2009, binigyan ng rating na X ang pelikulang Dukot (Desaparecidos) at pumayag lang ang MTRCB na bigyan ito ng R-13 nang takpan sa isang eksena ang larawan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nakasabit sa dingding ng opisina ng militar.

Mahaba ang listahan ng mga kontrobersiyal na desisyon ng MTRCB na nagpapatunay ng dalawang bagay: Una, hindi kayang maintindihan ng mga moralistang may konserbatibong pananaw ang mga obrang pumupukaw sa kaisipan ng nakararami. (Kung sabagay, hindi nakikita ng mga konserbatibo ang kahalagahan ng pagmumulat dahil kontento na sila sa panlipunang kaayusan.) Ikalawa, mababa ang pagtingin ng gobyerno hindi lang sa mga manggagawa sa pelikula’t telebisyon kundi sa lahat ng mamamayan dahil sa palagay nito’y parating kailangan ng magbabantay sa kanila’t magtatakda kung ano ang dapat na panoorin. (Sa tingin kaya ng gobyernong ito’y walang sariling pag-iisip ng mga Pilipino?)

Mas kapansin-pansin ang kawalan ng tiwala sa mamamayan at ang pagtingin ng gobyernong ito lamang ang tama kung babasahin nang mabuti ang probisyong ito sa IRR ng MTRCB: “No films, television program, or publicity/promotional material for such films and TV programs, unless they are imprinted or exhibited by the Philippine Government and/or its departments and agencies, shall be granted exemption from review and classification for audience suitability. (Chap. 5, Sec. 9)

Malinaw na kung ang isang palabas para sa pelikula o telebisyon ay gawa ng gobyerno, hindi na ito kailangang dumaan sa MTRCB. Ito ang dahilan kung bakit mabilis na naipalabas ang isang dokumentaryo ng gobyernong Paglaban sa Kataksilan: 1017 (2006) na ipinagtanggol ang desisyon ng administrasyong Macapagal-Arroyo na magdeklara ng state of national emergency. Pero matatandaang hindi naman pinayagan ng MTRCB ang pagpapalabas ng Ang Mabuhay Para sa Masa (2007) na nagkukuwento ng buhay ni dating Pangulong Joseph Estrada. Simple lang naman ang paliwanag sa sitwasyong ito: Ang una’y panig sa pamahalaan, ang ikalawa’y tumutuligsa rito.

Sa panahong may itinatago ang mga nasa kapangyarihan, nasa interes nila ang pananatili ng mga ahensiyang tulad ng MTRCB para supilin hindi lang ang midya kundi ang kalayaan ng mamamayan. Kung nais nating itaguyod ang self-regulation ng pelikula’t telebisyon, napapanahon nang manawagan para sa tuluyang pagbubuwag ng MTRCB.

Ipagdiriwang ng MTRCB ang ika-25 anibersaryo nito sa Oktubre 5. Sana’y ito na ang huling anibersaryo nito para magkaroon ng tunay na selebrasyon ang industriya ng pelikula’t telebisyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

5 thoughts on “Buwagin ang MTRCB”

  1. “Ipagdiriwang ng MTRCB ang ika-25 anibersaryo nito sa Oktubre 5. Sana’y ito na ang huling anibersaryo nito para magkaroon ng tunay na selebrasyon ang industriya ng pelikula’t telebisyon.”

    -TAMA.

  2. korek !! buwagin ang MTRCB..pra mas maging malaya ang mga prdyusers sa paggawa ng pelikula at programa sa telebisyon..

  3. Ngayong nagbago na ng Chairman ang Board, baka naman may pagbabago na. Tulad ng Oscar award-winning “The King’s Speech,” wala namang sex,violnence, etc. pero rated “R” sa US pero “GP” dito sa Pinas. Nagmamature naang Board.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.