Hindi lang numero ang 43

N.B. – This was published in the February 19-25, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/hindi-lang-numero-ang-43/.

May mukha sa likod ng estadistika, may konteksto sa bawat numero.

Mainam na bigyang pangalan ang bawat biktima ng karahasan. Hindi natin dapat hayaan ang sarili nating maging manhid sa pansamantalang ginhawang hatid ng simpleng pagtingin sa mga numero.

Totoong may mabigat na pakiramdam sa pagpapalalim ng kaalaman. Sa pagbibigay ng mukha sa estadistika, nakikita ang sinirang buhay ng mga walang pakundangan – taong nawalan ng asawa, anak na nawalan ng tatay, sanggol na nawalan ng nanay.

Kahit na malinaw ang mensaheng hatid ng numero (lalo na kung malaki ito), hindi hamak na mas malinaw ang kontekstong hatid nito. Kabilang sa biktima ang mga naiwang mahal sa buhay dahil sa pagpatay, pagdukot o pagpapakulong nang walang malinaw na dahilan.

Ilan ba ang inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero 6 dahil miyembro sila diumano ng New Peoples Army (NPA)? Apatnapu’t tatlo “lang” naman. Pero alam  nating higit pa sa numerong ito ang tumatangis at nagnanais na makamit ang hustisya sa gitna ng mga walang-batayang bintang.

Kung paniniwalaan ang militar, lumalabas na 35 sa mga inaresto ay mga rebeldeng kumikilos sa Timog Katagalugan, Bikol at Gitnang Luzon. Paano naman ang natitirang walo? Siguro’y hinahanapan pa ng malakas na kaso!

Ayon sa fact sheet ng Karapatan, ang search warrant na ipinakita ng militar sa pag-arestong ginawa sa grupong binansagan ngayong Morong 43 ay hindi para sa bawat isa sa kanila: Ito ay para sa isang nagngangalang Mario Condes na hindi nila kakilala.

Tulad ng maraming iba pa, malaking palaisipan sa akin kung paanong ang warrant para sa isa ay naging akma sa 43. Nakakaduda rin ang mga argumento ng militar hinggil sa kaso. Kung totoong ang pagsasanay ng mga inaresto ay walang kaugnayan sa kalusugan kundi paggawa ng bomba, bakit gagawin ito sa farmhouse ng isang kilalang doktor na madaling matunton ng awtoridad? Kung totoong mga miyembro ng NPA ang Morong 43, hindi ba’t pinakamainam na gagawin nila ang kanilang pagsasanay sa kabundukan na kung saan mas kontrolado nila ang lugar? Kung totoong may mga armas na nasamsam ang militar, bakit ang isang granada ay nakuha sa ilalim ng unan?

Kung paniniwalaan ang mga argumento ng militar, lumalabas na walang konsepto ng seguridad ang NPA. Saan ka nakakita ng mga rebeldeng grupong nag-oorganisa ng sensitibong pagsasanay sa farmhouse at naglalagay ng granada sa ilalim ng unan? Kung sadyang walang ingat ang NPA, paano ito nakatagal nang mahigit 40 taon? Bakit hanggang ngayo’y hindi tuluyang magapi ng militar ang mga rebelde?

Kung sabagay, ang mga importanteng parirala sa puntong ito ay “kung totoo” at “kung paniniwalaan.” Sadyang mahirap bilhin ang argumento ng militar na mga miyembro ng NPA ang Morong 43 na pawang manggagawang pangkalusugan. Ano ba kasi ang ebidensiya laban sa kanila?

Sabi ni Noel Detoyato, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, ang pag-aabogado ni Atty. Romeo Capulong para sa Morong 43 ay indikasyong mga komunista ang huli, dahil may mga kliyente si Capulong na kumpirmadong komunista.

Nabanggit din ni Detoyato na ang mababang pinag-aralan ng marami sa Morong 43 ay indikasyon ng pagiging subersibo. Ang isa sa kanila diumano ay Grade 1 lang ang natapos at tinutugis ng awtoridad dahil sa salang pagpatay.

Dagdag pa rito, sinabi rin ng militar na ang pagtataas-kamao ng ilang inaresto ay nagpapakitang sila ay kontra sa gobyerno.

Sadyang mahirap maintindihan kung paano mag-isip ang mga sundalo. Ano bang klaseng lohika mayroon sila? Saan ba naniniwala ang militar – sa presumption of innocence o guilt by association?

Sadyang mapapaisip ka sa argumento ni Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos, tagapagsalita ng Philippine Army, hinggil sa kahihinatnan ng Morong 43. “The (Philippine Army) maintains that the arrest of the 43 NPA members is legal having been caught in the act of possession of illegal firearms and explosives. It would be up to them to prove their innocence in court.”

Batay sa lohika ni Burgos, baligtad na ang sistema ng hustisya sa Pilipinas dahil ang nasasakdal ay tinitingnang may kasalanan bago niya mapatunayang inosente siya sa anumang bintang sa kanya.

Pero sa gitna ng mga argumentong ibinibigay ng militar hinggil sa mga kaso ng Morong 43, malinaw ang mensaheng nais nilang ihatid: Ang anumang pagtulong sa kapwa (tulad ng serbisyong pangkalusugang para sa mahihirap) ay hindi dapat gawin dahil komunista lang ang mga gumagawa nito.

At sa ating bayan, ang mga komunista ay inaaresto nang basta-basta, dinudukot nang walang sabi-sabi at pinapatay nang walang pag-aatabuli. Humanda ka kung ikaw ay mapagbintangang komunista, tulad ng mga ito:

Merry Mia, Alexis Montes, Gary Liberal, Teresa Quinawayan, Lydia Obera, Reynaldo Macabenta, Angela Doloricon, Delia Ocasia, Jane Balleta, Janice Javier, Franco Remoroso, Ailene Monasteryo, Pearl Irene Martinez, Elen Carandang, Dany Panero, Rayom Among, Emily Marquez, Emelia Marquez, Glenda Murillo, Ace Millena, Ely Castillo, Lalyn Saligumba, Jovy Ortiz, Samsung Castillo, Mark Estrellado, Miann Oseo, Selvia Pajanosta, Lolibeth Donasco, Jenelyn Pizaro, Ramon de la Cruz, Jacqueline Gonzales, Maria Elena Serato, Mercy Castro, Lea de Luna, Judilyn Oliveros, Valentino Paulino, Yolanda Yaun, Edwin Dematera, Sherilyn Riocasa Tawagon, Gerry Sustinto, Jenmark Barrientos at Mark Escartin.

Para sa militar, sila ay mga komunista. Para sa nakararaming marunong mag-isip, sila ay mga biktima.

Tunay na ang numerong 43 ay may malalim na kahalagahan. Pero higit pa sa numero, mas dapat tandaan ang kanilang pangalan, pati na ang konteksto ng kanilang pinagdaraanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Hindi lang numero ang 43”

  1. This is a comment from arman m sanches posted at wordpress on 2.10.10 / 4pm
    Jane Javier, Yolanda Yaun Caraig and Romeroso are known leftist in our place in Batangas. Previously, the trio were arrested in Silang WITH 9 OTHER npa’S(known in the local papers as SILANG 9) in similar situation, the group was about to attend a training then when apprehended. I should know, I’m a relative of one of their comrades.

    Ano ang masasabi mo dito?

    Reply: I do now know about the so-called Silang 9 so I’m sorry if I cannot relate it to the case of the Morong 43. Suffice it to say, however, that there are many undocumented cases of human rights violations happening in the country right now. Media, after all, tend to report only on the sensational and give little attention to the other serious HRVs which do not result in the loss of lives and whose numbers are less than, say, 9 or 43.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.