Kontra Gloria

N.B. – This was published in the May 14-20, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/05/kontra-gloria/.

Gusto ko sanang gumawa ng bukas na liham para kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kamakailan lang kasi ay naiproklama na siyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives (HOR).

Hindi ko na lang tinuloy dahil naalala kong hindi pala siya nakikinig sa ordinaryong mamamayang katulad ko. Kung kailangan mo ng ebidensiya, suriin mo ang mabababang trust at performance ratings na nakuha niya sa mga nagdaang taon.

Tungkol sa plano kong bukas na liham, dagdag ding problema siyempre ang pagsusulat ko sa wikang Filipino na alam nating hindi niya lubusang naiintindihan. Kung bakit naman kasi ang mga nasa kapangyarihang tulad niya’y mas komportable sa wikang Ingles!

Alam mo na siguro ang magiging laman ng bukas na liham sa kanya kung sakali – paglilista ng mga anomalya sa loob ng kanyang siyam na taong panunungkulan; presentasyon ng mga estadistikang magpapatunay sa krisis sa ekonomiya; pagsusuri sa mga nangyaring kaso ng paglabag sa karapatang pantao; at paniningil sa mga polisiya’t programang nagpahirap sa napakaraming mamamayan, lalo na ang mahihirap.

Kung sabagay, wala nang bago sa mga ito at malamang na uulitin ko lang ang mga sinabi ng marami pang iba. Sa puntong ito, mas mahalaga hindi ang pakikipag-ugnayan sa isang taong ayaw makinig kundi sa marami pang taong nais makiisa.

Oo, sa halip na siya, tayong dalawa na lang ang mag-usap. Kung bumoto ka noong Mayo 10, malamang na pareho tayo ng naranasan. Ilang oras ka sigurong pumila sa gitna ng init ng araw at siksikan ng maraming tao. Nagtiis ka dahil gusto mong makaboto.

Magkaiba man tayo ng kandidato, siguro’y may pagkakaisa tayo sa isang bagay: Ang siguraduhing mapapalitan ang administrasyong Arroyo!

Sa kabila ng mga napabalitang iregularidad sa pagsasagawa ng kauna-unahang automated elections sa bansa, malinaw na masyado nang maraming bumoto para kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III kaya nahirapan ang mga nasa kapangyarihang mabaligtad ang resulta ng botohan para sa Pangulo.

Kahit na hindi ako naniniwalang matagumpay at mapayapa ang halalan, tanggap ko ang pagpili ng taumbayan kay Noynoy Aquino bilang ika-15 Pangulo ng ating bansa. Ang ebidensiya ng kanyang popularidad (na pangunahing salik para mahalal dahil sa sobrang pagtutok sa personalidad) ay makikita sa kanyang pangunguna sa maraming survey bago pa man nagsimula ang kampanya. Ang tanging naging isyu na lang sa kampanya ng Liberal Party (LP) ni Aquino ay kung makakayang isalin ang popularidad na ito sa aktuwal na boto, na malinaw na nagawa.

Sadyang naging epektibo ang kanyang mga patalastas para sa diumanong matuwid na pamamahala sa ilalim ng bagong administrasyong Aquino. Dahil ipinakita niya ang kanyang sarili bilang alternatibo sa kasalukuyang administrasyon, napunta sa kanya ang mga botong kontra kay Macapagal-Arroyo. At kahit hindi malinaw ang ebidensiya ng pagiging sikretong kandidato ng kanyang katunggaling si Sen. Manuel “Manny” Villar, ang pag-uulit-ulit ng katagang “Villaroyo” ay naging susi para magduda ang taumbayan sa disposisyon ni Villar.

Nasa ikalawang puwesto sa kasalukuyan si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na kilala ring kritiko ni Macapagal-Arroyo. Ang nakapagtatakang sitwasyong ito’y isa ring patunay ng malawakang pagkadismaya sa huli. Bakit nakapagtataka ang maraming botong nakuha ni Estrada? Kung matatandaan, siya ay pinatalsik noong 2001 at nakulong dahil napatunayang nagkasala sa kasong plunder. Nakalaya lang siya dahil sa pardon na ibinigay ni Macapagal-Arroyo. Malinaw na sa sobrang kawalan ng tiwala sa huli, kahit ang isang ex-convict ay pipiliin ng ilang botanteng maupo sa puwesto dahil lang kontra siya sa administrasyong Macapagal-Arroyo!

Ang tanong mo marahil sa puntong ito: Paano mananalo si Macapagal-Arroyo bilang kinatawan ng HOR kung talagang ayaw sa kanya ng maraming tao? Ayon sa opisyal na tala ng Commission on Elections (COMELEC), si Arroyo ay nakakuha ng 169,109 na boto. Bagama’t ito ay 84.23 porsiyento ng kabuuang boto sa ikalawang distrito ng Pampanga, dapat nating isiping hanggang ganitong klaseng “suporta” lang ang kayang makuha ni Macapagal-Arroyo. Kung tumakbo siya bilang pangalawang pangulo o senador, malabong makakuha siya, sa malinis na paraan, ng mahigit sampung milyong boto na kadalasang kinakailangan para sa mga posisyong ito.

comelec-pampanga-vote

Nanalo siya at itinaas ang kanyang kamay bilang patunay, habang nakangiti siyang kinukunan ng larawan at footage. Pero hindi pa matatawag na tagumpay ang kanyang ginawa dahil marami pa siyang kailangang gawin. Mismong ang kanyang bayaw na si Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo, Jr. ay nagsabing may plano si Macapagal-Arroyo na tumakbo bilang House Speaker.

Kung sinusubaybayan mo ang pulitika sa bansa, alam mong ang intensiyon ni Macapagal-Arroyo ay makontrol ang HOR para isagawa ang ninanais na pagbabago sa Konstitusyon. Kung magiging parlamento ang sistema ng gobyerno, maaari na niyang italaga ang sarili bilang Punong Ministro kung siya ang House Speaker. Hindi po simpleng spekulasyon ang bagay na ito dahil maraming beses nang tinangka ng administrasyong Macapagal-Arroyo na isagawa ang tinatawag na cha-cha o charter change pero hindi nagtagumpay ang mga ito.

At kung sakali lang na hindi matuloy ang pagiging House Speaker ni Macapagal-Arroyo, ang pagkakaroon niya ng maraming alyado kung sakali sa loob ng HOR ay magiging mahirap kay Noynoy Aquino sa kanyang pag-upo bilang Pangulo. Maaasahan kasi ni Aquino ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa kanya na kung saan ang proseso ay nagsisimula sa HOR.

Sadyang maraming kailangang bantayan sa kasalukuyan – ang bilangan sa halalan at ang anumang nakaambang pandaraya. Sa malapit na hinaharap, marapat lang na bantayang mabuti ang mga ipapatupad na polisiya’t programa ni Noynoy Aquino. Pero bukod sa kanya, marapat ding siguraduhing hindi magtatagumpay ang anumang balak ni Macapagal-Arroyo sa kanyang pagiging miyembro ng HOR.

Hindi pa siya nagtatagumpay ngayon. Hindi siya dapat payagang magtagumpay bukas.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.