Binoto mo ba sina Maza at Ocampo?

N.B. – This was published in the May 28-June 3, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/05/binoto-mo-ba-sina-maza-at-ocampo/.

Alam ko. Huli na ang lahat para itanong kung sino ang binoto mo para Senador. Naiproklama na ang 12 nanalo at hindi kasama sa mga ito ang dalawang pangunahing personahe ng progresibong kilusan – sina Liza Maza at Satur Ocampo.

Inasahan mo ba ang kanilang pagkapanalo? Nalulungkot ka ba sa nangyari? Kung nangampanya ka para sa kanilang dalawa, nanghihinayang ka ba sa lahat ng pinaghirapan mo?

Kung naaalala mo pa ang unang pagsabak sa pulitika nina Maza at Ocampo bilang party-list representatives noong 2001, mapapabilib ka sa puwersang ipinakita ng grupo nilang Bayan Muna (BM). Sa una nitong pagsabak sa party-list election, nanguna ito sa 162 grupong tumakbo. Batay sa ulat ng Commission on Elections (COMELEC), nakakuha ito ng 1,708,253 boto o 11.30 porsiyento ng kabuuang boto para sa party-list. Sobra-sobra ang boto ng BM sa anim na porsiyentong kailangan para makuha ang maksimum na tatlong upuan sa House of Representatives (HOR).

Sa sumunod na party-list election noong 2004, nagdesisyon ang mga progresibong grupong subuking makaupo sa HOR ang iba pang sektor bukod sa BM – kababaihan (Gabriela Women’s Party o GWP), manggagawa’t magsasaka (AnakPawis o AP), kabataan (Anak ng Bayan), migrante (Migrante Sectoral Party) at ang mga Muslim (Suara Bangsamoro).

Sa kabila ng kabiguan ng Anak ng Bayan, Suara Bangsamoro at Migrante na makakuha ng minimum na dalawang porsiyento ng kabuuang boto sa party-list para makakuha ng kahit isang upuan lang noong 2004, ang pinagsamang boto ng anim na progresibong party-list group ay umabot ng 2,694,356 (o 57.72 porsiyentong pagtaas kumpara sa 2001). At kahit na sabihing medyo bumaba ang boto ng BM sa 1.2 milyon noong 2004, napanatili pa rin nito ang pangunguna sa 66 na party-list group na tumakbo noon.

Pero ang nakakabilib sa masa ay nakakabahala para sa iba. Mula nang manungkulan bilang Pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang maraming miyembro ng BM at iba pang progresibong party-list groups.

Ayon sa datos ng Karapatan, may 142 miyembro ng BM na pinatay at 12 naman ang dinukot mula Enero 21, 2001 hanggang Marso 31, 2010. Sa kaso naman ng AP, 49 ang naitalang pinatay at pito ang dinukot. Samantala, dalawang miyembro ng GWP at Kabataan Partylist ang pinatay noong panahong iyon. Sa hanay ng Suara Bangsamoro, dalawa ang pinatay at dalawa rin ang dinukot. Bagama’t walang pinatay sa hanay ng Anak ng Bayan, isa naman sa miyembro nito ay nawawala pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Sa gitna ng intimidasyon, pinili ng mga progresibong party-list group na ipagpatuloy ang pagtakbo noong 2007 at nitong nakaraang eleksiyon. Kahit na maraming pinatay sa hanay nila, nakaya pa rin nilang makakuha ng mga upuan sa HOR. Pero kapansin-pansin noong 2007 ang pagbaba sa kabuuang boto para sa kanila nang 14.1 porsiyento.

Kung susuriin ang estadistika nitong nakaraang eleksiyon, medyo nakabawi ang mga progresibong party-list group na nagtatag ng koalisyong Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) bago ang aktuwal na kampanya. Batay sa partial at hindi-opisyal na bilang ng GMA 7, umabot nang 2,879,800 boto ang nakuha ng anim na miyembrong organisasyon ng Makabayan. Maliban sa Katribu, ang lima sa kanila ay tinatayang makakakuha ng upuan sa HOR. (Tingnan ang Talahanayan)

Sa unang pagkakataon, sinubukan ng BM na lumahok sa senatorial election sa pamamagitan ng pagpapatakbo kay Ocampo. Si Maza naman ay tumakbo bilang independent. Kontra sa paniniwalang naging miyembro sila ng Nacionalista Party (NP), kailangang linawing guest candidates lang sila ng nasabing partido.

Dahil sa limitadong pondo, hindi nila nakuha ang sapat na boto para mapabilang sa 12 nagwagi. Sina Maza at Ocampo ay nasa ika-25 at ika-26 na puwesto. Ang kanilang botong halos apat na milyon lang (batay sa partial at hindi-opisyal na bilang ng GMA 7) ay hindi sapat para maabot ang boto ng mga nagwagi na umabot nang mahigit siyam na milyong boto. Ang nangunang si Sen. Ramon Revilla, Jr., halimbawa, ay nakakuha ng 17.8 milyong boto! Sa aking palagay, walang masyadong naitulong ang pagiging guest candidates ng NP dahil hindi rin nakapagbigay ng sapat na boto ang huli para kina Maza at Ocampo.

Lumalabas sa mga datos na kakaiba ang sitwasyon nina Maza at Ocampo kumpara sa ibang kandidato ng mga nangungunang partido. Ang bulto ng kanilang boto (na halos tatlong milyon) ay mula sa mga organisadong progresibong grupo. Batay sa naging karanasan mula 2001, sapat ang mga boto para makakuha ng mga upuan sa HOR, pero malayo pa ang kailangang habulin para sa isang pambansang labanan.

Nakapanghihinayang man para sa maraming aktibista ang hindi nila pagkakahalal sa Senado, hindi pa rin sayang ang pinagpaguran dahil maraming makukuhang aral mula sa mga hirap na pinagdaanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Binoto mo ba sina Maza at Ocampo?”

  1. sa tanong sa title ng post na ‘to, ang sagot ko ay — HINDI! bakit ko naman sila iboboto? simula pa ng mga nakalipas na mga administrastion ni isa ay hindi ko na natandaan kung meron ba silang sinuportahan na programa ng gobyerno, talaga silang tunay na oposisyon. kakatuwa na ang sabi mu na kulang na kulang sila sa pondo ang totoo eh d2 sa south cotabato halos bawat poste ng kuryente ay may pagmumukha nila,(bawal un, sa poste) nakakapagtataka kung saan galing ang perang ginastos nila,, mabuti nalang at di naman sila pinansin sa boto d2 sa amin. anu ba ang naging proyekto nila bilang representatives noon?? unang-una cguro ay— maghakot ng mga tao upang dumalo sa mga rally, ikalawa– himukin ang mga tao na mag-alsa laban sa admin, at ikatlo at ikaapat– halos ganun parin. un na!

    Reply: Salamat sa komento mo. Sa tingin ko, dapat isakonteksto ang pagiging kritikal nina Maza at Ocampo sa mga polisiya’t programa ng gobyerno. Tungkol naman sa kawalan ng pondo, ang isang indikasyon ay ang kakaunting pulitikal na patalastas sa telebisyon at radyo. Mas mura ang gastos sa sinasabi mong mga poster. Tulad ng iba pang mga miyembro ng House of Representatives na gumagamit ng kanilang CDF, sa aking palagay ay may mga proyekto naman sila. Ang tanong lang ay kung ang mga mamamayan ba ay nakinabang sa mga ito o sila lang. Dahil malinaw sa mga datos na ang kanilang net worth ay hindi naman nagbago nang malaki mula noong 2001, siguro naman ay hindi nila ibinulsa ang kanilang CDF, hindi ba? Muli, maraming salamat at mabuhay ka!

  2. Agree with Sir Danny Arao’s reply. Ano ang naging proyekto? Madali lang yan. I-check mo ang release ng pondo ng PDAF(nung nakakatanggap pa sila) sa website na ito: http://www.dbm.gov.ph/index.php?pid=13

    Mga ospital at eskwelahan ang primaryang pinaglaanan ng pondong ito. Nag-allocate din para sa maliliit na komunidad. Baka kasi ang hinahanap mo ay yung mga naglalakihang billboard ng mga politiko na nagsasabing, this project blah blah na may kasamang mukha nila.
    Hindi kasi ganun sina Ocampo at Maza.

    At kung sa legislation (na primarya namang trabaho nila), hindi matatawaran ang kanilang output. Check mo din sa http://www.congress.gov.ph Si Ocampo ay may 800+ na house resolutions at ilang dosenang napasang batas. kasama na dito ang Tax Relief for Minimum Wage Earners Act at Rent Control Act.

    Sana po pag-aralan muna natin ang kanilang nagawa bago maghusga. Baseless accusations lang ang idudulot ng ating hasty generalizations.

    Reply: Thanks for weighing in. Disclosure: Ms. Sabillo, a journalism graduate at UP CMC, is a former student and works for Rep. Satur Ocampo of Bayan Muna.

  3. you may say they did not take their cdf for their own personal gain but what they did was something worse: they course their funds for the use of the undergound movement and the NPA. my niece worked for them while they are in the house of representatives and she complained that she did not receive the correct salary because bigger part of her salary was “centralized”. the same is true even with congressman Crispin Beltran, which is the reason why he suffered persecution from the movement when he asserted to take his proper salary. I am a supporter of ka Bel since the founding of the KMU and even campaigned for his senatorial bid in 1987 Partido ng Bayan and what i don’t like is the “higher organs” who always impose “policies” that do not reflect the realities just to force their “revolutionary agenda”. many of us supporters in the grassroots disagreed with the manny villar “tactical alliance” because we know that he is discredited in the communities. but the movement forced its policy insisting that manny villar’s resources will help the entire movement operate during the election period. but the lack of money is not the only problem. this tactical alliance brought votes away from ka Satur and Liza because of the failure to make a correct analysis of the concrete condition. people hated villar and this tainted the reputation of ka Satur during the campaign. people, albeit misguided, solidly supported Noynoy and the attacks on Noynoy further eroded votes from them as well.

    your article thus fails because you fail to consider these factors. you cannot blame everything on external factors because much of the movement’s present problems are internal.

    Reply: Thank you for your comment. Assuming that BM and other progressive party-list groups do not give the correct salary as you reported, I should stress that this “practice” is not new. Cash-strapped people’s organizations tend to do that so that they could have more funds for projects that directly benefit their constituents. I cannot speak for BM and the rest, but I wouldn’t be surprised if that’s the reason for giving something less to their staff (but not too low, I suppose, to make them wallow in despair). Such arrangements, I am inclined to think, has the acquiescence of the people concerned. Based on media reports in the recent past, BM, AP and GWP have refuted the government claims that they allegedly diverted their CDF to help fund the revolutionary movement. From what I know, there is no evidence to prove the allegation. But if you have proof, please send it to me. The “tactical alliance” with Villar’s Nacionalista Party is very limited and you might even say it’s shaky. That would explain why Maza and Ocampo have not benefited much in terms of votes to land in the top 12. I agree with you that Villar’s campaign was not as effective as the Liberal Party’s and the accusation of him being PGMA’s secret candidate was his death knell. Did this affect the senatorial candidacies of Maza and Ocampo? I think so. As to their credibility, I would like to think that, based on the political ads they published and aired, they were among the few candidates who tried to raise the level of the campaign by discussing issues. If you think otherwise, that’s your opinion and you’re entitled to it, in the same way that you think that my article is a “failure.” I wish you all the best.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.