Tunay na halaga ng ating pera

N.B. – This was published in the June 4-10, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/06/tunay-na-halaga-ng-ating-pera/.

Sa pamamagitan ng opisyal na estadistika, ang masama’y napapaganda o hindi nahahalata. Nakakayang lunurin ng mga numero’t teknikal na termino ang mga argumentong sumasalungat sa mga pahayag ng gobyerno.

Tingnan na lang natin ang kaso ng ulat sa implasyon (inflation report) na inilalabas ng National Statistics Office (NSO) sa unang linggo ng bawat buwan. Kung susuriin ang ulat para sa buwan ng Mayo na inilabas noong Hunyo 4, ito ay may 19 na talahanayan (tables). Mahirap intindihin ang mga ito dahil napakaraming kolum, tadtad ng mga numero at maliliit ang mga teksto. Ang summary inflation report naman, bukod sa napakahaba, ay napakahirap basahin dahil puno ng mga jargon na tila naiintindihan lang ng mga kumukuha ng kursong Economics. Hindi rin nakakatulong na ang lahat ng ito’y nakasulat sa wikang Ingles sa halip na Filipino. Paano ba maaasahan ang lubusang pagkakaintindi ng mensahe kung hindi ginagamit ang sariling wika?

Kung sabagay, kahit na wikang Filipino ang gamitin ng mga nasa kapangyarihan ay patuloy pa rin nilang itatago ang katotohanan. Sa kaso ng tantos ng implasyon (inflation rate) para sa buwan ng Mayo, ipinapakita lang ang bahagyang pagbaba sa 4.3 porsiyento kumpara sa 4.4 porsiyento noong Abril: “The year-on-year headline inflation rate in the Philippines slowed down to 4.3 percent in May from 4.4 percent in April due mainly to the slower annual growth rate registered in fuel, light and water (FLW) index. Inflation a year ago was 3.3 percent.”

Kung hindi masyadong naiintindihan ang teknikal na paliwanag na ito, mas nakakagulo ang mga pangungusap na sumunod rito: “Excluding selected food and energy items, core inflation decelerated to 3.8 percent in May from 4.0 percent in April. Likewise, annual inflation rate in the National Capital Region (NCR) eased to 4.6 percent in May from 5.3 percent in April. Slower annual price increases were posted in all the commodity groups except in clothing and housing and repairs (H&R) index. Annual inflation in Areas Outside the National Capital Region (AONCR) however went up at a faster rate of 4.2 percent in May from 4.1 percent in April. This was effected by higher annual price increments in clothing, FLW and services index.

Sana’y ginawa na lang simple ang paliwanag. Sana’y ipinakita na lang ang implikasyon ng mga nakuhang datos sa kalagaya’t kabuhayan ng maraming mamamayan, lalo na ang mga manggagawa. Sana’y wikang Filipino na lang ang ginamit sa halip na Ingles.

Pero kung isusulat ang tantos ng implasyon sa paraang sumasalamin sa katotohanan at madaling naiintindihan, malamang na maraming magagalit sa pamahalaan. At para sa mga grupong nananawagan ng dagdag na sahod, magkakaroon pa sila ng karagdagang katibayan para sa kanilang ipinaglalaban.

Bakit kaya? Una sa lahat, kailangang malamang ang tantos ng implasyon ay batay sa consumer price index (CPI) na nagpapakita ng pagtaas o pagbaba ng presyo ng mga piling produkto’t serbisyo. Kapag nakuha na ang CPI, maaari nang makompyut ang tunay na halaga ng pera sa kasalukuyan kumpara sa nakaraan. Sa kaso ng CPI, ang ginagamit na batayang taon (base year) ay ang taong 2000. Sa madaling salita, ang CPI ay sinusukat ang presyo ng mga piling produkto’t serbisyo sa kasalukuyang pamilihan at kinukumpara sa mga presyo sampung taon na ang nakaraan.

Batay sa CPI noong Mayo 2010, lumalabas na ang purchasing power of the peso ay nasa P0.61 lang sa National Capital Region (NCR). Simple lang ang ibig sabihin nito: ang produktong nagkakahalaga ng P100 sa kasalukuyan sa NCR ay tinatayang P61 lang noong taong 2000. Malinaw na tumaas sa pangkalahatan ang presyo ng mga produkto’t serbisyo, kaya sa paglipas ng panahon ay may nawawalang halaga sa ating pera. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangang magkaroon ng karampatang pagtaas sa sahod para matugunan ang pangangailangan ng pamilya. (Madali lang magkompyut ng purchasing power of the peso. Ang ginagamit na pormula ay PPP = (1/CPI) x 100.)

Sa puntong ito, mainam na suriin nang mabuti ang kalagayan ng sahod ng mga manggagawa. Ayon sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang pinakahuling pagtaas ng sahod ay nangyari noong 2008. Para sa mga manggagawang hindi agrikultural, ang kanilang arawang sahod ay mula P210 (Autonomous Region in Muslim Mindanao) hanggang P382 (National Capital Region).

Pero kung ikukumpara sa pangkalahatang pagtaas ng presyo ng bilihin sa nakaraang sampung taon, lumalabas na ang tunay na halaga ng minimum na arawang sahod ay napakababa. Ang P210 na arawang sahod ng mga manggagawang hindi agrikultural sa ARMM, halimbawa, ay P110.35 ang aktuwal na halaga. Kahit na ang mga manggagawang hindi agrikultural sa NCR ay may pinakamataas na sahod sa buong Pilipinas sa halagang P382, ang aktuwal na halaga nito ay P234.50 lamang.

Para makahabol sa implasyon, lubhang kinakailangan ang pagtataas ng sahod. Sa konteksto ng pag-alam kung magkano ang dapat na itaas, mainam na alamin sa puntong ito ang dalawang datos: Ang minimum na sahod sa buong Pilipinas at ang tunay na halaga nito.

Lumalabas na ang average na minimum na arawang sahod para sa mga manggagawang hindi agrikultural ay P317.63. Ang tunay na halaga nito, batay sa komputasyon ng kasalukuyang purchasing power of the peso, ay P191.80.

Magkano ba ang kulang sa kasalukuyang sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas para mahabol ang aktuwal na halaga? Lumalabas na P125.82!

Pamilyar na pamilyar para sa mga manggagawang nakikibaka ang halagang P125 dahil panawagan na nila ito noon pang 1999. Nais nilang itaas ang arawang sahod sa ganitong halaga, at isa sa mga pangunahing argumento ay ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Malinaw na kahit ang mga opisyal na datos ng mga gobyerno, kung susuriing mabuti, ay nagbibigay ng ebidensiya sa mababang sahod at ang mahinang purchasing power dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga nakaraang taon. Ang problema lang sa mga nasa kapangyarihan, pinipilit nilang pagandahin ang sitwasyong karumal-dumal at hindi katanggap-tanggap.

Minimum na Sahod (arawan, non-agriculture)
at Purchasing Power of the Peso (PPP)
Mayo 2010 (sa piso)
Aktuwal
na Halaga
PPP Tunay
na Halaga
Pilipinas 317.63 0.6039 191.80
National Capital Region (NCR) 382.00 0.6139 234.50
Mga lugar labas ng NCR 253.25 0.5999 151.92
Cordillera Administrative Region (CAR) 260.00 0.5995 155.88
Region I (Ilocos) 240.00 0.6061 145.45
Region II (Cagayan Valley) 235.00 0.6165 144.88
Region III (Central Luzon) 302.00 0.6135 185.28
Region IV-A (Calabarzon) 320.00 0.6116 195.72
Region IV-B (Mimaropa) 252.00 0.6188 155.94
Region V (Bicol) 239.00 0.6002 143.46
Region VI (Western Visayas) 250.00 0.6075 151.88
Region VII (Central Visayas) 267.00 0.5872 156.78
Region VIII (Eastern Visayas) 238.00 0.5935 141.25
Region IX (Zamboanga Peninsula) 240.00 0.5956 142.94
Region X (Northern Mindanao) 256.00 0.5760 147.47
Region XI (Davao) 265.00 0.5757 152.56
Region XII (SOCCSKSARGEN) 245.00 0.5970 146.27
Region XIII (Caraga) 233.00 0.5724 133.37
Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) 210.00 0.5255 110.35
Pinaghalawan: Department of Labor and Employment (DOLE), National Statistics Office (NSO)
Ang aktuwal na halaga ng sahod ay ang pinakamataas na nominal wage para sa Enero 2009; komputasyon ng PPP ay batay sa consumer price index noong May 2010

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.