Kuwentong kotse (1)

N.B. – This was published in the November 5-11, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/11/kuwentong-kotse-1/.

(Una sa dalawang bahagi)

Kuwentong kotse po ito. Wala man akong intensiyong magdagdag ng termino sa diksiyonaryo, gusto kong gamitin ang kataga para ilarawan ang nangyayari kapag masyadong nagtitiwala ang isang motorista sa sabi-sabi ng malalaking kapitalista.

Hindi po ito kuwentong kutsero na kalokoha’t katatawanan lang. Ang “kuwentong kotse” sa kontekstong ito ay masasabing kuwentong katatakutan na kung saan ang mga karakter ay maaari mong kainisan, kaawaan o pagalitan.

Totoong kuwento po ito ng pakikipagsapalaran ng isang mag-asawang nais ipaayos ang sasakyang hindi naman masyadong luma pero may maliit na problema. Sa ilang nagdaang araw, napansing mabilis nang umiinit ang makina’t nababawasan ang tubig sa radiator.

Pinatingnan ang radiator sa isang mekaniko sa talyer na malapit sa bahay. Matapos paandarin ang sasakyan at suriin ang pagkulo ng tubig sa loob ng radiator, sinabi niyang hindi raw radiator ang problema. Top overhaul daw ang kailangan para mapalitan ang ilang piyesa ng sasakyan. Mabilis na trabaho raw ito. Kaya ngang gawin nang isang araw. Ano ang naging desisyon ng mag-asawa?

Babae: Sa casa na lang natin dalhin. Mas maaasikaso ang maliit na depekto nito bago lumala.

Lalaki: Yung mekanikong kausap ko, P6,500 lang daw ang babayaran natin. Siguradong mahal ang singil sa casa.

Babae: Hindi na bale. Sigurado ka naman sa serbisyo. Patulan na natin kahit mahal doon.

Dinala ng mag-asawa sa casa ang kanilang sasakyan. Sinabi ang problema ng umiinit na makina, pati na ang rekomendasyon ng mekaniko sa tabi-tabi.

Empleyado ng casa: Sir, we have computer diagnostics to analyze your car. Our expert mechanics can look at the problem quickly, as well as others we will find. We will send you our quotation as soon as possible.

Babae/Lalaki (sa loob-loob nila): Bakit kailangan pa niyang mag-Ingles? Hindi bale, nasa magandang kamay ang aming sasakyan.

Umalis ang mag-asawa sa casa at sumakay sa dyip. Biro ni Lalaki kay Babae, “loser commuter” muna silang dalawa. Pero pag nakuha na ang naayos nang sasakyan, balik-winner sila!

Pagdating ng Lunes, ipinadala ng casa ang mahabang listahan ng problema sa sasakyan, pati na ang nakakalulang presyo ng mga piyesa’t bayad sa mga mekaniko. Magkano umabot ang lahat-lahat? Tumataginting na P108,871 lang naman.

Babae: Ano ba iyan? Hindi ko akalaing aabot sa anim na numero ang sisingilin sa atin. (Matapos mahimasmasan) O, ganito na lang: Ipagawa na lang muna natin ang problema sa pag-init ng makina.

Lalaki: Kung sabagay. Iba pa rin kung sa casa ipapagawa. Mahal nga, pero sigurado ka sa serbisyo.

Babae: Yun nga lang, halos P25,000 pa rin ang babayaran natin. Aba, radiator pa lang, mahigit P15,000 na! (Nagngingitngit habang binabasa ang quotation ng casa.)

Pumunta agad ang ating bidang Lalaki sa casa para makipag-usap.

Lalaki: Bakit kailangan pang palitan ang radiator at hoses? Maayos naman daw ang mga ito at top overhaul daw ang kailangan…

Empleyado ng casa: That’s one of our findings, sir. We assure you. The overheating will be solved once we replace your old radiator. Many other items are not related to overheating but we recommend these to be done to improve your car’s engine.

Lalaki: Kulang ang badyet naming mag-asawa. Yung may kinalaman na lang sa overheating ng makina ang ipapagawa namin.

Empleyado ng casa: (Medyo lumamig ang dating mainit na pagtanggap) No problem, sir.

Lalaki: Gaano katagal bago namin makuha ang sasakyan?

Empleyado ng casa: Baka po dalawang linggo. Matagal po kasing dumating ang mga piyesa. Medyo luma na po kasing modelo ang sasakyan ninyo.

Lalaki: Ganoon ba? O, sige. Basta asikasuhin n’yo lang mabuti. (At sa loob-loob niya: Marunong din palang mag-Filipino ang empleyadong ito!)

Isang malaking misteryo kung bakit umaabot nang dalawang linggo ang isang trabahong nakakaya ng isang araw lamang. Biro ni Lalaki kay Babae: “Nagtatrabaho kaya sa Kongreso ang mga mekaniko ng casa?” Pero hindi na pinansin ito ng dalawa. Nagtiis sila.

Lumipas ang dalawang linggo. Bumalik si Lalaki sa casa.

Lalaki: O, ayos na ba ang sasakyan ko?

Empleyado ng casa: Wala na po ang overheating. Pero mainam po sanang ipagawa n’yo rin ang mga rekomendasyon namin. Siyanga pala, may iba pa po kaming nakita nang pinatakbo namin ang sasakyan.

Lalaki: Limitado nga ang badyet namin. Pero teka: Ano ang nakita ninyo?

Empleyado ng casa: Kailangan po ng top overhaul. May internal back pressure po kasi sa makina kaya nasusunog ang langis.

Lalaki: (Galit na galit na galit) TOP OVERHAUL? Hindi ba’t iyon ang sinabi ko sa inyo noon pa? (Matapos mahimasmasan) Magkano aabutin kung sakali ang top overhaul?

Empleyado ng casa: Ang top overhaul po ay P35,000. Pero posible po itong umabot sa P80,000 kung may masilip pang mas malalang problema.

Lalaki: (Gulat na gulat na gulat) MAGBABAYAD NA AKO NG HALOS P25,000, TAPOS MAY DAGDAG PANG P80,000 KUNG SAKALI? Huwag na! Iuuwi ko na lang ang sasakyan ko.

Binayaran niya ang serbisyong ginawa at mga piyesang pinalitan (kahit na hindi kinakailangan). Bago umalis, tinanong niya kung puno ang langis sa loob ng sasakyan. Puno raw, sabi ng empleyado. Pero nang tiningnan muli para masigurado, napansing nangalahati ito!

Lalaki: Puno ang langis nang iniwan ko sa inyo. Ano ang nangyari?

Empleyado ng casa: (Medyo kinakabahan) Baka po dahil sa internal back pressure. Hindi bale po.  Kukuha po ako ng langis para mapuno ulit.

Lumipas ang limang minuto. Sampung minuto. Labinlimang minuto. Nagbalik ang empleyado.

Empleyado ng casa: Wala pong available na langis sa casa ngayon. Puwede po bang pumunta na lang kayo sa gas station

Lalaki: …. (Wala nang narinig dahil nainis na’t gusto nang umalis. Wala nang masabi dahil napakalaking misteryong nauubusan ng langis ang isang casa na maraming sineserbisyuhang sasakyan!)

Umalis ang bidang Lalaki. Sa paglabas ng casa, mabagal ang takbo ng sasakyan kaya naisip niyang maayos naman ito. Nang bilisan niya ang takbo pagdating sa lansangan, napansin niya ang kakaibang tunog. Hindi bale, sabi niya sa sarili. “Hindi na mag-iinit ang makina. Bagong radiator!”

Pero matapos ang limang minutong pagmamaneho, napansin niya ang unti-unting pag-init ng makina, batay sa panukat ng temperatura sa dashboard. “Bakit nangyayari ito? Bago ang radiator! Bago ang radiator! Bago ang radiator!”

Kung anu-ano ang tumakbo sa isip niya habang nagmamaneho. “Babalik ba ako sa casa para magreklamo? Wala na yatang tubig sa radiator! Baka nasunog nang lahat ng langis! Saan ako kukuha ng pampuno? Nasayang lang ang nagastos ko. Ninakawan ako ng 25,000 piso!” Nagagalit, naiiyak, nanghihinayang – kahit siguro santo’y mapapamura sa sitwasyong ito!

Sadyang maraming misteryo sa ating kuwentong kotse. Ano ang nangyari sa lumang sasakyan? Ano ang kinahinatnan ng ating bidang Lalaki? Abangan ang susunod na kabanata.

(ITUTULOY)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.