Huwag kang magprotesta sa Disyembre 1

N.B. – This was published in the November 26-December 2, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/11/huwag-kang-magprotesta-sa-disyembre-1/.

Pasensiya na po sa aking pagkutya sa mga nagpoprotesta. Hindi naman kasi mahalaga ang mangyayari sa Disyembre 1. Bakit? Interesado ka ba?

Magkakaroon daw ng malawakang pagkilos ang mga estudyante’t guro ng maraming state universities and colleges (SUCs) para tutulan ang pagtapyas sa kanilang badyet. Tutuloy daw sila sa Senado para igiit ang mas mataas na alokasyon. Makakaasa ka ng panibagong ingay na likha ng libo-libong taong galit dahil sila raw ay ginigipit.

Huwag mo nang alamin ang detalye dahil hindi ka naman dapat sumama sa protesta.

May paliwanag kasi si Pangulong Noynoy Aquino kung bakit mas mababa ang alokasyon sa SUCs para sa susunod na taon. Dapat daw gawing prayoridad ang batayang edukasyon (basic education). Mas kailangan daw kasi ang pondo ng mga eskuwelahan para sa elementarya at hayskul. Ang SUCs, ayon sa kanya, ay may kakayahan naman daw mangalap ng sariling pondo. Ito raw ang dahilan kung bakit mas mababa ang alokasyon para sa kanila.

Oo nga naman. Kahit na alam mong hindi dapat pagbanggain ang kahalagahan ng pag-aaral sa elementarya, hayskul at kolehiyo, may katuwiran naman ang Pangulo. Kayang kaya ng SUCs na magpataw ng mas mataas na matrikula sa mga estudyante. Posible ring iparenta ang ilang pasilidad at lupain sa mga pribadong negosyante para madagdagan ang kita ng SUCs. Sa pamantayan ng isang kapitalista, wala talagang problema.

Malaking sakit ng ulo ba sa mga estudyante ang mataas na matrikula? Hindi po, basta’t siguraduhin lang ng SUCs na mayayaman lang ang mag-aaral sa kanila. Kung sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay umaabot sa mahigit P20,000 bawat semestre ang binabayaran ng estudyanteng may 18-unit load, aba’y dapat pantayan ng iba pang SUCs ang sinisingil na P1,000 bawat yunit sa UP. Kung umaangal ang mga estudyante, mainam na lumipat na lang sila ng eskuwelahan.

Huwag mo nang pansinin ang argumento ng mahihirap na estudyanteng wala na silang mapaglilipatan dahil hindi hamak na mas mataas ang matrikula sa mga pribadong kolehiyo’t unibersidad. Kung hindi nila kayang tumuntong sa kolehiyo, pumunta na lang sila sa vocational school. At kung wala silang pambayad kahit sa vocational courses, magtrabaho na lang sila.

Pero teka. Anong trabaho ba ang tumatanggap ng high school diploma lang? Pasensiya na’t wala akong maisip. Kung sabagay, hindi na natin kailangang pag-isipan ang isang problemang hindi naman atin. Ano nga ba naman ang pakialam natin sa kabataang mahihirap? Problemahin nila kung paano sila makakapag-aral!

Kung sakaling magdesisyon ang administrasyon ng SUCs na iparenta ang ilang pasilidad at lupain nito, hindi na ito dapat tutulan ng mga estudyante. Ano ngayon kung lalong liliit ang napakaliit nang bilang ng mga silid-aralan? Ano ngayon kung mas pakikinabangan ng mga kapitalista ang mga pasilidad na dapat ay para sa gawaing pang-edukasyon lang? Dapat na matutong magsiksikan sa maliit na kuwarto ang mga guro’t estudyante. May kasabihan po sa wikang Ingles: Beggars can’t be choosers. At kung gusto mong makarinig ng mas prangkang kasabihan: Misery is for losers!

Opo, “loser” ang ginamit kong termino. Magalit na ang mga taga-SUCs (kasama na ang mga kapwa taga-UP), pero ano pa ba ang tinatawag mo sa mga taong nabubuhay sa napakaabang kalagayan? Doon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), may hindi-nakakatawang biro ang mga estudyante: Ang mga hinihimatay ay dinadala hindi sa klinika kundi sa kubeta. Sa sobrang baho kasi ng huli ay biglang nagigising ang diwa ng sinumang walang malay.

Gusto mo bang magprotesta sa Disyembre 1? Huwag na lang. Kaya namang tiisin ng mga estudyante’t guro ang mababang alokasyon sa SUCs. Sanay na sila sa kabulukan ng pasilidad. At siyempre, kung ikaw ay hindi taga-SUC, hindi mo naman dapat problemahin ang problema ng iba. Sa loob-loob mo, may mas mahalagang paglaanan ng panahon tulad ng pamamasyal o panonood ng paboritong programa sa telebisyon. At kung sakaling mapanood mo ang balita tungkol sa pagkilos ng mga galit na estudyante’t guro, mainam na ilipat ang channel dahil hindi ka naman interesado sa mga nangyayari.

At kung sakaling ikaw ay nag-aaral sa isang SUC tulad ng UP o PUP, mainam na isara mo ang iyong tainga’t ipikit ang iyong mata kung sakaling mapadaan ang mga nagpoprotesta. Sanay ka naman sa ganitong sistema, hindi ba? Ilang beses mo na bang tinakpan ang iyong ilong sa pagdaan mo sa mababahong kubeta? Ilang beses mo na bang pinunasan ang iyong kamay tuwing napapahawak ka sa maruming poste o dingding na hindi na kayang linisin dahil hindi sapat ang pondo ng iyong eskuwelahan?

Sadyang hindi magandang ideya ang sumama sa protesta, dahil kakailanganin mong amuyin ang baho at pagmasdang mabuti ang kabulukan ng iyong paligid. Ang iyong mga kamay, pati na rin ang mga paa, ay marurumihan dahil sa mahaba’t medyo matagal na paglalakad sa mga kalyeng kasing-dumi ng eskuwelahang pinapasukan mo. Posibleng mangitim ang balat sa pagkakabilad sa init ng araw. At kung hindi ka magdadala ng payong at biglang umulan, posible ka ring magkasakit.

Masyadong malaking abala para sa katulad mong gusto na lang manahimik ang magtaas ng kamao at isigaw ang mga panawagan bilang simbolo ng pagtutol. Kaya huwag ka nang makiisa sa mangyayari sa Disyembre 1. Tanggap mo namang wala nang pag-asa, at hindi totoo ang sinasabi ng mga nagpoprotesta na makakamit nila ang tagumpay sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa.

Pero teka. Nagtagumpay pala noon ang mga taga-PUP sa pamamagitan ng kanilang mga kilos-protesta dahil hindi natuloy ang pagtaas ng kanilang matrikula. At ngayon ay kaisa ng mga estudyante’t guro ang mismong pangulo ng PUP sa pagprotesta sa mababang badyet. Aba, tila nauubusan na ako ng argumento para sa hindi mo paglahok.

Mabuting tapusin ko na lang ito. Baka magbago pa ang isip mo!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Huwag kang magprotesta sa Disyembre 1”

  1. Estudyante ako ng PUP at sasama ako sa protesta sa Disyembre 1.

    MAKILAHOK!
    MAKI-ALAM!
    Sumama sa mga susunod na gagawing pagkilos!

    BUDGET CUT sa mga SUCs, TUTULAN, LABANAN, HUWAG HAYAAN!

    Ang edukasyon ay karapatan at hindi pribelihiyo!

  2. lam mo sa toto ng lng wala kang alam sa dnaranas ng mga estudyante ng SUC kung alm mo lng hndi ka magteterm ng loser! bka ikw ang loser ung pagrarally nararapat lng un dhil sa mga pangako na napako lamang sa isang tabi.. magisip ka nga muna manong.. mukang hndi pa sapat ang iyong nalalaman sa bagay na ito.. mgaingat ka po sana sa mga term mo.. ung lng..

    Reply: Please read the article again. It is a sarcastic take on what will happen on December 1 and is actually a call on students, faculty, staff and alumni to join the mass action on that day.

  3. Pingback: dennis relojo

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.