Pasko ng pagtulog at paggising

N.B. – This was published in the December 24-30, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/12/pasko-ng-pagtulog-at-paggising/.

LUNGSOD NG TABACO, Albay – Masarap magbakasyon sa probinsiya. Depende sa napiling puntahan mo, sariwa ang hangin at mura ang pagkain kumpara sa Maynila. Masasabing mabagal din ang oras dahil wala ka namang hinahabol. Dahil bakasyon, wala kang masyadong iniisip na problemang kailangang lutasin. Sa loob-loob mo, makapaghihintay naman ang lahat ng ito.

Ang ilang araw na pamamalagi sa probinsiya para ipagdiwang ang Pasko ay pansamantalang pamamahinga para mas masiglang harapin ang anumang naghihintay na gawain sa pagtatapos ng bakasyon. Ito rin ay pagkakataon para muling makapiling ang maraming kamag-anak at kaibigang matagal nang hindi nakikita. Kahit sa panahon ng mobile telephony at social media na madali’t mabilis na magkausap kung kinakailangan, iba pa rin ang personal na pakikipag-ugnayan para aktwal na makita ang ngiti sa labi at maramdaman ang higpit ng pakikipagkamay.

Kahit mabagal ang oras sa probinsiya, hindi mo naman namamalayan ang paglipas ng araw. Kung sa Maynila’y halos wala akong panahon para matulog, ngayon naman ay tila ito na ang pangunahin kong bisyo! Nitong mga nakaraang araw dito sa Tabaco, nauubos ang oras ko sa pag-idlip. Mahirap labanan ang antok lalo na’t may panaka-nakang pag-ulan sa pagsapit ng tanghali’t hapon.

Tila musikang nag-iimbita para sa matagalang paghimbing ang ritmo ng ulan. Tila tinatawag ka ng unan para humiga na sa kama at hayaan ang oras na lumipas nang hindi namamalayan. Siyempre’y madaling bumigay sa “tukso” ng pagtulog kung wala ka namang kompromisong hinahabol.

Ano ba naman kasi ang gagawin mo kung gising ka? Bukod sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan, wala ka nang iba pang mapaglilibangan. May telebisyon man, sawang sawa ka na sa mga palabas nito. Kung gusto mong manood ng sine, kailangan mo pang bumiyahe nang 30 minuto papunta sa Legazpi. Oo, nagsara na ang lahat ng sinehan dito sa Tabaco pero naglipana pa rin ang mga ibinebentang DVDs ng mga paboritiong pelikula sa mas murang halaga.

Bukod sa wala nang mga sinehan, marami nang pagbabago sa probinsiyang tinatawag ko nang pangalawang tahanan. Ang malaking bahagi ng palengke’y tinayuan na ng isang maliit na shopping mall, at ang mga dating nagbebenta sa sidewalk ay nasa loob na ng mall. Ngayon ay nakikipagsabayan na ang maliliit na manininda sa malalaking establisimyento. Masasabi bang pag-unlad para sa mahihirap ang pangyayaring ito? Puwede tayong pumasok sa isang diskurso sa komersyalisasyon at globalisasyon, pero ngayon pa lang ay alam mo na siguro ang sagot dito!

Talagang masalimuot na isyu ang pag-asenso. Sa okasyon ng muling pagsasama-sama ng magkakamag-anak at magkakaibigan sa Pasko, hindi maiiwasang magkasilipan kung ano na ang katayuan ng bawat isa.

Kung may edad na’t may sarili nang pamilya, maraming tanong tungkol sa mga anak: Ilan na ba sila? Saan ba sila nag-aaral? Ano ba ang kanilang grado?

Kung may trabaho o sariling negosyo, kadalasa’y napupunta ang usapan sa suweldo o kakayahang bumili ng kung anu-ano: Saan ka ba huling nagbakasyon? Kumusta ang iyong pinakahuling promosyon? Ano ang tatak ng bagong kotse mo? May bagong bahay ka ba? Saan mo ba planong magretiro?

Tulad ng Pasko, hindi maiwasan ang materyalismo sa mundo. Kahit saan magpunta, kailangang may laman ang bulsa. Sa usapan ng magkakaibigan, napupunta’t napupunta pa rin ang paksa tungkol sa pera. Kailangang ibida ang dahilan ng pagtatrabaho’t pansamantalang pagkawalay sa pamilya. At kung sakaling walang maibida, mabuti pang tumahimik na lang at pakinggan, pagtiisan ang pagyayabang ng iba pa sa kung anumang magandang katayuan nila.

Sa konteksto ng Pasko, nakalulungkot na kadalasan, ang halaga ng regalo’y sinusukat ayon sa presyo nito, isang sitwasyong hindi kakaiba sa kalakaran sa mundo: Ang pinansyal na katayuan mo sa buhay ay pangunahing pamantayan ng iyong pagkatao. Tila ba ang identidad ng tao’y depende sa dami ng perang mayroon siya.

Sadyang maraming kailangang baguhin sa pamantayan ng lipunan, pati na rin ang pagtingin sa saysay ng ating buhay. Hindi tayo dapat magpatali sa komersyalismo ng Pasko. Huwag nating ilagay sa dambana ang pera. At ang pinakamahalaga sa lahat: Paggising sa umaga, huwag panatilihing natutulog ang ating diwa!

Mainam na magpalipas ng Pasko sa probinsiya para kumuha ng kinakailangang lakas para sa mas matitindi pang pakikibaka sa mga susunod na taon. Matulog kung kinakailangan ng katawan, pero huwag kalimutang imulat ang mata sa katotohanan ng lipunan. Maraming kailangang baguhin hindi lang sa sarili kundi sa buong lipunan. Maging pangako sana natin sa isa’t isa ang pakikiisa para sa mas maunlad na kinabukasan.

Mula po sa amin ni Joy, isa pong mapagpalayang Pasko at makabuluhang Bagong Taon!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.