Para sa estudyante ni Chit Estella (1957-2011)

N.B. – This was published in the May 13-19, 2011 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2011/05/para-sa-estudyante-ni-chit-estella-1958-2011/.

Update (May 16, 7:30 a.m.): Family members and friends, as well as colleagues from the academe and media, pay tribute to Prof. Lourdes “Chit” Estella-Simbulan today (May 16, Monday), 6:00 p.m. at the Arlington Memorial Chapels and Crematory (12 Araneta Avenue, Quezon City). This is being organized by the University of the Philippines College of Mass Communication where Chit served as a faculty member. Hope you could all make it. Thanks!

Alam ko ang pinagdaraanan mo ngayon kaya hindi ko na tatanungin ang iyong nararamdaman.

Hindi na natin kailangang sukatin kung sino ang mas malungkot sa atin dahil pareho tayong nawalan. Guro para sa iyo, kaibigan para sa akin. At kung nakapagtapos ka na sa kolehiyo’t isinasabuhay sa kasalukuyan ang itinuro sa iyo ng namayapa nating kakilala, masasabing mas malaki ang nawala sa iyo. Hindi ka lang kasi nawalan ng guro. Tulad ko, nawalan ka rin ng katrabaho.

Hindi ko na babanggitin ang mga naiulat na sa midya. Ang kailangan lang ay ulitin ang pangunahing detalye: Bandang alas-sais ng gabi noong Mayo 13 (Biyernes), ang taksing sinasakyan ni Chit ay nabangga ng dalawang bus sa harap ng TechnoHub sa Commonwealth Avenue, Quezon City (i.e., ang unang bus ay nadaplisan ang kanang bahagi ng taksi samantalang ang ikalawang bus ay bumangga sa bandang likuran ng taksi).

Alam na nating lahat na malaking kawalan si Prop. Lourdes Simbulan o Chit Estella (Agosto 19, 1957-Mayo 13, 2011) hindi lang sa larangan ng midya kundi sa akademya. At para sa pamilyang Estella at Simbulan, hindi sapat ang mga salita para ilahad ang taos-pusong pakikiramay.

Naging estudyante ka ba ni “Ma’am Chit” sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman? Natuto ka ba naman sa kanya? Siguro naman.

Hindi masyadong alam ng maraming tao na ang maraming peryodistang nag-ulat mula sa Prime Funeral Homes (gabi ng Mayo 13 hanggang madaling araw ng Mayo 14) at Arlington Memorial Chapels and Crematory (Mayo 14 hanggang 16) ay mga dating estudyante ni Chit o kung hindi man ay nagtapos ng peryodismo sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa UP Diliman.

Batay sa ilang nasubaybayang ulat tungkol sa pagkamatay ni Chit mula sa mga pangunahing organisasyong pang-midya mula Biyernes ng gabi hanggang sa kasalukuyan, masasabing mahusay ang pagbibigay ng detalye sa trahedyang sinapit ni Chit. Naitaguyod ang mataas na etikal at propesyonal na pamantayan ng peryodismo na siyang isinusulong ng Departamento ng Peryodismo na kinabilangan ni Chit.

Hindi tulad ng maraming ulat tungkol sa mga aksidente sa kalye, ang ilang natunghayang ulat tungkol sa trahedya ni Chit ay walang masyadong sensasyonalismo. Bagama’t alam ng mga peryodista, hindi na iniulat ang mga spesipikong detalyeng hindi naman mahalaga sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Direkta sa punto ang ilang ulat at inilahad lang ang mahahalagang datos – kailan at anong oras nangyari, plaka ng mga bus at taksi, pagtakas ng drayber ng bus, kooperasyon ng drayber ng taksi at – ang importanteng detalye sa pagsasakonteksto – sino ang biktima at bakit dapat panghinayangan at kondenahin ang nangyari sa kanya.

Kung tutuusin nga’y mas mataas na antas ng pagsasakonteksto ang isinagawa ng mga peryodistang malinaw na naimpluwensiyahan ni Chit noong estudyante pa sila. Sa pamamagitan ng masusing pananaliksik, naiugnay ang pagkamatay ni Chit sa iba pang aksidente sa tinaguriang “killer highway.” Mayroon nang mga lumalabas na ulat tungkol sa mga polisiyang dapat repasuhin para maiwasan, kung hindi man tuluyang mawala, ang mga aksidente.

Nang pumunta sa morge ng Prime Funeral Homes ang mga miyembro ng pamilya, peryodista, kaibigan, katrabaho at estudyante ni Chit para tingnan ang mga labi niya, walang kumuha ng larawan at lahat ay tahimik na tiningnan siya. Sa bahagi ng mga peryodista, binigyan ng espasyo ang mga miyembro ng pamilyang makapiling si Chit bago ginawa ang autopsya dahil kusa silang lumabas sa morge kasama ang mga hindi kamag-anak ng mga Estella at Simbulan.

Bagama’t gusto nilang gawin, pinili ng mga peryodista sa Prime Funeral Homes na huwag munang interbyuhin ang asawa ni Chit na si Prop. Roland Simbulan ng UP Manila. Alam nating lahat na matindi ang kanyang pinagdaraanan noong panahong iyon (at maging habang isinusulat ito) kaya mainam na huwag muna siyang istorbohin.  Wala siyang panahong humarap sa midya dahil marami siyang mas mahalagang dapat asikasuhin.

Bagama’t nagdadalamhati, hindi ko rin maiwasang ipagmalaki ang mga “anak” ni Chit na sumunod sa kanyang mga itinuro. Ito ang mga estudyanteng may natutuhan sa papel ng peryodismo sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Ito ang mga batang peryodistang isinusulong ang mataas na pamantayan ng propesyong pinili.

Dati kang estudyante ni Chit. Kasama ka ba sa mga dapat ipagmalaki? At kung hindi ka pinalad na maging estudyante ni Chit (o makapasok sa UP Diliman), mainam na pag-isipan pa rin ang aking tanong. Sensitibong propesyon ang peryodismo kaya dapat maging maingat sa pagtatrabaho.

Dahil sa nangyari kay Chit noong Mayo 13, may nakita akong isang porma ng pagkakaisa ng mga peryodistang obserbahan ang pinakamataas na pamantayan sa pag-uulat tungkol sa mga nangyayari. Kung ang iuulat mo nga naman ay tungkol sa isang peryodistang hindi matatawaran ang dedikasyon sa trabaho, wala nang iba pang puwedeng gawin kundi pantayan ang mga itinakdang pamantayan.

Dati ka bang estudyante ni Chit? Kahit na ang sagot mo’y hindi, ang kanyang pagkamatay ay maaari pa ring magbigay ng leksiyon sa iyo. Ang tanging hamon na lang sa iyo, sa akin at sa ating lahat ay isabuhay at huwag kalimutan ang kahalagahan ng responsible’t makabuluhang pamamahayag.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Para sa estudyante ni Chit Estella (1957-2011)”

  1. Pingback: PinoyJourn

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.