Politika at retorika ng kampanya

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (March 2, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/03/politika-at-retorika-ng-kampanya/.

Maraming pangako ang mga kandidato kapalit ng ating boto. Lahat ng gusto nating marinig, asahang sasabihin nila.

Nagsimula na noong Pebrero 12 ang kampanya ng mga kandidato sa pagkasenador at para sa mga grupong party-list. Sa pagsisimula ng kampanya sa Marso 29 ng mga kandidato para maging miyembro ng House of Represenatatives (HOR), pati na ang para sa iba’t ibang puwesto sa halalang regional, provincial, city at municipal, asahan nating lalo tayong babahain ng mga pangako.

Hindi na kailangang maging eksperto sa komunikasyon para matukoy natin ang walang-lamang retorika (empty rhetoric) ng mga kandidato. Ito ang pahayag na magandang pakinggan pero malamang na hindi magagampanan. Kung ang isang kandidato ay nangangako ng sahod, trabaho, pagkain, pabahay, edukasyon at iba pang mahahalagang bagay sa mga kaharap niya, kailangan lang tandaan ang isang bagay: Matagal nang ipinangako ang mga ito sa mga eleksiyong nagdaan pero hanggang ngayon ay sadlak pa rin sa kahirapan ang karamihan.

Ang kakaiba lamang sa mga kasalukuyang mensahe ay ang paraan ng pagpapaliwanag, gayundin ang pagpili ng mga salita. Batay sa depenisyon ng diksiyonaryong Merriam-Webster, ang retorika ay ang sining ng epektibong pagsasalita o pagsusulat (rhetoric: the art of speaking or writing effectively). Bilang isang sining, may mahabang panahong ginugugol ang mga kandidato’t tagasuporta nila para maging kapani-paniwala ang mga mensahe sa publiko.

At para maging epektibo ang retorika, ginagamit nila ang apat na batayang elemento: paggamit ng wikang Filipino (o pinaghalong Filipino at Ingles); simple’t maikling pananalita o panulat; direkta-sa-puntong mensahe; at may “kiliti” sa bandang huli (e.g., sa pamamagitan ng internal na ritmo [internal rhythm] o paglalaro ng mga salita [wordplay]).

Malinaw na nakapagpanalo sa ilang kandidato para senador ang mga katagang ito: “Gusto ko, happy ka!” (Juan Ponce Enrile) at “Pag bad ka, lagot ka!” (Joker Arroyo). Sa pamamagitan ng mga ito, natandaan ng mga botante kung ano ang kanilang diumanong paninindigan sa ilang isyung kinakaharap ng bayan.

Dahil sa limitadong salitang dapat gamitin, malinaw na may politika sa likod ng retorika. Hindi maaaring magkaroon ng komprehensibong diskurso at kailangang tutukan lang ang ilang partikular na usapin. Halimbawa, kung nais ng isang kandidato na tutukan ang pangako ng pagbibigay ng trabaho, hanggang doon lang ang kanyang retorika sa panahon ng kampanya. Kung ang pagtutuunan ng pansin ay ang pabahay para sa mahihirap, hindi na masyadong babanggitin ang iba pang isyu tulad ng pagpapaunlad ng agrikultura (maliban na lang kung tatanungin siya tungkol dito).

Para sa mga kandidato’t mga diumanong ekspertong tagapayo nila, hindi praktikal ang komprehensibong pagtalakay sa mga isyung kinakaharap ng lipunan dahil malamang na hindi ito matatandaan ng publiko. Simple lang ang kanilang argumento: Hindi raw interesado ang mga botante sa mahabang paliwanag kahit sa paraang naiintindihan nila. Sa madaling salita, ang mahaba para sa kanila ay mahirap matandaan samantalang ang maikling may “kiliti” ay kinagigiliwan.

Sa dinami-rami nga naman ng mga kalaban sa puwesto, paano aangat sa mga katunggali ang isang kandidato? Marami ngayon sa mga kandidato ang nagkukunwaring artista – sumasayaw, kumakanta, nagpapatawa. Nagkakaroon ito ng implikasyon sa kabuuang kampanya, bukod pa sa ginagamit na retorika.

Walang lugar ang komplikado’t mahabang diskurso sa isang kampanyang may layuning pagaanin ang mga usapin. Sa konteksto ng pagbibigay-aliw, ang mababaw na diskusyon ay kinakailangan, bukod pa sa pagpili ng mga isyung papanigan ng karamihan. Sino nga ba naman ang kokontra, halimbawa, sa scholarship para sa kabataan? Hindi ba’t magandang imahe ang paghalik sa isang bata at ang nakangiting pagbibitiw ng pangakong pag-aaralin ng isang kandidato ang lahat ng mahihirap?

Pero ang tanong: Nasaan ang pagpapalalim sa mga isyu? Hindi natin aasahan ang mga tradisyonal na kandidatong suriin ang kalagayan sa agrikultura sa konteksto ng tunay na repormang agraryo. Wala tayong maririnig mula sa kanila hinggil sa pangangailangang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) na panawagan ng ilang organisadong grupo bunga ng pagyurak sa ating pambansang soberanya. Sigurado ring walang tuluyang kokontra sa globalisasyon kahit na nagreresulta ito sa dominasyon ng mga dayuhang kompanya sa ating ekonomiya. Mayroon ba sa kanilang naniniwalang dapat nang isabansa ang industriya ng langis dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo? Kung mayroon man, asahan natin ang kanilang pananahimik para hindi magalit sa kanila ang malalaking kompanya ng langis.

Ayaw nila ng mga komplikadong isyu hindi lang dahil nangangailangan ang mga ito ng mahabang paliwanag. Malalantad kasi ang kanilang tunay na paninindigan kung sasabihin nila ang katotohanan. Ang isang tradisyonal na kandidatong kilalang tagapagtaguyod ng kalikasan ay maaasahan nating babatikusin ang mga nagkakaingin pero hindi niya babanggain ang malalaking kompanyang nagmimina o nagtotroso. Ang isang tradisyonal na kandidatong nagtataguyod ng hanapbuhay ay maaasahang magbigay ng pagsasanay para sa mahihirap na walang trabaho pero hindi siya tahasang susuporta sa panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa.

Sadyang ganito ang kalakaran ng kampanya ng mga kandidatong nagnanais lang na maupo sa puwesto. At pagkatapos manalo, tuluyan nang kalilimutan ang mga ipinangako sa panahon ng kampanya.

Epektibo ang retorika para maihatid ang mensahe pero dapat suriin ang politika sa likod nito. Oo, nagbibigay-aliw ang mapanlikhang pagbubuo ng mga salita pero higit pa riyan ang batayan ng ating pagboto. Kung ang mga tradisyonal na kandidato ay ayaw pataasin ang antas ng diskurso, lubhang kinakailangang ipakita sa kanilang walang lugar ang walang-lamang retorika (pati na ang pagkukunwaring artista) sa kasalukuyang kampanya.

Paano ito gagawin? Maaaring magsama-sama ang mga komunidad o sektor para iparating sa pamamagitan ng midya ang kolektibong pagkadismaya sa nangyayaring kampanya. Bagama’t maaari din namang magpahayag ang isang botante bilang indibidwal, iba pa rin ang inisyatibang mula sa isang nagkakaisang hanay.

Ating iparating ang malinaw na mensahe sa tradisyonal ng kandidato: Hindi ka namin iboboto kung hindi ka magpapakatotoo. Wakasan ang kababawan! Ibasura ang walang-lamang retorika! Isulong ang makabuluhang politika!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.