Seryosong pagtingin sa aktibismo

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (March 9, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/03/seryosong-pagtingin-sa-aktibismo/.

Madaling matawag na aktibista. Mahirap panindigan ang esensiya.

Unang ginamit ang salitang activism noong 1915, ayon sa Merriam-Webster. Ito ang kahulugan ng salita sa wikang Ingles: “(noun) a doctrine or practice that emphasizes direct vigorous action especially in support of or opposition to one side of a controversial issue.”

Sa madaling salita, kahit anong pagkilos ay maaaring matawag na aktibismo. Kahit sino’y puwedeng matawag na aktibista. Pero ganito lang ba kasimple ang argumento tungkol sa aktibismo?

Sa paglipas ng panahon, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng negatibong konotasyon sa aktibismo at sa ilang aktibista, lalo na sa mga nagwawagayway ng bandilang pula, nagpipiket sa mga pagawaan at nagmamartsa sa mga kalsada. Anuman ang ipinaglalaban, tinitingnan bilang malaking sagabal ang pagkilos at pagbatikos sa pag-unlad ng lipunan. Namamayani kasi ang perspektibang dapat panatilihin ang panlipunang kaayusan. Para sa isang mamamayang hindi mulat, ang radikal na pagbabago ay magbubunga lang ng kaguluhan.

Sa halip na tingnan ang obhetibong dahilan ng aktibismo, mas binibigyang-diin ang diumanong subhetibong katangian nito. Ang ganitong klaseng pagkilos ay pinagdaraanan lang daw ng kabataan dahil sa bugso ng damdamin. Likas daw kasi sa mga bata ang maghanap ng anumang ipaglalaban bilang pampalipas-oras. May argumento pa ngang adbenturismo lamang ang aktibismo dahil sa ilang makapigil-hiningang eksena tulad ng pakikipaghabulan sa mga pulis at pakikipagdebate sa mga awtoridad.

Siyempre pa, nariyan ang oportunidad na makunan ng larawan o mainterbyu ng mga peryodista ang isang aktibista. Dahil dito, hindi ba’t ang aktibismo para sa kabataan ay maaaring maging tulay sa pagsikat, lalo na para sa isang lider-estudyante?

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang madalas na sinasabi ng ilang mas nakatatanda, pati ang ilang nasa kapangyarihan, na sila ay dating aktibista sa kanilang kabataan. May negatibo mang konotasyon ang aktibismo, hindi sila nahihiyang aminin ang kanilang pinagdaanan sa simpleng dahilan: Tapos na raw sila sa pagiging militante at pinili na nila ngayon ang tahimik na pagkilos. Sa halip na labanan ang pamahalaan, pinili nilang suportahan ito (kung hindi man direktang magtrabaho rito). Sa halip na baguhin ang mundo, pinili nilang baguhin na lang ang sarili. Para sa kanila, nakinabang na sila sa pagiging aktibista noon. Sumikat na sila dahil dito!

Sadyang iba na ang kanilang konsepto ng pagbabago. Para sa ilang nakatatanda, sila ay nagtataguyod ng isang porma ng aktibismong nakikipagtulungan sa mga nasa kapangyarihan. Ito raw ang klase ng aktibismong magbubunga ng resulta, hindi ang direktang pagbatikos sa pamahalaan. Pinipilit nilang bigyan ng sariling kahulugan ang aktibismo para ito ay maging katanggap-tanggap sa nakararami. Pinipilit nilang ipalaganap ang mensaheng luma na ang militanteng pagbatikos at dapat nang yakapin ang diumanong mapayapang pagkilos.

Posibleng madala ang isang tao sa ganitong argumento lalo na’t nangangahulugan ito ng mas simpleng paraan ng pagkilos. Hindi na niya kailangang magsakripisyo nang todo-todo. Makakaya niyang kumilos para sa pagbabago kung kailan lang niya gusto. Walang problema kung siya ay magtatrabaho o mag-aaral mula Lunes hanggang Biyernes at magiging aktibista lang kung Sabado’t Linggo.

Pero ang tanong: Ito ba ang aktibismong kinakailangan ng lipunan? Siguro’y kailangan ng mas malalim pang tanong: Bakit kailangang baguhin ang lipunan sa paraang nagsasakripisyo ang iilan?

Mainam na pagnilay-nilayan ang iba pang gumugulo sa ating isipan. Sa panahong maraming pinapatay sa politikal na dahilan, solusyon ba ang manahimik na lang at manawagang huwag nang ipagpatuloy ang ipinaglalaban? Sa panahong hindi nabibigyang-solusyon ang napakatagal nang panawagan para maibsan ang paghihirap ng maraming mamamayan, praktikal bang sabihan silang magtiis na lang? Sa panahong ang magandang buhay mo ay hindi ramdam ng mas nakararami, dapat bang ipamukha ang kanilang diumanong katamaran at ipagmalaki ang iyong kasipagan? At siguro’y mas kailangan ng mas direktang tanong: Handa ka bang kumilos kasama ng iba pang kapareho ng iyong ipinaglalaban at magsakripisyo nang tulad ng ginagawa nila?

Madaling matawag na aktibista. Kahit anong diksiyonaryo’y maaaring gamitin para mapatunayan ang aktibismo ng isang indibidwal, batay sa pangkalahatang depenisyon ng salita. Pero sa panahong ang kalagayan ng lipunan ay nangangailangan hindi ng pagkilos ng isa kundi pagkilos nang sama-sama, nararapat lamang na taasan natin ang pamantayan kung ano ang tunay na aktibismo at kung sino ang maaaring matawag na tunay na aktibista.

Ang tunay na aktibismo ay ang pagkilos para baguhin ang lipunan at magkaroon ng isang kaayusang direktang makikinabang ang kasalukuyang naghihirap. Ang tunay na aktibista ay tinitingnan ang sarili hindi bilang indibidwal kundi bilang bahagi ng lipunang kanyang ginagalawan. Para sa kanya, mas nakapangingibabaw ang politikal kaysa personal kaya handa siyang magsakripisyo, kung kinakailangan, para sa pagpapabuti ng isang gawain. Mahirap mang paniwalaan, may mga ganitong klaseng indibidwal na handang isakripisyo kahit ang buhay para sa ipinaglalaban.

Mahirap panindigan ang pagiging tunay na aktibista, lalo na’t ang lipunan ay mapanghusga. Kumikilos ang isang aktibista sa panahong maraming mamamayang hindi lubusang naiintindihan ang kalagayan ng lipunan at kung bakit kailangan ang ganitong klaseng sakripisyo mula sa ilang indibidwal na nagdesisyong kumilos nang sama-sama, hindi para sa kanilang kabutihan kundi sa iba pa. Sadyang mahirap intindihin ang desisyong pahirapan ang sarili samantalang may simpleng paraan naman para mabuhay. Sa puntong ito, mainam na ipaalala ang isang katangian ng tunay na aktibista – ang “mabuhay” para sa kanya ay simpleng pamumuhay kasama ang iba pa, lalo na ang mga pinagkaitan. Sa kontekstong ito, sadyang hindi maiiwasan ang mga personal na sakripisyo para sa kabutihan ng karamihan.

Dapat na seryosong tingnan ang kalagayan ng lipunan para malaman kung bakit kailangan ng mga tunay na aktibistang nagtataguyod ng mga bagay na madaling sabihin pero mahirap gawin – panlipunang katarungan, pambansang kaunlaran, pagbabagong makabuluhan. Kung sakaling ayaw ng isang indibidwal na gampanan ang buhay ng isang tunay na aktibista, mainam na intindihin na lang sila at huwag magbigay ng walang-batayang pangungutya. Ang pansamantalang pagsisikip ng trapiko habang pauwi ay panandaliang abala kumpara sa laksa-laksang sakripisyong ginawa ng mga aktibista para lang makapagpahayag ng saloobin sa kalsada. Ang pagbarikada sa isang ahensiya ng gobyerno ay dapat tingnan bilang simpleng simbolikong pagkilos na bagama’t nakakagambala sa trabaho ng ilang empleyado ay may mahalagang mensahe kaakibat.

Oo, ang mga tunay na aktibista’y dapat maintindihan dahil darating ang panahong sila naman ang pararangalan dahil sa kanilang ipinakitang pagmamahal sa bayan. Kumpara sa mga ayaw kumilos at magsakripisyo, ang mga tunay na aktibista ay hindi hinihintay ang panahong iyon kundi gumagawa ng paraan para buuin ito – hindi para sa inaasam na parangal kundi sa inaasam na panlipunang kaayusang katanggap-tanggap na sa mga pinagkaitan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.