TIME 100 bilang propaganda at negosyo

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (April 20, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/04/time-100-bilang-propaganda-at-negosyo/.

Tulad ng inaasahan, nagdiriwang ang Malakanyang sa pagkakasama ni Pangulong Noynoy Aquino sa kategoryang “Leaders” ng 2013 TIME 100. Ito ay ang listahan ngayong taon ng publikasyong TIME tungkol sa 100 indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng mundo na maimpluwensiya.

Sa kanyang talumpati sa Lapu-Lapu City, sinabi ni Aquino sa wikang Ingles na siya raw ay “mukha” lamang ng mga Pilipino. “This is a recognition of all our countrymen, of the whole country, more than anything…I’m the first to respond to a problem. That’s fine by me. But if we achieve success, this is the success of everyone.”

Tulad ng inaasahan, ang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda noong Abril 18 ay positibo para sa Pangulo: “The article is a recognition of the true grit which characterizes his leadership, and the optimism, dynamism and renewed pride which has restored the standing of our nation in the eyes of Filipinos and the world. We take pride in how the ideas of good governance and inclusive growth that are the major thrusts of the Aquino presidency resonate not just with Filipinos but with the entire world. This is especially relevant today, as countries all over are trying to become more inclusive economically, politically, and even culturally, President Aquino is already doing it in the Philippines.”

Bago tayo tuluyang maniwala sa pahayag nina Aquino at Lacierda, mainam na suriin nang mabuti ang maikling artikulo ni TIME News Director Howard Chua-Eoan tungkol kay Aquino: “The sputtering economy stabilized and became hot. Aquino pushed through a reproductive-rights law that many said was impossible in the fervently Catholic nation. Most important, he became the face of the regional confrontation with Beijing over its claim to virtually all of the South China Sea. It is a brave stance, the long-term consequences still unknown.”

Malinaw na ang dahilan ng pagkakapili kay Aquino ay hindi bunga ng malalim na pananaliksik kundi ng mababaw na pagsusuri. Ang impormasyong ibinahagi ni Chua-Eoan ay masasabing anecdotal at piling-pili lamang. Kapansin-pansin pa nga ang pagiging subhetibo ng mga argumento dahil ang ipinaliwanag lamang ay ang positibo.

Bagama’t may opisyal na estadistikang nagpapakita ng diumanong paglago ng ekonomiya, hindi rin naman maikakaila ang malawakang kahirapang patuloy na kinakaharap sa maraming mamamayan. Ang suweldo ng mga manggagawa ay nananatiling mababa habang ang mga presyo ng mahahalagang produkto’t serbisyo ay patuloy na tumataas.

Itinulak nga ni Aquino ang batas tungkol sa Reproductive Health at Responsible Parenthood pero siya rin ang pumirma sa Cybercrime Prevention Act na kinailangang patawan ng temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema dahil sa pagiging mapanupil sa kalayaan sa pamamahayag. Kapansin-pansin din ang hindi pagsuporta ni Aquino sa batas tungkol sa Freedom of Information kahit na ito ay isa sa mga ipinangako niya noong nangangampanya pa siya para maging Pangulo.

Tungkol naman sa ipinaglalabang teritoryo sa Pilipinas, tila nakalimutan ni Chua-Eaon ang isyu sa Sabah kung saan ang mga pahayag ni Aquino ay nagpapakita ng kawalan ng malalim na pag-intindi sa historikal na batayan ng ipinaglalaban ng Sultanato ng Sulu. Sa halip na igiit ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah, mas pinili niyang protektahan ang relasyon sa Malaysia. Ito ang dahilan kung bakit naging masakit na biro ang sabihing ang Pangulo ng Pilipinas at ang tagapagsalita ng Malaysia ay iisa.

Kung mayroon mang halaga ang listahang ginawa ng publikasyong TIME, ito ay ang pagpapakita ng pangkabuuang perspektiba ng mga patnugot nito sa nangyayari sa mundo. Sa ganitong konteksto mapapansin ang hindi pagkakabanggit sa ilang sosyalistang lider tulad ni Fidel Castro bilang maimpluwensiyang lider sa kasalukuyan. Bagama’t nasa listahan si Kim Jong-un, hindi nakakagulat na negatibo ang pagsusuri sa kanyang “impluwensiya” sa buong mundo. Malinaw ang pagkukunwari ng TIME sa pagiging obhetibo, at ito ay ginawa sa pamamagitan ng tokenismo. Ibig sabihin, pinalalabas na bukas ang isip ng publikasyong TIME sa iba’t ibang perspektiba at kultura sa pamamagitan ng pagsasama ng mangilan-ngilang “kontrabida” tulad ng lider sa North Korea. Pero sa pangkalahatan, higit na nakapangingibabaw pa rin ang globalistang tunguhin at ang dominasyon ng “The American Way” batay sa listahang ginawa.

At kung bubusisiin pa ang 10 taong tradisyon ng TIME na maglabas ng listahan ng 100 maimpluwensiyang indibidwal sa buong mundo, malalamang ginagawa ito para mapataas ang sirkulasyon ng publikasyon. Malinaw kasi ang pagbaba ng newsstand sales nito sa mga nagdaang taon. Napabalita nga na noong ikalawang bahagi ng 2012, ang single-copy sales ng TIME ay bumagsak nang 23.2 porsiyento. Ang sirkulasyon nito ay 3.28 milyon na lamang at kailangan ng publikasyong pataasin pa ang benta nito para hindi magaya sa Newsweek na napilitang ihinto ang publikasyong print dahil sa mababang benta at maging digital na lamang simula ngayong taon. Bukod sa taunang Person of the Year, ang TIME 100 ay mabisang pang-engganyo para manatili ang interes ng mga mambabasa nito.

At dahil ang populasyon ng Pilipinas ay 100 milyon, malaki ang potensiyal na merkado ng TIME para maibenta ang edisyon nitong kasama sa listahan si Aquino sa diumanong maimpluwensiyang lider. Sa huling pagsusuri, ang 2013 TIME 100 ay mapanlikhang propaganda at negosyo para sa publikasyong naghihikahos sa tubo.

Kung nais ni Aquino ng pagkilala, hindi siya dapat tumingin sa Amerika, lalo na’t mula sa publikasyong hindi naman malalimang sinuri ang konteksto ng kanyang pamumuno.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.