Print this post | Email this post
May 7, 2008 - 10:57 am - Posted in Konteksto (Pinoy Weekly column)

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 17 (May 7-13, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may be retrieved from http://pinoyweekly.org/cms/2008/05/argumento-ng-umento.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHuwag nang taasan ng suweldo ang mga manggagawa. Kung hindi man magsara ang mga kompanya, baka tumaas pa ang presyo ng bilihin. At bakit ba mareklamo sila samantalang hindi hamak na mas mataas ang suweldo nila kumpara sa mga manggagawa sa ibang bansa?

Ilang argumento lang itong parati nating naririnig mula sa mga nasa kapangyarihan (at ilang hindi nakakaalam). Ang mga ganitong pagtingin ay maaaring magpaliwanag sa hindi masyadong mataas na mga umentong ibinibigay ng mga RTWPB (Regional Tripartite Wages and Productivity Board) mula nang itatag ang mga ito noong 1989.

Sa bandang huli raw kasi, ang masyadong mataas na suweldo ng mga manggagawa ay nakasasama sa ekonomiya. Dahil dito, hindi katanggap-tanggap ang panawagan ng mga progresibong sektor na substansiyal na itaas ang suweldo ng mga manggagawa sa pribado’t publikong sektor (P125 bawat araw para sa una, P3,000 bawat buwan para sa ikalawa). At mas lalong hindi nararapat ang legislated wage hike dahil dapat dumaan sa RTWPBs ang anumang pagtataas ng sahod.

Kahit na hindi mo basahin ang mga pahayag ng KMU (Kilusang Mayo Uno), AnakPawis at iba pang progresibong organisasyon, ang simpleng pagsusuri ng mga estadistika mula sa NWPC (National Wages and Productivity Commission), BLES (Bureau of Labor and Employment Statistics) at NSO (National Statistics Office) ay magpapatunay na hindi totoo ang mga argumento laban sa mga progresibong organisasyon.

Unahin natin ang adyenda ng pamahalaan sa pagpupumilit na ang RTWPBs ang kailangang magdesisyon sa sahod ng mga manggagawa. Kumpara sa isang legislated wage hike, maraming exemptions sa mga ipinapalabas na WO (wage order) ng RTWPB.

Kung babasahin, halimbawa, ang WO No. 13 para sa mga manggagawa ng National Capital Region (NCR), ang mga hindi saklaw ng P12 pagtaas na sahod noong Agosto 2007 ay ang sumusunod: “(1) Distressed Establishments; (2) Establishments Facing Potential Losses; (3) Retail/Service Establishments Employing Not More Than Ten (10) Workers; (4) Establishments whose total assets, including those arising from loans, but exclusive of the land on which the particular business entity’s office, plant and equipment are situated, are not more than Three Million Pesos (P3,000,000.00); and, (5) Establishments adversely affected by natural calamities.

Ano ang implikasyon ng mga ito, lalo na ang ikatlong punto? Kung titingnan ang datos noong 2006 tungkol sa mga establisimyento at ang dami ng mga manggagawa nila, lumalabas na 1.7 milyong manggagawa (33.46 porsiyento) ay nasa mga establisimyentong may isa hanggang siyam na manggagawa. Sila ay may malaking posibilidad na hindi masaklaw ng WOs mula sa RTWPBs.

Sa pinakahuling datos ng BLES, ang produktibidad ng mga manggagawa noong 2005 ay tumaas nang tatlong porsiyento. At kung titingnan naman ang volume of production index o VPI – isang indikasyon ng kantidad ng pang-ekonomikong produksiyon ng bansa – noong Pebrero 2008, mapapansin ang 8.6 porsiyentong pag-angat kumpara sa nakaraang taon. Dagdag pa sa opisyal na pahayag ng NSO: “Thirteen (13) of the 20 major sectors reported increases in production output with two-digit increments observed in the following: petroleum products, leather products, beverages, footwear and wearing apparel, and wood and wood products.

Lumalabas na kaya naman ang pagtataas ng suweldo at hindi mangyayari ang kinatatakutang malawakang pagsasara. Kailangan ding tandaang sa mga sarbey na isinagawa ng DOLE (Department of Labor and Employment) sa mga nagsarang kompanya sa mga nakalipas na taon, hindi naman pangunahing dahilan ang suweldo ng mga manggagawa: Sa halip, ang pangunahing reklamo ng mga kapitalista ay ang mataas na presyo ng mga kagamitan sa produksiyon.

Tungkol naman sa epekto ng pagtataas ng suweldo sa presyo, hindi ba’t sa isang deregulated regime, wala nang nakakapigil sa mga kapitalista na magtakda ng presyo? Ito ang dahilan kung bakit ang isang panawagan ng mga manggagawa ay magkaroon ng kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Mayroon ding opisyal na estadistika tungkol sa suweldo ng mga manggagawa sa Pilipinas at iba pang bansa. Alam n’yo bang kumpara sa Pilipinas ($84.84-$255.83), mas mataas ang sahod sa Malaysia ($210.74-$482.46), Taiwan ($565.96), South Korea ($565.96), Japan ($1,552.29-$1,636.51), New Zealand ($1,683.95-$2,104.93), Singapore ($645.07-$2,675.56) at Australia ($3,080.43)?

Ayon sa datos ng NWPC noong Mayo 5, 2008, mas mataas lang ang sahod ng Pilipinas sa Vietnam ($43.76-$53.63), Cambodia ($52.61), Indonesia ($59.29-$110.57), China ($64.30-$111.45) at Thailand ($134.21-$179.26).

Pero higit pa sa mga estadistikang ito, kailangan din nating isakonteksto ang sahod sa pangkabuuang kalagayan ng isang pamilya. Maaari tayong malula sa dami ng mga estadistika at retorikang ginagamit ng magkabilang panig pero isang tanong lang ang dapat sagutin: Sa panahon ng krisis, sino ba ang mas dapat na magsakripisyo? Ang manggagawa o ang kapitalista?

Totoo namang mababawasan ang tubo ng mga kapitalista oras na magkaroon ng substansiyal na pagtataas ng sahod. Pero hindi ba’t kailangan ito ng mga manggagawa lalo na sa panahong ito?

Dahil sa pagtanggi ng mga nasa kapangyarihan sa pagtataas ng suweldo ng nakararaming manggagawa, ang hindi direktang mensahe sa kanila ay ganito: Sanay naman kayong magsakripisyo, kaya lalo pa ninyong higpitan ang inyong sinturon. Hindi bale nang kayo ang maagrabyado, basta’t tuluy-tuloy lang ang pagpasok ng mga mamumuhunan dito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 16 (April 30-May 6, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/cms/2008/04/pangako-sa-aming-magiging-anak.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay matindi mang kalungkutan sa bawat trahedya, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.

Hanggang ngayon, malaking emosyonal na bagahe para sa amin ni Joy ang pagkawala ng sana’y una naming anak noong Mayo 3, 2005, eksaktong isang taon ang nakalipas nang pumunta si Joy sa aking opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) para magkita kami sa unang pagkakataon. (Isa ring pambihirang pagkakataon na ang Mayo 3 ay World Press Freedom Day!)

Sabi ng doktor, ectopic pregnancy daw ang dahilan at kinailangan ang madaliang operasyon ni Joy. Ito pala ang dahilan ng kanyang panaka-nakang pagsakit ng tiyan sa una’t ikalawang buwan ng pagbubuntis na akala namin ay normal lang.

Kung anong ligaya ang nadama namin noong malaman naming positibo ang resulta sa binili niyang pregnancy test kit ay siya namang lungkot namin pagkatapos ng operasyon. Sa sobrang depresyon, hindi na namin inalam pa kung saan inilibing ang anak naming kinuha sa kanyang sinapupunan nang napakaaga at walang hininga.

Marami sana kaming plano para sa aming magiging anak. May pangako kami sa bawat isa na magiging responsableng magulang at gagawin ang lahat para sa kanya.

Tuturuan ni Joy, halimbawa, ng tama’t mali ang aming anak. Ipapakita rin niya sa kanya ang kahalagahan ng gawaing bahay sa murang edad, isang bagay na hindi ko masyadong nakasanayan noong bata pa ako.

Ikikintal ko naman sa kanyang isipan ang kahalagahan ng pagbabasa, at nangako akong maglalaan ng panahon para lubusan niyang maintindihan ang mga librong ibibigay ko sa kanya.

Pauunlarin namin ang kanyang kaalaman hindi lang sa teorya kundi maging sa praktika. Ibibigay namin sa kanya ang lahat ng oportunidad para mag-aral, hindi lang sa loob ng silid-aralan kundi maging sa labas nito.

Mahusay si Joy sa pagdidisiplina, at sigurado akong magiging masunurin siyang anak. Pero ang pagiging masunurin ay hindi dapat mangahulugan ng bulag na pagtalima sa awtoridad kundi ng kritikal na pagsusuri sa dahilan ng mga kailangan niyang gampanan. Dahil komunikasyon ang aking larangan, malinaw sa usapan namin ni Joy na handa kaming magbigay ng kahit na mahabang paliwanag para maintindihan ng magiging anak namin ang klase ng pagpapalaking pinagdaraanan niya.

Igagalang namin siya tulad ng paggalang niya sa amin. Papagalitan kung kinakailangan, pero pupurihin kung may batayan.

Nasa kanya ang desisyon kung anong larangan ang papasukin niya, bagama’t ipapakita namin ni Joy ang aming magkaibang “mundo” – ako sa pamamahayag at pagtuturo, siya sa pagnenegosyo’t pagbabangko.

Tulad ng iba pang mag-asawang nais na magkaroon ng anak, marami na kaming paghahanda para sa sana’y magiging anak namin: Ang aming bahay sa Marikina ay may dalawang kuwarto, at malinaw na ang isa sa mga ito ay para sa kanya. May motorsiklo’t kotse kami para sa kanyang mas mainam na pagbiyahe. Marami nang halaman sa loob at labas ng bahay para sa kanyang paglanghap ng sariwang hangin.

Kumpleto na sa gamit, anak na lang ang kulang. Patuloy naming hinihintay ang kanyang pagdating.

May matindi mang kalungkutan sa bawat trahedya, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Kailangan nating isiping may katuparan para sa mga taong patuloy na nakikibaka at ginagawa ang lahat para matupad ang kanilang haraya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

Kapuso Mo, Jessica Soho logo (retrieved from GMA 7's website)Warning: Shameless plug ahead!

My interview with GMA 7 at the UP CMC ended a few minutes ago. In case you’re wondering if I said anything incriminating, please watch the segment on blogging on Kapuso Mo, Jessica Soho (GMA 7) this Saturday (April 26) at around 9 p.m.

Even if I won’t have access to television this Saturday (more on that in a future post, or perhaps a column article for Pinoy Weekly), I’m sure that there will be some UP CMC students who are looking forward to watching it. There might be footage of them consulting with me…under the tree! Yes, the producer decided to be creative by interviewing me at our college’s parking lot.

Hope this encourages you to watch the show this Saturday. Thank you for reading and sorry for this shameless plug.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 15 (April 23-29, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5).

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay pagkilala man sa problemang kinakaharap, mapapansing hindi pa rin ginagamit ng pamahalaan ang salitang “krisis” para ilarawan ang problema natin ngayon sa suplay ng bigas.

Maingat ang pamahalaan sa pagpapaliwanag tungkol sa mahabang pila sa pagbili ng bigas sa mga pamilihan ng National Food Authority (NFA). Kahit na may sapat daw na suplay, kailangang iwasan ang pagsasamantala ng ilang negosyante’t pamilya.

Maiintindihan naman ang anumang inisyatiba para maiwasan ang pag-iimbak ng bigas na nabili sa murang halaga na ibebenta lang kapag tumaas na ang presyo nito. Ang anumang pagsasamantala sa ngalan ng tubo ay dapat na tutulan, at ang sinumang gumagawa nito ay nararapat na kasuhan.

Pero mapapansing nagkakaroon na rin ng limitasyon sa maaaring bilhin ng isang pamilya. Kung anu-anong “mapanlikhang” sistema ang ipinapatupad at planong ipatupad ng pamahalaan. Halimbawa, mayroon nang itinakdang maksimum na maaaring bilhing NFA rice ng isang tao at may plano ring magkaroon ng sistema ng pagmo-monitor sa kinokonsumong bigas ng bawat pamilya.

Bago pa man ang mga ito, matatandaang may panawagan din sa mga fastfood chain na bigyan ng opsyon ang mga kostumer na makabili ng kalahating kanin para hindi naman daw maging maaksaya sa pagkain.

Tunay na ang kampanya ng pamahalaan para siguraduhing may sapat na suplay ng bigas ay tinatamaan hindi lang ang mga mapagsamantalang kapitalista kundi ang iba pang pamilya. Kahit na may elemento ng pagsasamantala sa panig ng ilang pamilya (partikular ang mga may kakayahang bumili nang sobra pa sa pangangailangan nila), kailangang tandaang ginagawa lang nila ito dahil sa desperasyon at hindi sila dapat tratuhin tulad ng iba pang ganid sa tubo.

At kahit na sabihing kaya naman nilang bumili ng mamamahaling bigas, pinipili pa rin nilang bumili ng mas murang NFA rice dahil mas mainam nang isakripisyo, kahit pansamantala, ang kalidad (quality) kapalit ng kantidad (quantity). Para sa kanila, ito ang mga pagkakataong kailangang maghigpit ng sinturon dahil baka lumala pa ang sitwasyon sa malapit na hinaharap.

Pero ang desperasyon ay mas nakikita sa mga pamilyang walang sapat na pambili. Kahit na sabihing hanggang limang kilo lang ang kayang bilhin sa mga pamilihan ng NFA, alam nating hirap ang nakararaming mamamayang bumili ng kahit isang kilo lang.

Ang kahirapang ito ay hindi lang dahil sa ilang oras na paghihintay sa napakahabang pila sa ilalim ng sikat ng araw ngayong tag-init. Ito ay bunga rin ng mababang suweldo at mataas na presyo ng bilihin at serbisyo. Gasgas nang biro ang argumentong “Ang mayayaman lang ang maaaring mag-panic buying, samantalang ang mahihirap ay puro panic lang dahil walang pang-buy.”

Malaking kontradiksiyon sa kasalukuyang panahon ang pagkakait sa nakararaming mamamayan ng oportunidad na magkaroon ng sapat na pambili para sa mga pangangailangan nila.

Madaling sabihin ng mga opisyal ng pamahalaan na may ginagawa sila para bigyang-solusyon ang problema sa suplay ng bigas. Pero ang kanila bang mga inisyatiba ay para mapataas ang kakayahang bumili ng mamamayan at mapababa ang presyo ng mga batayang serbisyo’t produkto tulad ng bigas?

Maaaring isakonteksto ang pagiging maingat ng pamahalaan sa pagpapaliwanag ng kasalukuyang sitwasyon sa layunin nitong maibsan, kundi man tuluyang mawala, ang pag-aalala ng mamamayan.

Subalit kailangang tandaang ginagawa ang pag-iingat na ito dahil ayaw ng pamahalaang magresulta ang pangkalahatang desperasyon sa malawakang pag-aalsa. Hangga’t maiiwasan, patuloy ang pag-iingat ng pamahalaan, kundi man lantarang pagtatakip sa katotohanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 14 (April 16-22, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/04/mensahe-sa-magtatapos-ng-kursong-peryodismo.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHindi lang ito pagbati sa iyo, kundi isang apila.

Pinili mong tapusin ang isang kursong sinasabi ng ibang napakadali para sa iyong kakayahan. Ilang beses mo na sigurong narinig ang mga katagang “breeze course” tuwing pinag-uusapan n’yong magkakaibigan ang kurso mo.

Kumpara daw kasi sa agham at teknolohiya, wala kang kailangang gawin sa peryodismo (journalism) kundi sumulat ng kung anu-ano, isang bagay na kayang gampanan ng kahit sino. Walang lugar diumano sa kursong peryodismo ang pagpapakadalubhasa sa anumang larangan (kahit sa wika) dahil simpleng pagsusulat lang ang kailangan mong gawin.

Ibig sabihin, kahit sino’y maaaring sumulat ng simpleng pangungusap na gumagamit ng mga simpleng salita. Maraming naniniwalang basta’t alam mo ang balarila’t ortograpiya, madali kang makakapasa sa mga kurso mo sa peryodismo. Sa katunayan, may mangilan-ngilan pa ngang may opinyong hindi na kailangan ang kaalaman sa wika sa panig ng mga mamamahayag dahil may mga patnugot (editors) namang tumitingin sa mga sinusulat nila.

Ang mga ito raw ang dahilan kung bakit balewala ang kursong peryodismo. Sa isang banda, hindi naman kailangang nakapagtapos ka ng peryodismo para magtrabaho sa midya. Maraming hindi nakapagtapos sa kolehiyo na kinikilalang mahusay sa larangang gusto mong pasukin.

Tinatanggap man natin ang katotohanang kahit sino’y maaaring maging mamamahayag, alam mong hindi totoong madali ang kursong pinili mo. At lalong hindi balewala ito.

Matapos ang apat o higit pang taon sa kolehiyo, alam mong hindi lang limitado sa pagsusulat ang kursong pinili mong tapusin. Nariyan din ang pagtuturo ng disenyo, layout at pagkuha ng larawan.

Iba na rin ang oryentasyon ng mismong konsepto ng peryodismo – kung noon ay limitado lang ito sa larangan ng print, ngayon ay multimedia na ito. Nangangahulugan ito ng pangangailangang matutuhan ang iba’t ibang porma ng midya (print, radyo, telebisyon at new media).

Bukod sa oryentasyon at iba’t ibang aspeto ng peryodismo, alam mong malaking panahon din ang ginugugol sa pag-aaral ng etika (ethics).

Higit pa sa kakahayang alamin ang balarila’t ortograpiya, kinakailangang tandaan ang mga pamantayan at tamang pamamaraan ng paglalahad ng mga balita. Hindi tulad ng ibang disiplina, ang pag-aaral ng etika ay hindi lang pag-alam sa mga konseptong kaugnay nito kundi ang masusing imbestigasyon sa aktuwal na paggampan ng mga mamamahayag sa kanilang gawain.

Pansinin ding hinubog ang iyong kritikal na pag-iisip sa iyong pagsusulat. Inisyatiba man ito ng iyong mga propesor o sariling pagkukusa, naging kritikal ka dahil sa kinakailangan ang malalimang pagsusuri sa mga paksa. Integral na bahagi kasi ng pagbabalita ang pagsusuri. Sa pagsusulat ng isang editoryal o kolum, halimbawa, inaasahan ng publiko ang iyong paninindigan. Kung wala ka nito, walang dahilan para pag-aksayahan ng panahon ang mga pinaghirapan mo.

Pero may matinding hamon sa iyong pagtatapos dahil hindi lahat ng organisasyong pang-midya ay naniniwala sa tungkulin ng mamamahayag sa paghubog ng pampublikong opinyon sa pamamagitan ng makabuluhang pagbabalita. Tulad ng mga korporasyon sa iba’t ibang industriya, may mga organisasyong pang-midya na dinidiktahan ng tubo at pansariling interes ng mga nagmamay-ari.

Bagama’t nasa iyo ang desisyon kung papasok ka sa mga organisasyong ito at susubuking baguhin ang sistema mula sa loob, dapat mong tandaang maraming opsyong naghihintay sa iyo, partikular ang alternatibong midya na may mahabang tradisyon ng makabuluhang peryodismo. Hindi man masyadong popular ang alternatibong midya, hindi ba’t mainam na magtrabaho ka sa mga ito para hindi makompromiso ang iyong prinsipyo?

Sa panahong may malaking kahinaan ang mas popular o mainstream na midya sa paglalahad ng pambansang kalagayan, kinakailangan mong pumasok sa larangan ng peryodismo. Sana’y seryoso mong isipin ang pagpasok sa alternatibong midya.

Huwag mong isiping may kailangan kang patunayan sa iyong sarili. Mas mahalagang isaalang-alang ang publikong makikinabang sa iyong paggampan ng peryodismo sa tunay na esensiya nito – ang makabuluhang paghubog ng opinyon at pagkilos para sa pagbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 13 (April 9-15, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/04/nakakapatula-ang-mga-sandaling-ito.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlinePakinggan ang aking babala: Hindi po ako makata.

Kakaunti lang ang mga tulang sinulat ko sa wikang Ingles at Filipino. Sa aking pagkakaalala, may dalawang tula akong naisama sa isang libro noong 1994, at ito na ang pinakahuling pagsabak ko sa larangan ng literatura.

Dahil pamamahayag ang aking propesyon, hindi ko masyadong gamay ang matalinghagang pagsulat na kadalasang kinakailangan sa pagsulat ng isang tula. Bunga ng popularidad ng pananaw ni Roland Barthes na “death of the author” – na siya ring titulo ng kanyang sanaysay noong 1967 – madalas na kinikilatis ang isang tula batay sa dami ng interpretasyong maaaring ilagay sa mga teksto.

Hindi tulad ng mga teksto sa pamamahayag, maaaring ibang mensahe ang makuha ng isang mambabasa sa isang tula. Ang pagkakaroon ng iba’t ibang pananaw tungkol sa kanyang ginawa ay isang porma ng selebrasyon sa husay ng awtor. Sa kabilang banda, ang malawakang pagkakaintindi sa mensahe ng sinulat ng isang mamamahayag ay sukatan ng kanyang kakayahan bilang manunulat.

Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangang maging matalinghaga ang pagtula. Ang mga paborito kong manunulat na sina Pablo Neruda at Bertolt Brecht, halimbawa, ay kayang tumula nang iisang mensahe lang ang naipapahatid.

Ganito rin ang kaso sa mga nanalong awtor sa nakaraang patimpalak ng Filipino Institute of Translation, Inc. (FIT) na “Katext Mo Sa Katotohanan.” Direkta ang mensahe ng kanilang mga tula. Malinaw ang paninindigan ng mga awtor laban sa nangyayaring pagtatakip ng mga nasa kapangyarihan para mapanatili sila sa puwesto.

Nang makatanggap ako ng mensahe mula kay Prop. Romulo “Joey” Baquiran ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong Marso 3 tungkol sa inorganisang aktibidad ng FIT, naisipan kong muling subukin ang pagtula, kahit na sa pormang “dalit” na siyang hinihingi ng patimpalak.

Para sa mga hindi nakakaalam, ang dalit ay isang tradisyonal na porma ng tula na may apat na linyang may iisang tugma, at ang bawat linya ay kailangang may walong pantig.

Kahit na sabihing maikli lang naman ito, malaking hamon para sa isang manunulat ang gumawa ng isang dalit. Bukod sa pagiging angkop ng mga gagamiting salita para matugunan ang kinakailangang istruktura, kailangan ding maghatid ang mga salitang ito ng mensaheng maiintindihan ng mambabasa. Sa kasong ito, ang mensahe ay tungkol sa kahalagahan ng pagsasabi ng katotohanan, isang bagay na wala sa bokabularyo ng mga nasa kapangyarihan.

Hinintay kong matapos ang patimpalak bago ko isapubliko ang ilang naisulat kong dalit. Dahil personal kong kakilala si Joey at ang ilan pang hurado ay mula sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) na kung saan marami akong kaibigan, mas mainam sa aking palagay na huwag akong sumali.

Sa puntong ito, sana’y basahin ninyo ang unang dalit na sinulat ko:

Baligtad na ang totoo
Sa mata po ng gobyerno
Naduling dahil sa tubo
Binulag tayo’t niloko

Kung wala kang bantas na nakita rito, ang ikalawa’y mayroon na:

Hindi ipagkakanulo,
Demonyo’y magiging santo:
Alagaan mo lang ako
Presyuhan mo ang totoo!

Napag-uusapan na rin lang ang presyo, sa ikatlo’y magkaroon tayo ng diskurso sa premyo:

Doon tayo sa kangkungan
Di uso’ng katotohanan
Kapalit ng karangalan
Premyo ay biglang pagyaman

Totoong maraming paraan para yumaman, at ito ang batayan ng ikaapat na dalit:

Mayroong katotohanan
Itong kasinungalingan
Sagutin ang katanungan:
Sino ba ang yumayaman?

Kung gusto mo ng mas direktang mensahe, basahin ang ikalima at huling dalit:

Doon po sa Malakanyang
Wala na pong pakundangan
Anu-ano pang dahilan
Puro kasinungalingan

Matagal ko nang tinalikuran ang pagtula pero kusang bumalik ito sa akin dahil na rin sa pambansang kalagayan. Sigurado akong kung susubukin mong magsulat (sa larangan man ng literatura o pamamahayag), makakaramdam ka ng pansamantalang pagluwag ng pakiramdam. At ito ay hindi dahil sa tuluyan nang naglaho ang iyong disilusyon, kundi dahil sa naibahagi mo na ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Related Posts:
No related posts
Print this post | Email this post

(Updated April 4, 7:01 pm): N.B. - This was published in Vol. 7, No. 12 (April 2-8, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/04/medalya-bilang-gantimpala. I’ve decided to post this in advance as a “gift” to my sister whose son and daughter graduated this year.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay dalawang commencement exercises na dinaluhan kaming mag-asawa noong Pebrero at Marso. Nagtapos kasi ang dalawa kong pamangkin sa kolehiyo at elementarya.

Wala man silang nakuhang medalya, ibang klaseng karangalan ang naibigay nila kay Ate na nagpakahirap para makapagtapos sila. Para sa kanya, may magandang ibinunga ang halos walang tulog na pagtatrabaho para lang bayaran ang mataas na matrikula ng mga eskuwelahan nila.

Ang panganay kasi’y nagtapos sa De La Salle College of Saint Benilde sa Maynila; at ang nakababata, sa St. Scholastica’s Academy sa Marikina. Alam nating hindi biro ang matrikula’t iba pang bayarin sa mga eskuwelahang ito bagama’t napakataas ng kalidad ng edukasyong ibinibigay ng mga ito.

Malaking sakripisyo para kay Ate ang pagpapaaral sa dalawa niyang anak. Kahit na nasa ibang bansa siya, parati niyang kinukumusta ang kalagayan nila.

Gusto man niyang makapunta sa Pilipinas sa araw ng kanilang pagtatapos, nanghinayang siya sa malaking gastos sa pamasahe. Ito ang dahilan kung bakit nagkasya na lang siya sa pagbati sa mga anak niya sa pamamagitan ng telepono. Hindi man siya pisikal na nakita, narinig naman ang boses niya.

Katulad ng iba pang magulang, ginawa ni Ate ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak niya. Ako at ang aking asawa ay lubos na nanghinayang na hindi niya nakita ang kanyang mga anak sa matatawag na “espesyal na araw” nila. Sabihin mang puwede namang ipadala ang mga larawan, iba pa rin ang pisikal na presensiya sana ni Ate sa araw ng kanilang pagtatapos.

Naaalala ko tuloy ang sarili kong pagtatapos noong elementarya, hayskul at kolehiyo. Masaya ako noon, pero hindi lang ito dahil naroon sa aking pagtatapos ang aking mga mahal sa buhay. Ang aking kasiyahan ay masasabing napakababaw dahil nasilaw ako noon sa kinang ng mga gintong medalya.

Aaminin kong ibang kasiyahan ang nadama ko kumpara sa mga tinagurian kong “ordinaryong” gradweyt. Sa loob-loob ko noon, espesyal ako dahil sa aking pagiging honor graduate. Pero ang aking kasiyahan ay may iba’t ibang antas.

Hindi po ito personal na pagyayabang kundi pagtutuwid ng isang kamalian.

First Honorable Mention (o Third Honor) “lang” ako noong nagtapos sa elementarya kaya hindi ako masyadong masaya noon. Dagdag pa rito ang sitwasyong sa dinami-dami ng mga medalyang pang-akademiko, ang nakuha ko lang na karangalan ay “Best in Religion.” Para sa akin noon, hindi ako “magaling” dahil dalawa lang ang medalya ko.

Pero hindi masukat ang aking kasiyahan noong hayskul dahil naging Valedictorian ako’t sa akin napunta ang ang karamihan sa mga medalya sa larangan ng akademiko at pamumuno sa student council. Hindi tuloy nakakagulat na abot-tainga ang ngiti ko noon. Huwag mo sana akong pagtawanan kung sa aking pagtulog sa gabi ng aking pagtatapos noong hayskul, katabi ko sa kama ang mga medalya ko!

Kahit cum laude “lang” ako noong kolehiyo, masasabing may kasiyahan din naman ako dahil nakuha ko ang karangalang “Most Outstanding Journalism Student.” Masasabi mong “bumawi” na lang ako noong nagtapos ng master’s sa isa pang unibersidad na naggawad sa akin ng gradwadong karangalang “With High Distinction” (na katapat ng summa cum laude sa antas na undergraduate.)

“Kay galing naman ng anak ko!” Ilang beses kong narinig ito sa nanay ko habang sinasabitan ako ng mga medalya. Masakit mang aminin, wala akong pagkilala sa pinagdaanan niya para lang makapagtapos ako.

Sa aking valedictory speech noong hayskul, parang pabalat-bunga lang ang aking pasasalamat sa kanya. Mas inisip ko noon ang aking personal na kagalingan at hindi ang konteksto ng aking karanasan, lalo na ang hindi-masukat na sakripisyo ng nanay ko.

Sa okasyon ng pagtatapos ng dalawa kong pamangkin, pumasok sa aking isipan ang aking kamalian. Para sa kabataan, ang pagtatapos ay dapat na okasyon para kilalanin ang mga magulang, lalo na ang mga nagbuhos ng dugo’t pawis tulad ni Ate at ng nanay namin.

Para sa mga magulang ng mga nagsipagtapos, higit pa sa gintong medalya ang kanilang gantimpala, lalo na kung ang mga anak nila’y tutulong sa pag-unlad hindi lang ng pamilya kundi ng buong bansa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 11 (March 26-April 1, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/03/sana%E2%80%99y-magretiro-na-si-manny-pacquiao.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHuwag sanang magalit ang karamihan kung iniisip kong dapat nang magretiro si Manny Pacquiao.

Alam nating marami na siyang napatunayan. Ang pinakahuling laban niya kay Juan Manuel Marquez noong Marso 16 ay testamento sa kanyang kakayahan bilang boksingero. Kahit na maraming hindi kumbinsido sa desisyon ng tatlong hurado (split decision na pabor kay Pacquiao), hindi maikakailang ginawa niya ang lahat para manalo.

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong umaga ng Marso 24, sinabi niyang may “crab mentality” ang mga Pilipinong hindi naniniwalang siya ang nanalo sa kanyang pinakahuling laban. Ang mas mahalaga raw isipin ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino tuwing may laban siya.

Sa kontekstong ito ng “pagkakaisa” dapat tingnan ang aking argumento para sa kanyang pagreretiro. Ano ba kasing pagkakaisa ang nangyayari tuwing may laban siya? Halos lahat ng mga tao, mahirap man o mayaman, ay nakatutok sa nangyayari sa laban. Ang mga may pera ay kadalasang nagpupunta sa mga mall para tunghayan ang pinakahuling pangyayari. Para sa mga walang pera, kailangang magtiis na lang sa delayed telecast sa telebisyon na mas mahaba pa ang mga patalastas kaysa aktuwal na laban.

Ayon sa mga pulis, ang isang positibong resulta ng ganitong “pagkakaisa” ay ang pagbaba ng krimen sa araw ng laban ni Pacquiao. Tila kahit ang masasamang loob ay may mga nirerespeto ring araw!

Sa aking palagay, halos lahat ng Pilipino ay nagnanais na manalo siya, at mas higit ang kasiyahan ng karamihan kung mapapatumba niya ang kanyang kalaban. Ang sinumang naghahangad ng kanyang pagkatalo ay mas malala pa sa masasamang loob. Sila ay mga traydor sa lahi at kailangang tratuhing kaaway.

Pero hindi ba’t napapaligiran din si Pacquiao ng mga traydor at kaaway ng nakararaming mamamayan? Lahat man sila ay naghahangad ng kanyang pagkapanalo, pinipilit nilang gamitin ito para maisulong ang kanilang interes.

Madali namang matukoy ang ganitong klase ng traydor at kaaway: Sino ba ang mabilis na tumatabi kay Pacquiao kapag siya ay kinukunan o iniinterbyu ng midya? Sino ba ang nag-uugnay ng pagkapanalo ni Pacquiao sa umuunlad na ekonomiya ng bansa? Sino ba ang nagsasabing kailangan lang tularan si Pacquiao para gumanda ang buhay, at hindi kailangan ang mga kilos-protesta?

Pero kailangang isiping ang kanilang krimen ay hindi lang pagnanakaw ng eksena kundi ang malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Hindi man napapatunayan sa korte ang kanilang krimen, malinaw ang kanilang pagsasamantala sa mamamayan sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang aktuwal na kinikita bilang opisyal ng pamahalaan sa kanilang pang-ekonomiyang katayuan.

Ang mga nasabing traydor at kaaway ay mas gugustuhing madalas ang laban ni Pacquiao. Napapaganda kasi ang kanilang imahe sa publiko kung kasama ang pambansang kamao. Higit sa lahat, napapanatili ang isang klase ng pagkakaisa na mas angkop na tawaging eskapismo (escapism).

Ang mga laban ni Pacquiao ay nagsisilbing pansamantalang pagtakas sa problemang kinakaharap ng mga tao. Pero kailangang idiing pagkatapos ng laban, ang pansamantalang pagtakas na ito ay hindi nagreresulta sa agarang pagharap sa mga problema. Sa halip, ito ay nagbubunga ng pag-asam sa mga susunod na laban para lubos na maramdaman ang pagtakas sa problema ng nakararaming Pilipino, kahit na pansamantala lamang.

Para sa mga tunay na traydor at kaaway, kailangan ang eskapismo para mabigyan ng maling konsepto ng pagkakaisa ang mamamayan at mapanatili sila sa kapangyarihan. At dahil nagagamit si Pacquiao at ang kanyang mga laban ay nagiging instrumento ng pambansang pagkalimot, napapanahon na, para sa akin, ang permanenteng niyang pag-alis sa boxing ring.

Sa ganitong klaseng argumento, hindi ba’t isang porma ng nasyonalismo ang panawagan para sa kanyang pagreretiro?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 10 (March 12-28, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/03/para-sa-estudyanteng-nakikibaka.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHindi ito sermon mula sa nakatatanda kundi isang munting paalala.

Alam mo na ang iskedyul ng mga kilos-protesta mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng semestre ngayong Marso. Malamang na magpapatuloy pa ang mga ito hangga’t ang Pangulo ay hindi pa bumababa sa puwesto.

Inaasahan kang makiisa sa mga ito para ipakita sa mga nasa kapangyarihan ang malawakang pagtutol ng mamamayan sa katiwalian ng pamahalaan at pangkalahatang kabulukan ng sistema.

Nasa iyo ang desisyon kung hanggang saan mo gustong dalhin ang iyong pagkilos. Sa isang lipunang “normal,” tungkulin ko bilang guro na sabihan kang unahin ang pag-aaral dahil ito ang pundasyon ng iyong magandang bukas.

Pero alam mong malayo sa “normal” ang ating kalagayan, at wala akong karapatang sabihing magkakaroon ka ng magandang bukas dahil lang sa nakapagtapos ka ng pag-aaral. Bilang estudyanteng may mataas na antas ng kamulatan, alam mong ang pagtatapos ng pinili mong kurso sa kolehiyo ay hindi awtomatikong magpapaunlad sa iyong buhay.

Sa katunayan, mula sa pagiging kasama sa mga kilos-protesta, baka magiging kasama ka na lang sa lumalaking bilang ng mga walang trabaho. O mas malala pa, baka magiging kasama ka na lang sa nabigyan ng trabaho kapalit ng iyong prinsipyo.

Ito ang dapat mong iwasan – ang pagkawala ng pakikibaka sa iyong pagtanda.

Marami na akong kakilalang seryosong kasapi ng parlamento ng lansangan na naging seryosong empleyado ng tubo. Tuluyan na nilang kinalimutan ang kahalagahan ng pagkilos, at kasama na sila sa kumokondena sa mga nangyayaring protesta bilang “simpleng pinagdaraanan lang ng kabataan.”

Napapailing na lang ako sa kanilang katwiran: “Dati rin kaming aktibista, pero namulat kami sa katotohanang mahirap baguhin ang sistema. Kailangan din naming kumita para sa pamilya, kaya mas mabuti pang isipin na lang ang sariling pag-unlad kaysa mapaos sa kasisigaw sa mga problemang mas matanda pa sa atin.”

Sigurado kong may mga kakilala kang may ganitong aktitud na kumukumbinsi sa iyong kalimutan na ang pagmamartsa dahil ang iyong pagsigaw ay pansamantala lang ang alingawngaw. Kahit sabay-sabay kayo, lulunurin lang ng ingay ng tao’t sasakyan sa lansangan ang anumang mensaheng nais ipahatid. Ang nakararami diumano ay may praktikal na pangangailangang kumita para gumanda ang buhay ng pamilya.

Malamang na may mga panahong nagdududa ka kung tama ba ang pinili mong tahakin. Habang ang mga kaklase mo’y pinoproblema lang ang kasiyahang gagawin sa pagsapit ng gabi, nakikipagpulong ka sa iba pang kasama para sa mga susunod na pagkilos. Sa halip na malasing sa alak at basta na lang tumumba sa tindi ng tama, pinipilit mong magising sa tapang ng kapeng iniinom para labanan ang antok.

Mula sa iilang nakatatandang alam ang iyong pinagdaraanan, maniwala kang may dahilan para ipagpatuloy mo ang ganitong buhay. Sana’y huwag kang magpadala sa pambubuyo ng mga walang pakialam. Sana’y huwag kang matukso sa kinang ng salapi sa oras ng iyong pagtatapos sa kolehiyo. Patuloy mong tingnan ang pag-aaral hindi lang sa loob ng klasrum kundi maging sa labas nito.

Sa panahong katulad nito, lubhang kailangan ang mga katulad mo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Print this post | Email this post

N.B. - This was published in Vol. 7, No. 9 (March 5-11, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/03/balarila-ng-anomalya.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineSa paglalahad ng mensahe, minsa’y hindi napapansin kung tama ang paggamit ng mga salita. Kung nagmamadali kasi ang isang tao sa pagpapaliwanag, kadalasang naisasantabi na ang balarila’t ortograpiya.

Totoo namang hindi tayo kailangang maging purista pagdating sa wika. Hindi dapat pagtawanan ang mga taong walang sapat na kaalaman sa wika, partikular ang mga hindi naman nagpakadalubhasa rito.

Kung may paghuhusga tayong nais gawin, ang laman at hindi porma ng mensahe ang dapat nating tutukan. Sa madaling salita, mas importante ang sustansiya (o kawalan nito) kaysa sa gramatika ng tagapagsalita.

Tuwing mapapanood natin ang mga pagdinig sa Senado, maaaring pagbigyan ang mga senador at iba pang naimbitahan sa parati nilang paggamit ng “present state,” “at this point in time,” “cease and desist,” “illegal and unlawful” at iba pang kamalian sa wikang Ingles. Pinipilit lang naman nilang gamitin ang banyagang wika para magpaliwanag, hindi ba?

Pero mapapansin nating ang kamalian sa paggamit ng isang wika ay indikasyon din ng pagtatakip ng katotohanan.

Ang PNP (Philippine National Police) at ATO (Air Transportation Office), halimbawa, ay may pagkakamali sa paggamit ng mga salitang “no-fly zone” para ipaliwanag ang restriksyon sa himpapawid ng Makati dahil sa isinagawang malawakang pagkilos noong Biyernes ng hapon. Ano ba ang ipinagbabawal nila? Ang langaw (fly) o ang paglipad (flight) ng mga helikopter at eroplano? Para sa isang malisyoso, maaaring iba rin ang pakahulugan ng salitang “fly.” (Tandang tanda ko pa ang patalastas noon ng kompanyang Levi’s tungkol sa “button fly jeans!”)

Bakit hindi na lang kasi maging direkta sa mensahe ang mga nasa kapangyarihan, partikular ang mga nasa Malakanyang?

Kung may pagbabawal sa paglipad ng mga helikopter at eroplano, gamitin na lang ang mga salitang “restricted airspace.”

Kung haharangin ang mga planong pumunta sa Makati, gamitin na lang ang mga salitang “restricted movement” o “suspension of the right to travel.”

Mapapansin kasing napakahaba ng paliwanag sa mga bagay na kaya namang masabi sa iilang salita. Sa halip na direktang sabihing “pagdukot” ang ginawa kay Rodolfo Noel “Jun” Lozada, Jr., halimbawa, kung anu-anong paliwanag ang ginawa ng kapulisan para ipakitang kagustuhan niya at ng pamilya niya ang kanyang ilang oras na pagkawala. Sa bandang huli, ang asawa pa ni Lozada ang kinasuhan ng PNP dahil sa pag-aalala ng una na naiulat sa midya.

Kahit ang pag-amin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa isang interbyu sa radyo na alam niyang may “anomalya” sa proyektong NBN (national broadband network) bago ang pirmahan ng kontrata sa Tsina, pilit na itinatanggi ng Malakanyang. Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer (Pebrero 28), sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, “Parang merong insinuation pero di naman sinasabing meron.”

Ano po ba ang sinabi ng Pangulong pilit niyang ipinagtatanggol? Ayon sa transcript ng interbyu na mula mismo sa Office of the Press Secretary (OPS), sinabi ni Macapagal-Arroyo: “Una sa lahat, hindi ko gusto ng katiwalian. Ang taumbayan ay galit sa katiwalian, ganun din ako, galit din ako sa katiwalian. Kaya itong proyektong ito, oras na may pag-uusap na may anomalya, ay agad kong kinansela — agad-agad na gumawa ako ng hakbang para kanselahin…Kanselado na iyon, matagal na. Oras na may sumbong sa akin, tiningnan ko na iyong paraan kung papaano kanselahin. Nagsumbong sa akin the night before the signing of the supply contract pero hindi pa naman kasi — that was only one of many signings.”

Para sa mga nakakaintindi ng Filipino, malinaw na nangyari ang kanselasyon noong Setyembre 22, 2007 hindi dahil sa ipinag-utos ng Korte Suprema ang suspensiyon nito kundi dahil sa isinumbong kay Macapagal-Arroyo bago ang pirmahan sa Tsina noong Abril 21, 2007. Paanong magkakaroon ng kanselasyon batay lamang sa insinwasyon?

Halata ang pagtatakip sa katotohanan ng mga nasa Malakanyang nang sinabi nilang may nawala lang sa pagsasalin (“lost in translation”) sa pag-intindi sa pahayag ng Pangulo. Ayon sa kanila, wala namang pag-aming ginawa ang Pangulo hinggil sa anomalya.

Sa huling pagsusuri, malinaw na ang paggamit ng mga angkop na salita para ipakita ang realidad ay hindi intensiyon ng Malakanyang. Ang pagiging direkta sa paghahatid ng mensahe, kahit na may kahinaan sa balarila’t ortograpiya, ay nangangailangan ng pagpapakatotoo at direktang pag-amin.

Ang nasa bokabularyo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ng mga tagapagtanggol niya ay ang paggamit ng mga salitang magtatakip sa katotohanan, kahit na ito ay labag hindi lang sa batas ng gramatika kundi sa batas ng Pilipinas. Tunay na may dahilan para mapansin ang kamalian sa paggamit ng wika dahil sa mas seryosong kamaliang ginagawa ng Malakanyang sa mamamayan.

Pero darating din ang panahong makikita ng mamamayan ang kamalian hindi lang sa gramatika kundi sa gawa ng mga nasa Malakanyang. Kapag nangyari iyon, mas maiintindihan hindi lang ang kahulugan kundi ang esensiya ng mga salitang “pagtutuos” at “pagkilos.”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.