Tag Archives: capitalism

Basahin po nang nakatayo

N.B. – This was published in the April 29-May 5, 2011 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2011/05/basahin-po-nang-nakatayo/.

Masyadong komportable ang maghapong pag-upo o paghiga. Kung walang nararamdamang sakit sa katawan, mas mainam po sigurong tumayo paminsan-minsan para maramdaman ang pansamantalang kawalan ng ginhawa.

Ginagamit natin ang paa para sa paglakad at pagtakbo. Hindi posible ang mga ito kung ang ikaw ay hindi nakatayo. Sige na, tumayo ka muna habang binabasa ito. May malalim at matalinghagang dahilan po ang pakiusap ko.

Ang pagtayo ay isang porma ng ehersisyo. Kung maglalakad ka pa, mas makakadagdag ito sa pagpapahusay ng kondisyon sa katawan. Hindi naman kailangang mabilisan, dahil puwede namang dahan-dahan ang paglalakad lalo na kung bihira mong gawin ito. Pero siyempre, maging maingat lang sa paglalakad kung sasabayan mo ito ng pagbabasa. (Sa aking palagay, mas mainam na ipagpaliban muna ang pagbabasa kung ikaw ay maglalakad-lakad.)

At kung medyo nasanay ka na sa paglalakad, puwede mong subuking tumakbo. Dahan-dahan sa simula, maikling distansiya muna. Sa paglipas ng araw ay makakaya mo na siguro ang mabilisang pagtakbo sa mas mahabang ruta. Napapaganda nito ang iyong katawan dahil nadaragdagan ang iyong enerhiya.

Dagdag na enerhiya kapalit ng kawalan ng ginhawa sa pag-upo o paghiga. Mainam na negosasyon, hindi po ba? Ganyan naman talaga ang buhay: Kailangan ng sakripisyo para sa ninanais na pagbabago.

Alam mo ito kung ikaw ay manggagawa o magsasaka bagama’t hindi ka tuluyang naniniwala sa diskurso. Barya lang ang kapalit ng walong oras na pagtatrabaho. Hindi sapat ang kinikita para mabigyan ng disenteng buhay ang pamilya. Minsan pa nga, hindi nakakakain nang tatlong beses sa isang araw: Kailangan kasing pagkasyahin ang katiting na suweldo sa gabundok na pangangailangan ng asawa’t anak.

Maghapong nakatayo o maghapong nakayuko. Puwede mong sabihing ang mismong maghapong pagtatrabaho ay sobra-sobrang ehersisyo para sa napapagal na katawan. Gustuhin mang maupo o mahiga, hindi ito puwede sa loob ng pagawaan o sakahan. Ito ang dahilan kung bakit pagdating sa bahay ay basta na lang sasalampak sa upuan o kama para mabawi ang pahingang ipinagkakait ng among kapitalista o panginoong maylupa.

May kontradiksiyon sa ginagawang sakripisyo dahil nagbubunga ito ng marami pang sakripisyo. Ang dapat na ginhawa sa buhay ay nagiging habambuhay na pagkatali sa oras kapalit ng katiting na kita. Ang pagtatrabahong dapat ay nakabubuti sa kalusugan ay siya pang sanhi ng pagbagsak ng katawan. Walang pahingang pagtayo, natutuyong pawis sa katawan, pagpasok sa pagawaan o pagpunta sa sakahan nang hindi kumakain, kawalan ng sapat na pahinga o tulog bago sumabak sa gawain – maraming dahilan kung bakit bumibigay ang katawan ng mga kawawang manggagawa’t magsasaka.

Pero tulad ng nakasaad sa isang patalastas, bawal magkasakit ang mga indibidwal na kailangang bumuhay ng pamilya! Dapat silang handang magtiis, dapat nilang yakapin ang esensiya ng sakripisyo.

Pagtitiis at pagsasakripisyo. Hanggang kailan tatagal ang sitwasyong ito? Paano matutugunan ang tila walang-katapusang pagkakasadlak? Ano pa ang puwedeng gawin bukod sa patuloy na pagtayo kapalit ng kakarampot na kita?

Lumalabas na hindi lang sapat ang pagtayo. Kailangan din ang pagtindig. Hindi dapat maging alipin ang nakararaming mamamayan sa ninanais ng iilang nasa kapangyarihan. Ang esensiya ng makabuluhang pagtayo ay ang malinaw na paninindigan laban sa kaayusang hindi nagbibigay ng ginhawa.

Totoo man ang diskurso ng pagtayo bilang ehersisyo, mas makabuluhang diskurso ang manindigan para lumaban. Sa kontekstong ito, mainam na basahin ito nang nakatayo para ang kawalan ng ginhawa’y magtulak sa mas malinaw na tindig. Dito lang natin makakamit ang literal na paglakad o pagtakbo bilang malalim na pagkilos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.