Tag Archives: celebration

Ginintuang Kinabukasan ng UP CMC (pambungad na pananalita)

Ito ang pambungad na pananalita ni Kawaksing Dekano Danilo Arao sa paglulunsad ng ginintuang selebrasyon ng UP College of Mass Communication noong Agosto 20, 2014 sa auditorium ng Plaridel Hall, UP Diliman, Quezon City.

Ginintuang Kinabukasan ng UP CMC
Pambungad na Pananalita

Danilo A. Arao
Agosto 20, 2014

CMC at 50 logo (19 May 2014)Isa pong mapagpalayang pagbati mula sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla! Ang ating kolehiyo ay nagsisilbing pangunahing sentro ng pagtuturo at pagsasanay sa mga alagad ng midya. Ito ay may mahabang tradisyon ng pag-uungkat, pag-uulat at pagmumulat sa mga estudyanteng nagnanais ipalaganap ang katotohanan tungkol sa ating lipunan sa pamamagitan ng brodkast, pananaliksik sa komunikasyon, pelikula at peryodismo.

Kung ibayong paghahanda ang kinakailangan ng mga alagad ng midya sa paghuhubog ng opinyong pampubliko, matinding preparasyon din ang isinasagawa ng ating komunidad para sama-samang ipagdiwang ang isang importanteng pangyayari sa mayaman at makulay na kasaysayan ng ating mahal na kolehiyo. Opo, alam nating sa ika-19 ng Hunyo, 2015 pa ang ating ika-50 anibersaryo. Alam din nating 10 buwan pa bago ang pinakahihintay na ginintuang selebrasyon.

Pero ngayon pa lang, nais na nating ilunsad ang ating pagbubunyi. Ito po ay hindi subhetibong tendensiya ng administrasyon ng kolehiyo kundi obhetibong desisyon para panghawakan ang ginto sa selebrasyon. Sa madaling salita, kinukuha natin ang oportunidad para maipaalala sa mga estudyante sa partikular at sa publiko sa pangkalahatan ang susing papel ng kolehiyo sa pagkakaroon ng midyang malaya’t mapagpalaya na siyang tema ng ating selebrasyon. Nais din nating muling tipunin ang alumni para malaman nila ang pinagbago ng kolehiyo at para makatulong sa mga nais pa nating gawin.

Layunin din nating patuloy na magsilbi hindi lang sa mga estudyanteng nasa kolehiyo kundi sa mas malawak pang publiko. Isang susing proyekto ng ating selebrasyon ang pagsisimula ng pagpapatayo ng Media Resource Center para lalo pang magampanan ng kolehiyo ang nakasaad sa UP Charter of 2008 na kailangang maging public service university at research university ang ating unibersidad. Bagama’t may pagkilala ang komunidad ng midya sa ilang inisyatiba ng kolehiyo tulad ng UP Gawad Plaridel na isasagawa natin sa susunod na linggo at ang Graciano Lopez Jaena Community Journalism Workshop na mangyayari naman sa Oktubre, lubhang kailangan pa rin ang masikhay na sistematisasyon para hindi taunang nagkukumahog sa paghahanap ng pondo at iba pang mga teknikal na bagay.

At malinaw na malinaw ang isa pang praktikal na layunin ng ginintuang selebrasyon. Ang pagkalap ng ginto o pondo sa panahong may limitadong subsidyo sa edukasyon ang gobyerno at kailangan nating lumapit sa ating alumni at iba pang taga-suporta para sa anumang tulong na maibibigay nila. Hindi po ito panlilimos para sa barya dahil milyon-milyon po ang kinakailangan hindi lang para sa Media Resource Center kundi pati na rin sa iba pang pangunahing aktibidad tulad ng pagbibigay ng 50 scholarship para sa mga estudyante, limang professorial chair para sa mga guro at limang award para sa mga kawani at REPS.

1st floorfront perspectiveAyon sa planong isinumite ng UP System Office of the Vice-President for Development, ang halaga ng pagpapatayo ng Media Resource Center ay P257.6 milyon. Batay naman sa aming komputasyon, ang kinakailangang endowment fund para sa mga scholarship, professorial chair at staff at REPS award ay umaabot sa P320.7 milyon. Sa madaling salita, ang matatawag nating “mahiwagang numero” ay P578.3 milyon. Mukhang nakakalula ang ganitong halaga pero isipin lang sana nating ito ay magiging produkto ng ating matagalan at sama-samang pakikibaka. Sisimulan natin ito ngayon pa lang at magpapatuloy kahit matapos ang taong 2015. Sa madaling salita, gagawin lang nating tuntungan ang ginintuang selebrasyon hanggang makamit natin ang kolektibong layunin.

Para sa mga estudyanteng naririto ngayon na patuloy na iginigiit ang pangangailangang dagdagan ang badyet sa edukasyon, malinaw na may bago kayong panawagan sa gobyerno at sa mga alumni natin. P580 milyon para sa mga alagad ng midya.

Mapalad tayong kaisa natin ang administrasyon ng UP System at UP Diliman sa ganitong klaseng misyon, dahil ang tunguhin at mandato ng kolehiyo ay naaayon sa haraya ng ating Pangulo at Tsanselor hinggil sa pagkakaroon ng isang Dakilang Unibersidad o Great University na may pang-akademiko’t operasyonal na kahusayan o academic and operational excellence sa wikang Ingles.

Bilang huling punto, nais nating ulitin na ang ating ginintuang selebrasyon ay higit pa sa simpleng pangangalap ng pondo. Siyempre’y may hindi-masukat na kasiyahan dahil sa mga nakamit na natin sa mga nagdaang dekada. Nakasulat na po ang tinatawag nating golden timeline sa ating souvenir program, pati na ang sanaysay ng ilang alumni noong dekada 60, 70, 80, 90 at bagong milenyo.

Pero tandaan din sana natin ang kalagayan ng ilang alagad ng midya tulad ni Maricon Montajes na estudyante ng UP Film Institute na detenidong politikal mula pa noong Hunyo 2010 sa Taysan, Batangas. Hindi ko na babanggitin ang detalye ng kanyang pagkakaaresto, pero ang kanyang kaso ay hindi kakaiba sa paratang sa dalawa pang taga-UP CMC na bahagi ng tinatawag na Morong 43 na inaresto naman sa Rizal noong Pebrero 2010. Alam nating lahat na pinalaya rin ang Morong 43 noong Disyembre 2010 o matapos ang 10 buwan, at ang isa sa kanila’y piniling ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral dito sa ating kolehiyo at nakapagtapos siya noon lamang Abril.

Sa kontekstong ito natin dapat suriin kung paano magiging mas makabuluhan ang ating ginintuang selebrasyon. Berdugo ang dapat na nabubulok sa bilangguan, hindi ang katulad ni Maricon na kailangan pang ipagpatuloy ang pag-aaral sa loob ng ating pamantasan, kung hindi man ang kanyang pag-aaral sa mas malawak na lipunan.

Tunay na maraming dapat gawin para sa okasyon ng ating ika-50 anibersaryo at kinakailangan ang suporta ng lahat. May malaki ring hamong naghihintay sa susunod na dekano – matatapos na po kasi ang aming termino sa Mayo 2015 – para ipagpatuloy ang makabuluhang nasimulan. Sama-sama po nating ipagdiwang ang makatotohanan at ang makabuluhan. Para sa nais nating ginintuang kinabukasan, kailangan natin ang midyang malaya’t mapagpalaya!

Maraming salamat po!