Tag Archives: code of ethics

Pahaging sa responsableng blogging

N.B. – This was published in the October 23-29, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/pahaging-sa-responsableng-blogging-una-sa-dalawang-bahagi/.

(Una sa dalawang bahagi)

Gaano na ba kalawak ang impluwensiya ng Internet sa Pilipinas? Ayon sa pinakahuling datos ng Internet World Stats, ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng Internet ay umaabot na sa 24 milyon (Hunyo 2009).

Limitado man ang saklaw ng kasalukuyang naaabot ng Internet – 27 porsiyento lang ito ng kabuuang populasyong 88.6 milyon (National Statistics Office, Marso 2007) – hindi pa rin matatawaran ang kapangyarihan nito.

Ayon sa Universal McCann Report Wave 3 (Marso 2008), ang mga Pilipinong araw-araw o isang beses sa dalawang araw na gumagamit ng Internet ay umaabot sa 3.7 milyon. At alam mo bang sa bilang ng mga aktibong gumagamit ng Internet, 3.3 milyon (o 90 porsiyento) ay nagbabasa ng mga blog?

Sa kabila ng limitadong saklaw, lumalaki pa rin ang kapangyarihan ng Internet sa pangkalahatan at ng blogosphere sa partikular. Hindi ako makapaniwala sa isa pang datos na ibinigay ng Universal McCann: Tinatayang 2.3 milyong Pilipino ang may sariling blog!

Pabiro kong nabanggit sa isang pagtitipon ng mga Pilipinong blogger noong Setyembre na baka may kaugnayan ang 2.3 milyong Pilipinong blogger sa kawalan ng trabaho sa bansa. Ayon kasi sa Labor Force Survey noong Hulyo 2009, 2.9 milyong Pilipino ay walang trabaho. Siyempre’y nagtawanan ang marami sa pabiro kong paglalagay ng koneksiyon sa dalawa.

Pero ang tanong sa puntong ito: Ano kaya ang nagtutulak sa milyon-milyong Pilipino para gumawa ng sariling blog? Wala pang malinaw na komprehensibong pag-aaral tungkol sa gawi ng mga Pilipinong blogger. Kung pagbabatayan ang pag-aaral ng Technorati na State of the Blogosphere 2009, lumalabas na ang pagpapahayag at pagbabahagi ng kaalaman ay mga pangunahing dahilan: “Self-expression and sharing expertise continue to be the primary motivations for bloggers, and 70% of all respondents say that personal satisfaction is a way they measure the success of their blog… Blogs continue to be defined in a sense by the personal narrative, with 45% of all respondents (but only 12% of Pros) reporting that they blog about their `personal musings.’”

Totoo kaya ang mga ito sa kaso ng Pilipinas? May limitasyon ang pag-aaral ng Technorati. Kahit na ang survey ay isinagawa sa 50 bansa, ang mga respondent ay mula lang sa Estados Unidos (48 porsiyento), European Union (26 porsiyento), Asya Pasipiko (10 porsiyento) at iba pa (16 porsiyento).

Hindi tuloy nakakagulat na ang pangkabuuang paglalarawan ng Technorati sa isang tipikal na blogger ay hindi masyadong akma sa kondisyon ng Pilipinas. Ayon sa pag-aaral nito, “Overall, bloggers are a highly educated and affluent group. Nearly half of all bloggers we surveyed have earned a graduate degree, and the majority have a household income of $75,000 per year or higher. As blogging is now firmly a part of the mainstream, we see that the average blogger has three or more blogs and has been blogging for two or more years. We are also noticing an ever-increasing overlap between blogging and mainstream media.”

Sa usapin pa lang ng taunang kita ng isang pamilya, madaling sabihing masyadong mataas ang $75,000 o P3.5 milyon bilang karaniwang taunang kita ng pamilya ng mga Pilipinong blogger. Ayon sa 2006 Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng NSO, ang karaniwang taunang kita ng pamilya (average annual family income) ay P173,000 o $3,681. Kahit ang mga pamilyang nabibilang sa 10 porsiyento ng mga nakaaangat sa Pilipinas (10th decile) ay tinatayang P622,000 o $13,324 lang ang karaniwang taunang kita.

Maaaring may bahid ng katotohanan ang karaniwang taunang kitang P173,000 dahil nangangahulugan ito ng buwanang kitang P14,416 para sa isang pamilya. Pero totoo bang mababa sa isang milyong piso ang taunang kita ng mayayamang pamilya sa Pilipinas?

Tulad ng isang peryodista, gusto kong isiping may pagnanais ang isang blogger na mag-imbestiga. Anuman ang katiwalian o iba pang porma ng kamalian sa paligid niya, dapat lang na siya ay magmasid at magtanong, at pagkatapos ay mangalap ng mahahalagang impormasyon at mabilis na mag-blog.

Sa konteksto ng 2006 FIES, mahirap siyempreng paniwalaan ang mga datos tungkol sa karaniwang kita ng Pilipinong pamilyang mayayaman, lalo na sa sitwasyong napakaraming alegasyon ng mga katiwaliang pinagkakakitaan ng mga nasa kapangyarihan. Milyon-milyon ang diumanong naibubulsa dahil sa mga proyektong sila-sila lang ang nakikinabang. Batay din sa mga lumalabas sa midya, ang mga trahedyang kinakaharap ng bansa ngayon ay pinagkakakitaan na.

Pero sa pag-uulat tungkol sa isyu, iresponsable para sa isang peryodista o blogger na sabihing lahat ng mayayamang Pilipino ay tiwali, at lalong maling sabihing ang lahat ng mga nagtatrabaho sa gobyerno ay kasabwat sa mga katiwaliang ginagawa diumano ng mga tauhan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung sakaling ang Pangulo ay kasalukuyang simbolo ng lahat ng mga bagay na mali sa bansang ito, kailangang maging malinaw sa paglalahad ng mahahalagang datos at pangkabuuang konteksto.

Ipinapakita, halimbawa, sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 2009 na 62 porsiyento ng mga Pilipino ay hindi kontento sa kanyang paggampan ng trabaho bilang Pangulo. Maraming malalimang pag-aaral sa loob at labas ng bansa tungkol sa mga katiwalian na siyang pangunahing dahilan kung bakit negatibo ang pagtingin sa kanya ng maraming mamamayan. Pinatunayan ng isang pag-aaral ng Freedom House noong 2007, halimbawa, ang malawakang korupsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan: “Corruption is extensive throughout the Philippine state apparatus, from the lowest to the highest levels. Bribes and extortion seem to be a regular element of the complex connections among bureaucrats, politicians, businessmen, the press, and the public.”

Para sa isang blogger, kailangan ang ibayong pag-iingat sa pagsusuri ng realidad, lalo na’t ginagamit na ng iba pang porma ng midya (print, telebisyon at radyo) ang impormasyong ibinabahagi niya sa publiko. Hindi sapat na sabihing ng isang blogger na siya ay nagsusulat lang para sa kanyang sarili: Ang kanyang blog ay nababasa hindi lang ng iilang kaibigan kundi ng marami pang nais na kumuha ng impormasyon sa isang paksa. Dahil sa mga search engine gaya ng Google at social media gaya ng Facebook, madali nang mahanap ang blog ng isang indibidwal.

Sa konteksto ng pag-iingat, lubhang kailangan ang responsibilidad. May karapatan mang magpahayag ang lahat ng mga blogger sa Pilipinas (at malinaw na nakasaad ito sa Konstitusyon), ang anumang karapatan at kapangyarihang mayroon tayo ay hindi dapat inaabuso. Magiging makabuluhan ang ating kontribusyon sa diskurso ng nangyayari sa lipunan kung responsable nating gagampanan ang proseso ng blogging.

Maraming etikal na pamantayang maaaring pagbatayan ng makabuluhang blogging, at sa katunayan nga’y mayroon nang “A Bloggers’ Code of Ethics” noon pang 2003 na binuo ng Cyberjournalist.net na batay sa “Society of Professional Journalists Code of Ethics.”

Sa puntong ito, hayaan mong ibahagi ko ang aking pagsasalin sa wikang Filipino ng maikling pamantayang inihanda ng Cyberjournalist.net.


ETIKAL NA PAMANTAYAN NG MGA BLOGGER
(Isang pagsasalin ng “A Bloggers’ Code of Ethics
ng Cyberjournalist.net, Abril 15, 2003)

Maging tapat at walang kinikilingan

Ang mga blogger ay dapat na maging tapat at walang kinikilingan sa pagkakalap, pag-uulat at pagsusuri ng impormasyon.

Ang mga blogger ay dapat na:

  • Hindi nangongopya
  • Tukuyin ang pinagmulan ng impormasyon at ibigay ang hyperlink dito (kung posible). Ang publiko ay may karapatang malaman kung ang impormasyong ibinibigay sa kanila ay mapagkakatiwalaan.
  • Siguraduhing ang mga weblog entry, sipi, titulo, larawan at iba pang laman ay hindi nagbibigay ng maling impresyon sa publiko. Ang mga ito ay hindi dapat ginagawang napakasimple ang realidad o nagbibigay ng maling konteksto.
  • Huwag baguhin ang nilalaman ng mga larawan nang hindi inaamin ang mga ito sa publiko. Ang anumang pagpapaganda ng larawan ay katanggap-tanggap lang kung ito ay para sa teknikal na kalinawan (technical clarity). Ang mga montage at ilustrasyong binubuo ng mga larawan ay dapat na may kaukulang titulo.
  • Huwag maglabas ng impormasyong hindi totoo – at kung maglalabas ng impormasyong hindi beripikado, maging malinaw na may pagdududa rito.
  • Pag-ibahin ang pagtataguyod ng isyu, pagbibigay ng komentaryo at simpleng paglalahad ng datos. Kahit ang pagtataguyod ng isang isyu at pagbibigay ng komentaryo ay dapat na hindi nagbibigay ng maling impormasyon o konteksto.
  • Ihiwalay ang pagbibigay ng datos at komentaryo sa mga patalastas at huwag mag-blog sa paraang hindi na makita ang kaibahan sa dalawa.

Bawasan ang pinsala

Ang mga etikal na blogger ay binibigyang-galang ang mga taong pinagkukunan ng impormasyon.

Ang mga blogger ay dapat na

  • Magpakita ng pag-intindi sa mga taong maaaring sobrang maapektuhan ng anumang nilalaman ng isang webog. Gumamit ng espesyal na sensibilidad kung tinatalakay ang mga isyung may kinalaman sa mga bata o kumukuha ng impormasyon mula sa mga taong walang-karanasan.
  • Maging sensitibo kung humihiling ng panayam o kumukuha ng larawan ng mga taong apektado ng trahedya o nagdadalamhati.
  • Kilalaning ang pagkakalap o pag-uulat ng impormasyon ay maaaring magresulta sa pinsala o pagkabalisa. Ang pagkuha ng impormasyon ay hindi lisensiya para maging arogante.
  • Kilalaning ang mga pribadong indibidwal ay mas may malaking karapatang huwag magbigay ng impormasyon tungkol sa kanila kumpara sa mga opisyal ng gobyerno o iba pang nagnanais ng kapangyarihan, impluwensiya o atensiyon. Tanging ang malaking pangangailangan ng publiko para sa impormasyon ay nagbibigay-dahilan para panghimasukan ang pribadong buhay ng isang tao.
  • Magpakita ng kagandahang-asal. Iwasan ang pagpatol sa kagila-gilalas na pampublikong pang-uusyoso. Maging maingat sa pagbibigay ng tunay na pangalan ng mga batang suspek sa krimen, mga biktima ng panggagahasa at iba pang katulad na krimen, at iba pang mga suspek ng krimen bago ang pormal na paghahain ng kaso.

Magkaroon ng pananagutan

Ang mga blogger ay dapat na

  • Aminin ang anumang kamalian at mabilis na iwasto ang mga ito.
  • Ipaliwanag ang misyon ng bawat weblog at hikayatin ang publiko sa palitan ng kuro-kuro hinggil sa nilalaman nito at asal ng mga blogger.
  • Ibunyag ang mga nagtutunggaling interes, pagiging miyembro ng anumang organisasyon, mga aktibidad at personal na adyenda.
  • Huwag paboran ang mga naglalagay ng patalastas sa blog at iba pang grupo at labanan ang anumang pamimilit na baguhin ang nilalaman ng blog para maging pabor sa kanila. Pero kung sakaling gagawin ito, ibunyag ito nang buo sa mga mambabasa.
  • Maging maingat sa mga taong nais magbigay ng impormasyon kapalit ng ilang pabor. Kung tatanggapin ang kanilang impormasyon, kailangang ilahad ang mga nasabing pabor.
  • Ilantad ang mga hindi-etikal na gawi ng iba pang blogger.
  • Sumunod sa parehong mataas na pamantayang itinatakda para sa iba.

Naalala ko ang nabanggit na pamantayan sa responsableng blogging matapos kong basahin ang isang artikulo noong Oktubre 21 sa Blog ni Ella na ibinahagi ang nakita ng awtor na anomalya sa Department of Social Work and Development (DSWD). Patago siyang kumuha ng mga larawan sa loob ng DSWD warehouse bilang patunay sa paratang niyang hindi naibabahagi ang relief goods na lubhang kinakailangan ng mga biktima ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Mabilis na kumalat ang nasabing artikulo at nakadagdag pa sa kontrobersiya ang pansamantalang pagkaka-block ng kanyang website noong Oktubre 23.

Tulad ng inaasahan, iniulat ng mga peryodista ang impormasyong ibinahagi ni Ella at sinubukang kunin ang panig ng DSWD. Sa puntong ito, napilitang magbigay ng pahayag ang DSWD para pabulaanan ang mga akusasyon. Mabilis namang ipinagtanggol at pinuri ng napakaraming blogger at social media user ang ginawa ni Ella. Sa pamamagitan daw niya, muling napatunayan ang kabulukan ng administrasyong Macapagal-Arroyo.

Mainam na suriin nang mabuti ang nakasulat sa nasabing artikulo para malaman kung nakakatulong ba ito sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.

(ITUTULOY)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.