Tag Archives: commencement

Para sa estudyanteng nagtapos nang may karangalan

This was published in Pinoy Weekly (April 27, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/04/para-sa-estudyanteng-nagtapos-nang-may-karangalan/.

May biro sa wikang Ingles tungkol sa dalawang klase ng estudyante: Those who are running for honors and those who are running away from honors. Kung ikaw ay nasa unang klasipikasyon at nagtapos nang may isa o higit pang medalya at sertipiko ng pagkilala, para sa iyo ang sanaysay na ito.

Sa okasyon ng iyong pagtatapos (elementarya, hayskul o kolehiyo), binabati kita. Alam kong pinaghirapan mong makuha ang diplomang nasa iyong kamay. Dagdag na tagumpay ang anumang medalya o sertipikong nagpapatunay ng mahusay na paggampan sa mga gawaing pang-akademiko. Siguradong tuwang-tuwa ang iyong mga mahal sa buhay dahil sa karangalang nakuha mo.

Kumpara sa kolehiyo na ang bilang ng mga summa cum laude, magna cum laude at cum laude ay depende sa dami ng mga estudyanteng umabot sa nakatakdang mataas na grado, iba ang karangalang nakukuha bilang valedictorian, salutatorian o honorable mention sa antas ng elementarya o hayskul. Kadalasan kasing nag-iisa ka lang sa karangalang nabanggit kaya mas nadarama mo ang tagumpay bilang estudyanteng nagtapos sa elementarya o hayskul. Kung gagamitin ang popular na tagline sa isang sikat na pelikula noon (na naging TV series din), “there can be only one.” At sa loob-loob mo, “I am the one!”

Sa wika ng kasalukuyang henerasyon, ikaw na! Ikaw na may matataas na grado. Ikaw na ang mas matalino kumpara sa iba. Sa madaling salita, ikaw na ang bida, sa iyo na nakatutok ang spotlight.

Simple lang ang aking pakiusap sa puntong ito: Ang anumang papuri mula sa mga kamag-anak at kaibigan ay hindi dapat magpalaki sa ulo mo. Ang taas-noong pagmamalaki ay hindi dapat magresulta sa kayabangan. Kailangang manatili ang paa sa lupa dahil ang karangalang nakuha mo ay hindi garantiya ng magandang kinabukasan mo.

Mainam na suriin ang konsepto mo ng “magandang kinabukasan.” Una sa lahat, ano ba ang gusto mong mangyari sa buhay mo? Oo, kinakailangan mong tulungan ang pamilya mo lalo na kung ang magulang at kapatid ay nangangailangan ng pinansiyal na suporta. Pero hindi lahat ay tungkol lang sa pera, hindi ba? Ang pundamental na tanong ay tungkol sa buhay mo, at ang pagkakaroon ng makabuluhang buhay ay hindi dapat sinusukat sa dami ng pera.

Totoong ang pagiging honor student ay nagbubukas ng maraming oportunidad. Nakikita mo na ba ang sarili mong nagtatrabaho sa isang malaking kompanyang nagbibigay sa iyo ng mataas na sahod, bukod pa sa magagandang benepisyo tulad ng libreng pabahay at bagong kotse? Oo, posible ang mga ito para sa mga katulad mo, bagama’t kailangan mo pa ring ipakitang mayroon kang mataas na antas ng propesyonalismo.

At ano bang klaseng “propesyonalismo” ang kinakailangan para makapagtrabaho sa malaking kompanyang nais pasukan? Kung ang kasipagan mo sa gawaing pang-akademiko ay magiging batayan, masasabing nasa iyo ang hinahanap sa isang empleyado – masinop, matiyaga at masunurin.

Pero ang kumita nang malaki lang ba ang gusto mong mangyari sa buhay? O mas gugustuhin mo bang maging makabuluhan ang iyong pagiging honor student? Sa okasyon ng iyong pagtatapos, puwede mong pag-isipan nang malalim kung ang angking kagalingan ba ay handa mong ialay para sa kabutihan ng mas nakararaming naghihirap. Anuman ang iyong kakayahan, mayroon at mayroong espasyo ito para sa mga gawaing hindi mo man pagkakakitaan ay mapapakinabangan naman ng maraming mamamayan.

Madaling sabihin pero mahirap gawin. Malaking sakripisyo ang iyong gagawin kung sakali. Sa halip na mag-aplay sa isang malaking kompanyang handang magbigay sa iyo ng malaking suweldo’t nakakatakam na benepisyo, ang iyong gagawin ay boluntaryong pagsapi sa isang organisasyong nagtataguyod ng kapakanan ng nakararaming mahihirap.

Sa konteksto ng iyong karangalang nakuha bilang masipag na estudyante, kailangan mong baguhin ang iyong pagtingin sa anumang gawaing ginagampanan nang mahusay. Sa bandang huli, malalaman mo kasing hindi kinakailangan ng papuri, parangal o pagkilala. Mas nakapangingibabaw ang pagsisilbi sa bayan at pagsasakripisyo nang walang hinihintay na kapalit.

Oo, kinakailangan mo pa ring kumita para makapagbigay kahit paano sa pamilya pero ang perspektiba’y hindi yumaman. Sa halip na tanggapin ang mga nangyayari sa paligid mo, kinakailangan kang tumulong na baguhin ang kalakaran sa lipunan.

Handa mo bang tanggapin ang hamong puno ng sakripisyo? Sana naman. Dito lang kasi natin masusukat ang tunay na “karangalan” hindi ng iyong pagiging estudyante kundi ng iyong pagkatao.

At kung babalikan ang konsepto ng “magandang kinabukasan” bunga ng iyong pagtatapos nang may karangalan, kailangan mong tandaang ang pagkilos para sa pagbabago ay hindi tungkol sa iyo, kundi sa iba pa. Ang makabuluhang buhay ay nangangahulugan hindi ng personal na pagpapayaman kundi ng politikal na pagtulong sa mga nangangailangan. Isipin mong ang sakripisyo ay kailangang gawin dahil mayroon tayong lipunang kailangang baguhin.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.