Tag Archives: deprivation

Baybayin natin ang kahirapan

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (February 2, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/02/baybayin-natin-ang-kahirapan/.

Sa ating paglabas sa pinagmulan para makarating sa pupuntahan, maraming imaheng nakikita sa pagbaybay sa mga lansangan – karangyaan at kahirapan, kalinisan at karumihan.

Ang dapat ay mapayapang pagbiyaheng okasyon para ipikit ang mga mata ay nagiging mapagtanong na diskursong okasyon para higit pang imulat hindi lang ang mga mata kundi pati isipan. Nagkakaroon tayo ng pangkalahatang pananaw sa kalagayan ng lipunan habang nakikita ang partikular na sitwasyon ng isang kababayan.

Sa bandang Escolta sa Maynila, napansin ko ang isang lalaking nagbebenta ng mga cauliflower. Batay sa nakapaskil sa harap ng kanyang kariton, nalaman kong ang halaga ng cauliflower ay P20 bawat isa. Pero may isang bagay pang tumatak sa aking isipan, isang imaheng parati ko nang natatandaan. Ang pagbaybay sa produktong ibinibenta ay kakaiba: COLLIE FLOWER.

Hindi kita masisisi kung natatawa ka sa maling pagbaybay ng para sa iyo’y simpleng salita. Pero kung tatanungin mo ang aking reaksiyon, mas marami pang imaheng pumasok sa isipan batay sa pakikipag-ugnayan sa ilang Pilipino at pagkakaroon ng isang konteksto.

Ang unang imahe ay ang nakapaskil sa isang palengke sa aking pagbiyahe noon sa Baguio City. Ang isang babae’y nagbebenta ng strawberry pero ang nakasulat ay STROBERRY.

Ang ikalawang imahe ay ang nakasulat sa papel na inabot sa akin ng mekaniko nang magpagawa ako ng sasakyan. Dahil sira ang power steering ng manibela, ang kailangan ko raw bilhin ay POWER STERING REPER KIT.

Ang ikatlong imahe ay ang nakasulat sa isang dyip na biyaheng Blumentritt-Novaliches. Ano ang maling baybay sa magkabilang bahagi ng dyip? NOVALECHIS.

Huwag mo lang sanang isiping bunga lang ang maling pagbaybay sa limitadong pormal na edukasyon. Totoo namang repleksiyon ito ng mababang pinag-aralan pero higit pa rito ang isyu.

Dahil sa kanilang kinasasadlakan, hindi hamak na mas mahalaga ang kumita para sa pamilya kaysa muling matutuhan ang balarila’t ortograpiya. Ang kanilang araw-araw na pakikibaka sa mga hamon ng buhay ay may praktikal na layuning makapag-ipon ng pambili ng bigas at murang ulam tulad ng tuyo at sardinas. Kung may espesyal na okasyon tulad ng kaarawan, baka puwedeng bumili ng pansit. Hindi na kailangang bumili ng softdrink o juice dahil dagdag-gastos lang ito. Kahit tubig lang ang panulak, puwede na!

Magandang diskurso ang mga katagang “puwede na.” Kapansin-pansing nawawala ang ambisyong umangat sa buhay sa sitwasyong walang oportunidad para makamit ito. Unti-unting namumulat ang maraming mamamayan sa katotohanang sa ilalim ng kasalukuyang kalakaran sa lipunan, iilan lamang ang nakikinabang habang ang karamihan ay pinagkakaitan.

Sa ganitong konteksto nagiging matingkad ang kontradiksiyon sa mga bagay na kaya at hindi kayang gawin ng mahihirap.

Para sa isang nagbebenta ng cauliflower, kayang-kaya niyang makilatis ang pinakasariwa at mabilis na maituturo sa iyo ang pinakamahusay na paraang lutuin ito. Pero sa kanyang pag-uwi, duda ako kung may cauliflower na sangkap sa sardinas na kanyang ipapakain sa kanyang pamilya.

Gayundin ang kaso ng nagbebenta ng strawberry. Duda ako kung nagreregalo siya ng strawberry sa kanyang mga mahal sa buhay dahil hindi niya kayang bilhin ang kanyang mismong ibinebenta.

Sa kaso ng mekanikong hindi kayang magbaybay, huwag maliitin ang kanyang kakayahan dahil tunog pa lang ng makina ay alam na niya ang diperensiya. Pero hindi siya nakikinabang sa kanyang talento dahil ang tanging ginagamit lang niya sa pag-uwi ay lumang bisikleta.

Para naman sa drayber ng dyip na kabisado ang ruta at alam ang lahat ng lulusutan para labanan ang trapiko, pangunahin niyang ginagawa ito para sa mga pasahero kapalit ng pinagsama-samang baryang magiging boundary niya sa isang araw. Sa kanyang paggarahe ng sasakyang hindi naman kanya, asahan ang kanyang paglalakad pauwi o pagsakay sa isa pang dyip para siya naman ang maging pasahero.

Ganito ang pagbaybay na ginagawa ng mahihirap sa literal at matalinhagang kahulugan ng salita. Ang anumang pangako ng pagbabago ng mga nasa kapangyarihan ay nananatiling retorika lamang. Ang paraan ng komunikasyon ay pinapaganda lang kahit na ang mensaheng ipinapalaganap ay taliwas sa polisiya’t programang ipinapatupad.

Wikang Ingles man o Filipino ang midyum na ginagamit, asahan mong tama ang balarila’t ortograpiyang ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno. Pero hindi hamak na mas matapat ang paggampan sa tungkulin ng mahihirap kahit na kapansin-pansin ang kahinaan sa wika, lalo na sa pagbaybay. May panloloko mang ginagawa ang ilang nagbebenta sa palengke, nagkukumpuni ng sasakyan o namamasada sa mga lansangan, hindi ito sistematiko’t malawakan. Sa kaso ng gobyerno, ang mga polisiya’t programang dapat ay nagsisilbi sa interes ng mahihirap ay mas pinakikinabangan ng sinumang nasa kapangyarihan.

Sama-sama nating baybayin ang kahirapan sa ating lipunan para mapansin nang mabuti ang maling pagbaybay sa ating wika. At sa ating pagsasakonteksto ng kahinaan at kinasasadlakan ng maraming mamamayan, makikita natin ang kontradiksiyong nangyayari habang ang mga nasa kapangyarihan ay nagpapasasa at ginagamit ang retorika para mapagtakpan ang katotohanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.