Tag Archives: jesus christ

Pagninilay-nilay sa mga Hudas ng ating buhay

N.B. – This was published in the April 15-21, 2011 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2011/04/pagninilay-nilay-sa-mga-hudas-ng-ating-buhay/.

Semana Santa. Muli nating balikan ang kalbaryo ni Hesus na natapos sa kanyang pagkamatay habang nakapako sa krus. (Hindi na muna ako makikipagdebate sa mga Katolikong nagsasabing patuloy pa rin ang kalbaryo ng kinikilalang diyos dahil sa sanlaksang makasalanan sa mundo.)

Anuman ang iyong relihiyon (at kahit na hindi ka naniniwala sa diyos), may sapat na siyentipikong pag-aaral na magpapatunay na may isang indibidwal mahigit dalawang libong taon na ang nakaraan sa Israel na kumilos para mangaral sa maraming tao. Nagkaroon siya ng mga disipulo na tumulong sa kanyang pagpapalaganap ng sa tingin niya’y mabuting balita ng kaligtasan.

Kung gagamitin ang mga kontemporaryong termino, puwede siyang tawaging aktibista o kahit rebolusyonaryo. Nais kasi ng indibidwal na itong palitan ang “bulok na sistema” ng pananampalataya sa diyos. At dahil tinawag niya ang sariling Hari ng mga Hari, tinagurian siya ng mga nanunungkulan na isang subersibong hindi dapat pamarisan ninuman.

Dahil dito, ginawa siyang ehemplo. Tulad ni Spartacus na namuno sa rebelyon ng mga alipin, ang indibidwal na nagngangalang Hesus ay ipinako sa krus. Ang sinapit nina Spartacus at Hesus ay hindi kakaiba sa mga nahatulang kriminal. Inihanay ang mga kinikilalang bayani at diyos sa mga mamamatay-tao’t magnanakaw na salot sa lipunan. Samantala, ang mga nasa kapangyarihan ay patuloy na nagpahirap sa nakararaming mamamayan at nakinabang sa panlipunang kaayusan.

Pamilyar ang istorya’t tema, hindi po ba? Hindi na kailangan ang Semana Santa para ipaalala sa atin ang mga aral sa buhay ni Kristo. Araw-araw nating nararanasan ang mga ito. Sadyang ang sinumang may magandang intensiyon ay pilit na sinisira ang pangalan. Kung anu-anong akusasyon ang ibinabato sa kumikilos para sa pagbabago. Dahil ang mga ideya’y tila radikal sa pandinig ng mga nakikinabang sa panlipunang kaayusan, ang nagiging tugon ng mga nasa kapangyarihan ay hindi lang basagin ang ideya kundi patahimikin ang tagapagtaguyod nito.

Kung hindi mabibili ang katahimikan ng mga modernong Kristo, sila’y pilit na sinisiraan. Kung anu-anong termino ang ikinakabit sa kanilang mga pangalan – hangal, imoral, terorista, komunista. Sa pamantayan ng mga kapangyarihan, ang mga ito’y walang modo’t walang dangal, kaya lahat sila’y walang karapatan! At kung ayaw dumikit ng mga mapanlait na salita, ang pagdukot o pagpatay ay nagiging susunod na hakbang.

Sa konteksto ng diumanong “daang matuwid” ng kasalukuyang administrasyon, kapansin-pansin ang mahabang bakas ng dugong naiwan ng mga nais tumutol. Patuloy pa rin kasi ang malawakang pagpatay sa hanay hindi lang ng mga aktibista kundi ng mga peryodista. Pula ang kulay ng mga bandilang iwinawagayway sa mga protesta sa kalsada. Pula rin ang kulay na nakikita sa tabi ng mga bangkay na basta na lang iniwan sa mabababaw na hukay .

Kung may mga Kristong kumikilos para sa pagbabago, may mga Hudas namang patuloy na nagtataksil sa mga tao. Sila ang mga sinungaliing na hindi tumutupad sa sinumpaang tungkulin. Sila ang mga magnanakaw na madaling masilaw sa kinang ng pera. Madali silang makumbinsing gumawa ng isang bagay kapalit ng pagkakamal ng hindi-masukat na yaman. Ito ang dahilan kung bakit ang pagpatay ay walang pakundangan.

Walang lugar ang mapayapang pagninilay-nilay sa panahong nagkalat ang mga Hudas sa ating buhay. Hindi lang pangako ang kanilang ipinapako dahil tayo mismo ang napagkakaitan ng makabuluhang pag-asenso. Dahil sa kanilang baluktot na gawi, matinding kalbaryo ang ating pinapasan. Ang ating mga batayang karapatan ay napagkakaitan. Kahit ang simpleng karapatang mabuhay sa mundong ginagalawan ay kailangan pa nating ipaglaban!

Sa panahon ng Semana Santa, mainam na pagnilayan kung ano ang dapat gawin sa mga naglipanang Hudas sa ating lipunan. Papayag ba tayong hayaan ang kanilang pananatili sa kapangyarihan? Maghahanda na ba tayo para sa matagalang paglaban?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.