Tag Archives: petroleum products

Presyo ng langis bilang epekto ng deregulasyon (1)

N.B. – This was published in the January 28-February 3, 2011 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2011/01/presyo-ng-langis-bilang-epekto-ng-deregulasyon-1/.

(Una sa dalawang bahagi)

Motorsiklo man o kotse ang gamit mo, malaking sakit ng ulo ang pabago-bagong presyo ng mga produktong petrolyo. At kahit na wala kang sariling sasakyan, alam mong apektado ka pa rin dahil hindi maiiwasang gumamit ng pampublikong transportasyon para makarating sa iyong destinasyon.

Kung motorista ka, madalas mo sigurong itanong sa sarili mo: “Kailan kaya ako pupunta sa gas station para magpakarga?” At kung commuter ka naman, “Kailan kaya tataas ang pamasahe?” Para naman sa maraming naghihirap na may-bahay, “Paano na ako makapagluluto kapag naubos na ang LPG ko?”

Para sa mga nasa kapangyarihan, hindi na raw maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pati na ang pamasahe sa iba’t ibang porma ng pampublikong transportasyon. Sa ilalim ng deregulasyon, nasa kamay na kasi ng mga kompanya ng langis ang pagtatakda ng sisingilin sa mga nais bumili ng mga produkto nila. Ito raw kasi ang esensya ng malayang kompetisyon – malayang makakapili ang publiko kung saan nila nais bumili.

May sapat na dahilan para batikusin ang mga kompanya ng langis, lalo na’t hindi malinaw na sinasabi ang mga batayan ng pagbabago sa presyo ng mga produkto nito. Kapansin-pansin ang mabilis na pagtataas ng presyo tuwing napapabalita ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan (world market). Pero mas halata ang mabagal na pagbababa ng presyo kapag bumababa naman ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. Madalas na nagtatago sa mga teknikal na termino ang mga opisyal ng mga kompanya ng langis sa kanilang paliwanag sa taumbayan.

Kontento na ang mga opisyal ng gobyernong manawagan sa mga kompanyang maging mas makatao sa kanilang pagnenegosyo. Napabalitang bukas si Pangulong Noynoy Aquino, halimbawa, na gawing buwanan ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo. Siguro’y may iba pang mapanlikhang maiisip ang pamahalaan para daw hindi masyadong maramdaman ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.

Pero anumang panukala o pakiusap ang gawin ng pamahalaan sa mga kompanya ng langis, nakasisiguro lang tayo sa isang bagay: Hindi ibabasura ng pamahalaan ang Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998. Patuloy kasing naniniwala ang mga nasa kapangyarihan na ang deregulasyon ay nakabubuti sa ekonomiya ng bansa.

Paano naman ang nakararaming mahihirap na apektado ng nagtataasang presyo? Sa konteksto ng deregulasyon, nangingibabaw ang subhetibong pananaw na makikinabang ang mamamayan kapag dumami na ang mga kompanyang nagbebenta ng mga parehong produkto. Magreresulta daw kasi ito ng pababaan ng presyo.

Opo, subhetibo ang ganitong pagsusuri dahil patuloy na umaasa ang mga naniniwala sa deregulasyon sa “kabutihan” ng mga kompanyang ang pangunahing layunin ay pataasin ang kita nila. At sa kaso ng downstream oil industry, kailangang tandaang ang mga produktong ibinebenta sa industriyang ito’y kakaiba. Ang gasolina, diesel, kerosene, LPG at iba pang produktong petrolyo ay sinasabing demand inelastic dahil patuloy na bibilhin ang mga ito dahil wala namang iba pang mapagpipilian ang mga tao. Para sa mga drayber ng dyip at taksi, kailangang pumunta sa gas station para magpakarga dahil hindi sila makakabiyahe kung walang diesel o gasolina ang sasakyan nila. Gayundin ang kaso sa mga may-bahay na kailangang bumili ng LPG para makapagluto. Sa madaling salita, kahit na patuloy na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ay hindi mawawalan ng kostumer ang mga kompanya ng langis.

Mahigit isang dekada na ang nakaraan mula nang ipatupad ang deregulasyon. Malinaw ang ebidensiya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Parating argumento ng pamahalaan at ng mga kompanya ng langis na labas sa kanilang kontrol ang nangyayari sa pandaigdigang pamilihan. Pero kahit na totoong may pagtaas ng krudo sa kaso ng mga miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), posible namang magkaroon ng iba pang mapanlikhang paraan para makakuha ng krudo o refined petroleum products, lalo na sa mga bansang hindi miyembro ng OPEC.

Sa ilalim ng deregulasyon, hinahayaan ang mga kompanya ng langis na umangkat ng krudo o refined petroleum products ayon sa kanilang nais na supplier. Walang kontrol ang anumang ahensiya ng pamahalaan sa pag-aangkat, kaya hindi napipili ang mga produktong pinakamurang maibebenta sa mamamayan.

Anong klaseng pamahalaan ang hahayaan ang ganitong sistema? Simple lang po ang sagot: May malaking pakinabang din po kasi ang pamahalaan sa ilalim ng kasalukuyang kalakaran sa downstream oil industry.

(ITUTULOY)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.