Tag Archives: poverty

Pakikibaka sa pagreretiro

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (May 25, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/05/pakikibaka-sa-pagreretiro/.

LUNGSOD TABACO, Albay (Mayo 25, 2013) – Dito ipinanganak at lumaki ang asawa ko. Dito na kami magreretiro.

Kahit na 20 taon pa bago kami umabot sa mandatory retirement age na 65, mainam na maghanda na ngayon pa lang, hindi ba? Limitado man ang pinansiyal na rekurso, kailangan pa ring pag-isipan kung saan titira sa panahon ng pagtanda.

Ang lungsod ng Tabaco ay lohikal na lokasyon. Sa pangkalahatan, mababa ang presyo ng bilihin, walang masyadong trapik, malinis ang hangin at walang polusyon. Wala mang garantiya na mananatiling ganito ang Tabaco hanggang sa aming pagtanda, siguro nama’y hindi ito magiging kapantay ng Maynila sa taas ng bilihin, sobrang trapik, dumi ng hangin at polusyon.

Sana nga naman ay hindi magbago ang Tabaco. Kung hindi’y sayang lang ang mga pinagkakagastusan namin.

Sa kabila ng magastos na pamumuhay sa Metro Manila kung saan kami nagtatrabaho, kahit paano’y nakapag-ipon kami para makabili ng lupa dito sa Tabaco. Hindi ko na babanggitin kung magkano ang aming binayaran at kung gaano kalaki o kaliit ang lupang nabili namin. Sabihin na lang nating ideyal ang lugar para tahimik akong makapagsulat. Para naman sa asawa ko, mainam ang kinalalagyan ng aming nabiling lupa para ipagpatuloy niya ang pagpipinta.

Ilang hakbang lang ang lupa namin mula sa isang eskuwelahan. Kahit na ang klasipikasyon ng lugar ay residential area, posibleng magtayo ng maliit na negosyo tulad ng tindahan dahil hindi ito mawawalan ng parokyano – pauwing estudyante, naghihintay na magulang o sinumang napapadaan. At kung magdesisyon akong ipagpatuloy ang pagtuturo ng peryodismo, posible ko ring ilako ang aking serbisyo sa aming “kapit-bahay.”

Sadyang marami kaming pangarap para sa malayong hinaharap. Pero ngayon pa lang, ginagawa na namin ang anumang makakaya para matupad ito. Ang unang proyekto namin ay ang pagbabakod ng lupa. Sa katunayan, binakuran na namin ito kahit hindi pa lubusang nababayaran ang lupa dahil pumayag naman ang dating may-ari. Pero dahil kulang sa pera, ang bakod ay gawa lamang sa kahoy kaya mabilis na nabulok at nasira.

Ngayong taon, pinilit naming mag-ipon ng pera para gawing mas permanente ang bakod. Inaasahan naming matatapos ang pagsesemento ng paligid ng aming lupa sa susunod na buwan. Pero walang lugar para sa matagalang selebrasyon dahil hindi pa tapos ang pakikibaka. Kailangan pa siyempre naming magpatayo ng bahay! Mas malaking pera ang gagastusin kaya panibagong pag-iipon na naman ang gagawin.

Makakapag-ipon pa kaya kami? Sana naman.

Habang tinitingnan naming mag-asawa ang unti-unting pagtatayo ng bakod sa aming lupa, nararamdaman namin siyempre ang kasiyahan. Produkto kasi ito ng aming metikolosong pagtitipid at matagalang pag-iipon. Kahit paano’y nakikita na ang literal na kongkretong resulta ng aming patuloy na pagtatrabaho.

Madalas kong sabihin sa sarili ko: “Sa wakas, nagkabunga rin ang isang taon kong pagtuturo sa Korea! Buti na lang at sinunod ko ang asawa kong ipunin ang kinita ko sa mga pagsasanay na ginawa ko sa Indonesia!”

At dahil gusto naming direktang pangasiwaan ang pagbabakod, kami na mismo ang nagdisenyo ng bakuran. Sa tulong ng aking bayaw na nakatira sa Tabaco, nakahanap kami ng anim na trabahador. Dahil wala akong masyadong aktibidad sa unibersidad tuwing Abril at Mayo, nakakaya ko pa ang medyo matagal na pananatili sa Tabaco. Ang asawa ko nama’y dumaraan din naman bagama’t mas maikli ang kanyang pagbisita.

Sa mga pagkakataong nasa Tabaco (tulad ngayon habang sinusulat ang sanaysay na ito), ako na mismo ang pumupunta para bumili ng mga coco lumber, concrete hollow block, steel bar, tie wire, semento, boulder, gravel, buhangin, pako, hacksaw blade at marami pang ibang kailangan sa pagtatrabaho. Biro ko nga sa asawa ko, puwede na akong maging kontratista dahil kabisado ko na ang mga presyo ng materyales at alam ko kung saan pinakamurang mamili sa Tabaco. Sa katunayan, nakakakuha na ako ng discount dahil kakilala ko na ang ilang may-ari ng hardware at construction supply.

Sa aking pagninilay-nilay habang kinokompyut ang mga nagastos na at mga gagastusin pa, lumilipad ang aking isip sa Maynilang aking pinagmulan at sa iba pang lugar sa Pilipinas. Puwede bang sabihing “masuwerte” ang mga katulad naming mag-asawang may permanenteng trabaho’t nakakayang makapag-ipon para sa panahon ng pagtanda? Puwede bang sabihing “malas” lang ng iba pang hindi nakakayang makapagplano para sa kanilang hinaharap?

Hindi usapin ng suwerte o malas ang sitwasyon ng maraming mamamayan, lalo na ang mahihirap. Lalong hindi isyu ng kasipagan o katamarang magplano ang ugat ng kinasasadlakan. May mga indibidwal na hindi makapag-ipon dahil sadyang walang sapat na kita ang pamilya. Wala namang lugar ang matagalang pagpaplano sa sitwasyong ang kinakailangan ay makapagpakain ng pamilya sa mismong araw na ito.

At kung ang pamahalaan ay hindi nakakayang pataasin ang sahod at pababain ang presyo ng bilihin, saan pa pupulutin ang manggagawang may mababang kita? Ang tanging pag-asa niyang tumaas ang kita ay makipagsapalaran sa ibang bansa sa mahabang panahon. Makakaya ba niyang tiisin ang kakaibang kultura, klima at estilo ng pagtatrabaho roon? Ang sagot ay oo dahil wala na siyang iba pang magagawa pa.

Sadyang sa lahat ng larangan ay may pakikibaka, pati na sa pagreretiro. Hindi dapat makontento lang sa personal na tagumpay sa pagtitipid. Kailangang ipagpatuloy ang pakikipaglaban para ang lahat ay makikinabang sa kolektibong pinaghirapan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.