Tag Archives: stylebook

Wikang Filipino at makabuluhang peryodismo

N.B. – A journalism student from the University of the Philippines (UP) Diliman who is finishing his undergraduate thesis emailed the following questions on the use of Filipino in media organizations in the Philippines. Allow me to share with you my answers, obviously written in Filipino.

Gaano nakaapekto ang namamayaning tradisyon ng paggamit ng Ingles sa print media sa pagkakatali ng paggamit ng Filipino sa tabloid?

Mahalaga ang epektibong paggamit ng sariling wika sa midya para sa pambansang pagkakaisa at pagbubuo ng pambansang kamalayan. Dahil ang peryodismo sa wikang Filipino ay mas naiuugnay sa tinatawag na “yellow journalism” na makikita sa mga tabloid at ilang programa sa telebisyon, napapababa nito ang pangkalahatang pagtingin sa pambansang wika. Kung iuugnay ito sa polisiya ng pamahalaan (at ilang eskuwelahan) na bigyang prayoridad ang Ingles sa halip na Filipino, hindi na nakakagulat ang pagkakaroon ng mentalidad ng maraming Pilipino, lalo na ang mga nasa kapangyarihan, na mas mainam na matutuhan ang Ingles kaysa Filipino.

Ano ang bentahe at disbentahe ng paggamit ng Filipino sa print at sa kabuuan ng midya?

Kung gagamitin ang sariling wika, mas maiintindihan ng maraming Pilipino ang mensaheng nais ihatid. Makakatulong din ito sa pagbubuo ng pambansang identidad.

Masasabing disbentahe ang paggamit ng sariling wika sa mga dayuhang nais maintindihan ang ating midya. Pero pundamental na usapin kung para kanino ba ang midya ng Pilipinas. Mainam ngang maintindihan tayo ng lahat (Pilipino’t dayuhan) pero kailangang magbigay tayo ng kaukulang prayoridad sa sariling kababayan. Maaaring magkaroon ng kompromisong may ilang seksyon/programa sa midya na gumagamit ng wikang Ingles, pero dapat na nakakapangibabaw ang wikang Filipino.

Nagsagawa kayo ng isang pag-aaral na nangailangan ng pagmo-monitor ng mga newscast sa telebisyon sa isang takdang panahon (eleksiyon, kung di ako nagkakamali). Sa mga programang ito, gaano kasinsin ang paggamit ng Pilipino?

Sa dalawang pag-aaral tungkol sa pagkober ng midya sa eleksiyon noong 2004 at 2007 na kung saan naging bahagi ako, kapansin-pansin ang paggamit ng wikang Filipino sa primetime TV news. Nakatulong ang paggamit ng sariling wika sa pagpapakalat ng impormasyon sa mamamayan. Pero may ilang kahinaan sa pagbibigay ng konteksto at pagpapalalim ng pagsusuri sa mga isyu. Hindi rin masyadong natalakay ang mga plataporma dahil mas binigyang-pansin ang mga personalidad at karakter ng mga kandidato. Sa pangkalahatan, ang paggamit ng wikang Filipino sa midya noong panahong iyon ay kumikiling sa sensasyonal, tsismis at trivia.

Sa print media, ano ang mga obserbasyon ninyo sa paggamit ng wika ng mga mamamahayag sa Filipino?

Mas nagagamit ang wikang Filipino sa mga tabloid na may oryentasyong magbalita lang ng mga tungkol sa krimen, tsismis at trivia. Ang “yellow journalism” na ito ay naipapakalat sa mas maraming Pilipino dahil sa paggamit ng sariling wika, bukod pa sa murang halaga ng isang isyu ng tabloid.

Pero dahil sa mga tabloid na ito, ang opinyong pampubliko tungkol sa peryodismo sa wikang Filipino ay mas naiuugnay lang sa “yellow journalism.” Nakakalungkot na hindi nakikita ang potensyal ng sariling wika sa pagpapataas ng panlipunang diskurso.

Anu-ano ang mga problemang kailangang tugunan, kung pagsusulat sa Filipino ang pag-uusapan?

Pangunahing salik ang oportunidad na maaaring ibigay sa mga peryodistang nais gumamit ng wikang Filipino. Kumpara sa maraming broadsheet at magasing nakasulat sa wikang Ingles, halimbawa, limitado lang kasi ang maaaring pagsulatan sa wikang Filipino. At bagama’t maraming programa sa radyo’t telebisyon na gumagamit ng wikang Filipino, kailangan ding suriin kung paano ginagamit ang sariling wika sa diskusyon ng mga isyu. Kung nagiging mababaw lang, halimbawa, ang pagsusuri at mas binibigyang-pansin ang tsismis at trivia, hindi nakakatulong ang mga programang ito sa pagpapayaman ng sariling wika.

Gaano kalaki ang maitutulong ng isang stylebook para matugunan ang mga suliraning ito?

May malaking maitutulong ang isang stylebook pero mas mahalaga ang oryentasyon ng mismong organisasyong pang-midya. Kung may problema sa huli, magiging bale-wala ang anumang stylebook dahil mapapatibay lang nito ang isang mali.

Sa inyong tingin, gaano kahalaga ang papel ng pagpapalaganap ng masinsing paggamit ng wikang Filipino sa pagbaka sa pamamayani ng paggamit ng Ingles sa print media?

Marami nang pagtatangka noong magkaroon ng broadsheet sa wikang Filipino pero hindi ito nagtatagumpay. Maraming dahilan kung bakit mahirap magkaroon ng isang broadsheet sa wikang Filipino. Una, ang halaga ng broadsheet ay para lang sa mga nasa gitna’t nakatataas na uring mas pamilyar sa wikang Ingles dahil sa klase ng sistema ng edukasyong mayroon ang Pilipinas. Ikalawa, walang lakas ng loob ang mga kapitalistang gumamit ng wikang Filipino dahil hindi ito ang “pormula” para kumita nang malaki sa print media. Ikatlo (at may kaugnayan ito sa ikalawang punto), hindi naman tinitingnan ng mga may-ari ang organisasyong pang-midya bilang instrumento ng pagmumulat kaya wala sa konsepto nila ang papel ng Filipino sa panlipunang diskurso.

Ang stylebook ay para sa Pinoy Weekly. Ano-ano ang mga bagay na maaaring idagdag sa gabay sa istilo bukod sa mga batayang patakaran (hal. sa grammar, ispeling, tambilang, pagbabantas) upang maipakita ang karakter nito at ideal na isinusulong nito?

Kailangang mapatingkad ang kaibahan ng Pinoy Weekly sa iba pang tabloid o organisasyong pang-midya. Para sa mga may-ari ng midya o patnugot na nais gumamit ng wikang Filipino, kailangang malinaw kung bakit nararapat na gawing modelo ang Pinoy Weekly sa pagsusulong ng makabuluhang peryodismo.