Obhetibong Kritisismo: Talumpati sa paglulunsad at libreng download

N.B. – Ito po ang maikling talumpati sa online na paglunlunsad noong Agosto 31, 2020 ng aking librong Obhetibong Kritisismo: Mula Arroyo Hanggang Aquino na inilimbag ng Sentro ng Wikang Filipino-Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Matatagpuan ang download link sa http://swfupdiliman.org/aklatangbayan/.

Ang Obhetibong Kritisismo ay ang ika-anim kong libro ng mga sanaysay sa wikang Filipino. Sa limitadong oras ngayong hapon, babasahin ko na lang ang maikling paliwanag sa Introduksiyon ng libro:

Ang librong ito ay koleksiyon ng limampu’t dalawang sanaysay na sinulat sa buong taon ng 2010 na lumabas sa kolum kong Konteksto sa alternatibong publikasyong Pinoy Weekly. Mainam na balik-balikan ang mga artikulong ito para malaman ang konteksto ng maraming problemang kinakaharap ng bayan, at kung ano ang papel ng pagpapalit ng administrasyong Arroyo at Aquino sa pagresolba sa mga ito.

Maraming isyu kasing sumulpot noong 2010—jejemon, eleksiyon, hostage-taking sa Quirino Grandstand, demolisyon sa Sityo San Roque, pagkaltas sa badyet sa edukasyon, kampanya para sa mas mataas na sahod, paglabag sa karapatang pantao (lalo na ang pagkakakulong ng tinaguriang Morong 43). Kailangan ding tandaang mahalaga ang 2010 dahil panahon ito ng eleksiyon kaya nagkaroon ng pagpapalit ng administrasyon sa kalagitnaan ng nasabing taon.

Bagama’t halos isang dekada na ang lumipas, mahalaga pa ring balik-balikan ang nakaraan para pagnilay-nilayan ang kasalukuyan. Sa ilalim kasi ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kapansin-pansin ang mga problemang paulit-ulit, paikot-ikot, at pabalik-balik. Ang ganitong sitwasyon ang magpapaliwanag kung bakit nananatiling napapanahon ang mga artikulong dapat ay “pinaglumaan” na.

Lahat ng mga isyung ito ay nakapaloob sa pitong kabanatang tumatalakay sa Wika, Midya, Pakikibaka, Estadistika, Eleksiyon, Edukasyon, at Disposisyon.

Kung ang kritisismo ay naglalayong itaas ang antas ng diskurso, lubos na kinakailangang maging obhetibo. Ang pagiging obhetibo kasi ay pamantayan ng responsableng peryodismo.

Bilang pangwakas, gusto kong pasalamatan ang asawa kong si Joy Balean-Arao na siyang nag-isip ng konsepto at disenyo para sa mga inilimbag kong libro. Bukod kay Joy, inspirasyon din sa pagsusulat ang anak kong si Iba Balean Arao na magdiriwang ng ika-limang kaarawan bukas.

Salamat din sa mga kaibigan natin sa Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman sa paglilimbag ng aking libro. Sa huling araw ng Buwan ng Wika, gawin nating makabuluhan ang diskurso sa pamamagitan ng Obhetibong Kritisismo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.