Matapos ang pagsabog

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 41 (October 24-31, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-41/op_ed/ed-6_41_3.htm. By the way, Pinoy Weekly’s next issue will be on November 7.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHabang sinusulat ito, hindi pa alam ang dahilan ng pagsabog noong Biyernes ng hapon sa Glorietta 2 sa lungsod ng Makati. Ang tanging alam lang natin ay umabot na sa 11 ang nasawi sa malagim na insidenteng ito.

Baka matagal pa, kung sakali man, bago natin malaman kung aksidente nga ba ang nangyari o may nagpasabog talaga sa isa sa mga sikat na mall sa bansa.

Dahil sa limitado pa nga ang ating datos, wala pang ebidensiyang may direktang kinalaman ang pamahalaan sa pagpapasabog sa Glorietta 2. Pero sa panahong sadlak sa napakaraming kontrobersiya ang pamahalaan, may malaking bentahe ang trahedyang ito dahil pansamantalang nakatuon ngayon ang atensiyon ng publiko hindi sa sanlaksang kontrobersiya sa Malakanyang kundi sa isang trahedya sa Makati.

Mula noong Sabado, pansamantalang nawala sa banner headline ng mga pahayagan ang balita tungkol sa diumanong panunuhol ng ilang lokal na opisyal sa Malakanyang at ang kontrobersiya hinggil sa proyektong National Broadband Network (NBN). Alam din nating ang impeachment ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay inihahanda na rin, at mukhang sa puntong ito ay hindi na niya maaasahan si House Speaker Jose de Venecia para muling protektahan siya.

Nagkataon man o hindi, ang trahedya sa Makati ay nagbigay ng pagkakataong makapaghanda ng mas epektibong estratehiya ang mga nasa kapangyarihan para mabawasan o tuluyang mawala ang negatibong epekto ng mga nabanggit na kontrobersiya.

Kahit ang nalalapit na eleksiyon sa baranggay at Sangguniang Kabataan (SK) ay tila hindi na napapansin. Ang tanging hiling ng mamamayan sa ngayon ay huwag sana maging magulo ang eleksiyon sa Oktubre 29 para hindi na dumami pa ang nasawi sa buwang ito dahil sa kaguluhan ng ating bansa.

Naiintindihan naman ang ganitong saloobin dahil ayaw nating makakita ng mga eksenang iniiyakan ng mga kamag-anak at kaibigan ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay. Ang anumang malakas na pagsabog sa isang mataong lugar tulad ng mall ay alam nating magreresulta sa ganitong sitwasyon matapos mawala ang usok at makita ang mga nadaganan ng mga gumuhong bakal at bato.

Pero napakarami pang dahilan kung bakit may nasasawi o bigla na lang nawawala. Kung susuriin ang napakaraming insidente ng paglabag sa karapatang pantao, malinaw na napakahaba na ng listahan ng mga pinatay at dinukot. Ayon sa napakaraming imbestigasyon ng mga lokal at internasyonal na grupo, may direktang kinalaman ang pamahalaan, partikular ang militar, sa mga insidenteng ito.

Hindi ito usapin ng 11 namatay sa Glorietta 2 kumpara sa halos 900 pinatay mula 2001 hanggang 2007. Hindi naman batayan ang mataas o mababang bilang ng mga nasawi sa mga partikular na insidente. Kahit ang iisang walang pakundangang pagpatay ay sapat na para singilin ng mamamayan ang mga responsable rito.

Sa puntong ito, hindi dapat ibaon sa limot ang trahedyang nangyari sa Glorietta 2. Pero nararapat lang na isakonteksto kung bakit patuloy ang hindi inaasahang pagkamatay ng mga tao sa paglipas ng panahon.

Nararapat lang talagang mabigyang hustisya ang mga walang pakundangang pagpatay at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao sa napakarami nating kababayan, kahit na ang ating paniningil ay umabot sa mga nakaupo sa kapangyarihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Matapos ang pagsabog”

  1. Sinusuwerte pa rin itong si Gloria, akalain mong sumambulat itong pagsabog upang pansamantalang ma-divert ang atensyon ng bayan sa mga skandalong kinasasangkutan ng kanyang administrasyon.

    Sagot: Tama ka. Kahit na sabihing aksidente talaga ang pagsabog, hindi pa rin maaalis para sa nakararami ang hinalang sinadya ito ng mga nasa kapangyarihan. At ito ay hindi dahil sa paranoia. Malinaw sa napakaraming survey na napakababa na ng kredibilidad ng maraming opisyal ng pamahalaan, lalo na ang Pangulo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.