
N.B. - This was published in Vol. 7, No. 4 (January 30-February 5, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/01/%E2%80%98obhetibong-pagpanig%E2%80%99-ng-mga-mamamahayag. The photograph above, retrieved from The Daily PCIJ blog, is just meant to prove my obvious involvement.

Mahalaga para sa isang mamamahayag na huwag maging bahagi ng balita: Sa pagkober ng isang pangyayari, dapat ay nasa isang tabi lang siya, matamang minamatyagan ang sitwasyon.
Tungkulin kasi ng isang mamamahayag na iulat ang mga pangyayari batay sa kanyang mga nakalap na datos. Kung siya ay bahagi ng balita, siguradong makokompromiso ang kanyang kredibilidad dahil iisipin ng kanyang mga mambabasa, tagapakinig o tagapanood na siya ay hindi obhetibo.
Pero iba na ang pagkakataon ngayon. Kaming mga mamamahayag ay naging bahagi na ng balita dahil sa desisyon naming labanan ang malinaw na pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag.
Hindi man namin kagustuhan ito, itinulak kami ng kasalukuyang sitwasyong hindi na sapat ang simpleng pagsulat lang ng mga pahayag, bagama’t mahalagang gawain pa rin ito. Kinakailangan na ring kumilos para protektahan ang kalayaang ipinaglaban at ipinagbuwis ng buhay ng ating mga ninuno.
Hindi lang isa kundi dalawang kaso ang isinampa namin noong Enero 28. Ang una ay petisyon sa Korte Suprema na hinihiling na pagbawalan ang ilang mga nasa kapangyarihan na patuloy na sikilin ang kalayaan sa pamamahayag, at ang pangalawa ay kasong sibil na nasa Makati Regional Trial Court (RTC). (Kailangang malaman ng mga mambabasa na petitioner ako sa huling kaso.)
Ang aming isinampang kaso sa Makati RTC para sa P10 milyong danyos ay isang hakbang para ihatid ang mensaheng kailangang literal na pagbayaran ng mga awtoridad ang ginawa nilang mga pag-aresto at pagbabanta sa mga mamamahayag.
Napakalaking bagay ng temporary restraining order (TRO) ni Makati Executive Judge Winlove Dumayas na pinagbabawalan sa loob ng 72 oras ang mga awtoridad na mag-aresto ng mga mamamahayag at maglabas ng anumang pahayag laban sa kalayaan sa pamamahayag. Kahit sa napakaikling panahon, sana naman ay sundin ito ng mga nasa kapangyarihan.
Madaling sabihin ng mga pulis at ilang opisyal ng pamahalaan na hindi sila nakikipag-away sa midya, at ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin. Ilang beses na nga nilang sinabing tama lang ang tinagurian nilang “processing” ng mga mamamahayag na nasa loob ng Manila Peninsula noong Nobyembre 29. Hindi ba’t madalas din nilang idiing dapat na sinusunod ng mga mamamahayag ang lahat ng utos ng pulis?
Sa bahagi naman ni Justice Secretary Raul Gonzales, sinabi niyang ang kanyang kontrobersiyal na “advisory” noong Enero 11 ay simpleng paalala lamang na may karampatang parusa ang sinumang lalabag sa kautusan ng mga awtoridad, partikular sa pagkober ng mga sitwasyong tulad ng nangyari sa Manila Peninsula noong Nobyembre 29.
Sa isang “ordinaryong” sitwasyon, totoo namang kailangang sundin ang utos ng mga awtoridad. Pero malinaw na iba ang kalagayan ngayon: Sa konteksto ng pamamahayag, nangyayari ang pagbabanta at intimidasyon para magkaroon ng masunuring mga organisasyong pang-midya. Para sa mga nasa kapangyarihan, kailangang mawala ang mga kritikal na pagsusuri sa nangyayari sa lipunan.
Ang mga kasalukuyang pagbabanta at intimidasyong hinaharap ng mga mamamahayag ay pagpapatuloy lamang ng ipinakitang kawalan ng respeto ng pamahalaan sa ating mga batayang kalayaan nang ipataw ang Proklamasyon 1017 noong Pebrero 2006.
Kung noon ay inakala ng iba na ang mga pahayag ng pamahalaan laban sa kalayaan sa pamamahayag ay dahil wala silang alam tungkol sa huli, ngayon ay malinaw na malinaw na ang kanilang intensiyon ay patahimikin ang mga mamamahayag na patuloy na nagsisiwalat ng katotohanan.
Sa kontekstong ito, maaasahan ang mga mamamahayag na panatilihin pa rin ang pagiging obhetibo sa pagbabalita. Pero sa sitwasyong ginagalawan natin, ang kanilang pagiging obhetibo ay kinakailangang mayroon na silang kinikilingan ngayon, at ito ay ang pagpanig para ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag at ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon.
Ang pagpanig sa kalayaan sa pamamamahayag ay hindi nakokompromiso ang pagiging obhetibo ng isang mamamahayag. Kung tutuusin nga, ang una ay lubos na kinakailangan para epektibong magampanan ang kanyang tungkulin.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
This entry was posted on Wednesday, January 30th, 2008 at 9:51 am and is filed under Konteksto (Pinoy Weekly column), Media, Photos. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.











Sir, may nabasa po akong artikulo tungkol kay Lee Kwan Yew sa TIME Magazine kung saan pahapyaw niyang binatikos ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas. Narito po ang buong artikulo: http://www.time.com/time/asia/covers/501051212/story.html
Alam po nating kontrolado ng pamahalaan ang media sa Singapore at ayon kay Lee Kwan Yew, isa ito sa mga naging dahilan ng kanilang pag-unlad. Ano po ang inyong pananaw dito?
Lester: Una sa lahat, paumanhin sa naantalang pagsagot sa mahalagang tanong mo: Medyo naging abala lang ako sa maraming gawain. Nabasa ko ang artikulong naka-hyperlink at masasabi nating iba ang naging konteksto ng pag-unlad sa Singapore. Kung susuriin ang kasaysayan nito, hinayaan itong umunlad ng Estados Unidos dahil sa pulitikal na away nito sa Malaysia at para maging modelo ito ng isang newly industrialized economy (NIE). Maaari din nating itanong sa ating sarili kung gusto ba natin ang ganitong klaseng pag-unlad: Matindi kasi ang kabayaran sa mga sumusuway sa kahit na hindi makatarungang disiplina tulad ng simpleng pagkukumpol-kumpol ng mga tao sa mga parke. Hindi puwedeng bumatikos sa pamahalaan, at matindi ang busal sa midya. Totoo namang ang kaunlaran ay may matinding kabayaran, pero ito ay hindi pagsikil sa batayang karapatan. Puwedeng umunlad ang bayan habang nirerespeto ang karapatang pantao lalo ng nakararaming mahihirap.
Sir, maraming salamat po sa inyong reaksyon sa nasabing artikulo. Noon po kasing unang nabasa ko ang pagbabatikos ni Lee Kwan Yew sa kalayaan sa pamamahayag sa ating bansa, napaisip ako na baka tama nga siya. Siguro ang kanyang pinanggagalingan ay ang kulturang propagandista ng mga komunistang bansa.
Dito po sa Vietnam kung saan ako kasalukuyang nakadestino, napabilib ako sa propaganda sa media at sa publiko na ginawa ng bansa para supilin ang pagpasok ng mga Amerikano sa kanilang bansa noong panahon ng Vietnam War. Marami silang mga slogan at poster na talagang namang nakakapagpaalab ng puso ng taong-bayan. At dahil dito, nagawa nilang talunin ang isang superpower.
Pero pasalamat na rin ako at lumaki ako sa bansang liberal at nagbibigay-galang sa karapatan ng mga mamamahayag. Mas naging bukas ang aking isip sa iba’t ibang pananaw ng mga tao. Ganon pa man, nais ko ring sanang hilingin na kasabay sana ng pagkakaroon ng malayang pamamahayag, ay magkaroon din ng kaakibat na pagturo sa ‘ting mga kabataan sa eskwelahan ng mga tamang paraan ng pagiging kritikal at mulat sa mga pagbabalita at paglalahad ng opinyon ng mga mamamahayag at peryodista.
Mabuhay po kayo!
Lester