Pangako sa aming magiging anak

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 16 (April 30-May 6, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/cms/2008/04/pangako-sa-aming-magiging-anak.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay matindi mang kalungkutan sa bawat trahedya, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.

Hanggang ngayon, malaking emosyonal na bagahe para sa amin ni Joy ang pagkawala ng sana’y una naming anak noong Mayo 3, 2005, eksaktong isang taon ang nakalipas nang pumunta si Joy sa aking opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) para magkita kami sa unang pagkakataon. (Isa ring pambihirang pagkakataon na ang Mayo 3 ay World Press Freedom Day!)

Sabi ng doktor, ectopic pregnancy daw ang dahilan at kinailangan ang madaliang operasyon ni Joy. Ito pala ang dahilan ng kanyang panaka-nakang pagsakit ng tiyan sa una’t ikalawang buwan ng pagbubuntis na akala namin ay normal lang.

Kung anong ligaya ang nadama namin noong malaman naming positibo ang resulta sa binili niyang pregnancy test kit ay siya namang lungkot namin pagkatapos ng operasyon. Sa sobrang depresyon, hindi na namin inalam pa kung saan inilibing ang anak naming kinuha sa kanyang sinapupunan nang napakaaga at walang hininga.

Marami sana kaming plano para sa aming magiging anak. May pangako kami sa bawat isa na magiging responsableng magulang at gagawin ang lahat para sa kanya.

Tuturuan ni Joy, halimbawa, ng tama’t mali ang aming anak. Ipapakita rin niya sa kanya ang kahalagahan ng gawaing bahay sa murang edad, isang bagay na hindi ko masyadong nakasanayan noong bata pa ako.

Ikikintal ko naman sa kanyang isipan ang kahalagahan ng pagbabasa, at nangako akong maglalaan ng panahon para lubusan niyang maintindihan ang mga librong ibibigay ko sa kanya.

Pauunlarin namin ang kanyang kaalaman hindi lang sa teorya kundi maging sa praktika. Ibibigay namin sa kanya ang lahat ng oportunidad para mag-aral, hindi lang sa loob ng silid-aralan kundi maging sa labas nito.

Mahusay si Joy sa pagdidisiplina, at sigurado akong magiging masunurin siyang anak. Pero ang pagiging masunurin ay hindi dapat mangahulugan ng bulag na pagtalima sa awtoridad kundi ng kritikal na pagsusuri sa dahilan ng mga kailangan niyang gampanan. Dahil komunikasyon ang aking larangan, malinaw sa usapan namin ni Joy na handa kaming magbigay ng kahit na mahabang paliwanag para maintindihan ng magiging anak namin ang klase ng pagpapalaking pinagdaraanan niya.

Igagalang namin siya tulad ng paggalang niya sa amin. Papagalitan kung kinakailangan, pero pupurihin kung may batayan.

Nasa kanya ang desisyon kung anong larangan ang papasukin niya, bagama’t ipapakita namin ni Joy ang aming magkaibang “mundo” – ako sa pamamahayag at pagtuturo, siya sa pagnenegosyo’t pagbabangko.

Tulad ng iba pang mag-asawang nais na magkaroon ng anak, marami na kaming paghahanda para sa sana’y magiging anak namin: Ang aming bahay sa Marikina ay may dalawang kuwarto, at malinaw na ang isa sa mga ito ay para sa kanya. May motorsiklo’t kotse kami para sa kanyang mas mainam na pagbiyahe. Marami nang halaman sa loob at labas ng bahay para sa kanyang paglanghap ng sariwang hangin.

Kumpleto na sa gamit, anak na lang ang kulang. Patuloy naming hinihintay ang kanyang pagdating.

May matindi mang kalungkutan sa bawat trahedya, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Kailangan nating isiping may katuparan para sa mga taong patuloy na nakikibaka at ginagawa ang lahat para matupad ang kanilang haraya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.