Pakiusap sa mga peryodistang nag-uulat tungkol kay Nicole

N.B. – This was published in the March 20-26, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/03/pakiusap-sa-mga-peryodistang-naguulat-tungkol-kay-nicole.

Salamat sa nangungunang diyaryo ng Pilipinas, alam na ng madla ang tunay na pangala’t mukha ni Nicole na napatunayang ginahasa ni Lance Corporal Daniel Smith noong 2005.

Nagsunuran na ang iba pang peryodista sa pagbibigay ng tunay niyang pangalan kaugnay sa pag-uulat ng kanyang sworn statement noong Marso 12. Isinaad niya sa kanyang pinakahuling pahayag na siya ay nababagabag ng kanyang konsensya dahil sa kanyang testimoniya noon. Ayon sa kanya, hindi na siya sigurado kung ano ang nangyari noong gabi ng Nobyembre 1, 2005 dahil sa kanyang kalasingan noong panahong iyon. Kaugnay nito, pinili ni Nicole na tumanggap ng P100,000 mula kay Smith at pumunta sa Estados Unidos para permanenteng manirahan doon.

Maraming datos na kailangang makuha sa pagsusuri ng mga pinakahuling pangyayari. Hindi ko maubos-maisip kung ano ang kahalagahan ng pagbibigay ng tunay na pangalan ni Nicole sa paghuhubog ng pampublikong opinyon. Hindi ba’t mas mahalaga ang pag-uugnay ng kanyang sworn statement sa panawagang repasuhin o ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) at ang hindi pagsunod ng US embassy sa kautusan ng Korte Suprema na ilipat si Smith sa isang kulungan ng Pilipinas? Tama ba, halimbawa, ang argumento ng Malakanyang na ang pahayag ni Nicole ay makakaapekto sa planong pagrepaso sa VFA? May legal na batayan ba ang patuloy na hindi pagsunod ng US embassy sa Korte Suprema?

Ang tanging halaga ng pagbibigay ng tunay niyang pangalan (gayundin ang paggamit ng kanyang litratong hindi na nakatago ang mukha) ay tuparin ang kuryosidad ng maraming tao kung sino ba siya talaga at kung ano ang hitsura niya. Kung pyudal kang mag-isip, siguro’y gusto mong kilatisin kung bakit ang isang guwapong katulad ni Smith ay nais makipagtalik sa isang katulad ni Nicole. Batay sa kanyang hitsura, siguro’y magkakaroon ka ng ideya kung malandi nga ba siya talaga tulad ng akusasyon ng ilang hindi naniwala sa kanyang naunang pahayag noong 2005 na binaboy siya hindi lang ni Smith kundi ng iba pa niyang mga kapwa Amerikanong sundalo.

Kahit na sabihing maraming may gustong malaman ang tunay niyang pangala’t aktuwal na hitsura, tungkulin ng mga peryodistang protektahan ang mga biktima. Hindi porke’t hiniling ng madla ay pagbibigyan na ng mga peryodista! Sa kaso ni Nicole, ang kanyang sworn statement ay hindi nagbabago sa sitwasyong si Smith ay hinatulan ng korteng nagkasala sa krimen ng panggagahasa. Anuman ang iyong pagtingin kay Nicole, siya ay biktima pa rin sa pamantayan ng ating batas.

Kailangan ding paalalahanan ang midya sa isinasaad ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Ayon sa Section 4 (Confidentiality) ng nasabing batas: “All records pertaining to cases of violence against women and their children including those in the barangay shall be confidential and all public officers and employees and public or private clinics to hospitals shall respect the right to privacy of the victim. Whoever publishes or causes to be published, in any format, the name, address, telephone number, school, business address, employer, or other identifying information of a victim or an immediate family member, without the latter’s consent, shall be liable to the contempt power of the court.

Pero ang mas pundamental na usapin sa peryodismo ay hindi ang isyu ng legalidad ng pagbibigay ng kanyang pangalan. Puwede tayong magtalo kung dapat bang kasuhan ang mga peryodistang nagdesisyong maglabas ng kanyang pangalan, at makakahanap ka ng kakampi kay Justice Secretary Raul Gonzales na naiulat na nagsabi noong Marso 18 na ”Nicole has come out and has signed her name already.” Sinabi rin ng nangungunang diyaryong naglabas ng kanyang pangalan na kinonsulta nito ang abogado’t isang dating punong hukom ng Korte Suprema na nagsabing maaaring gamitin ang tunay na pangalan niya.

Higit pa sa legalidad ng aksyon ay ang etikal na dimensiyon nito. Malinaw na malinaw sa code of ethics ng peryodismo ang pangungusap na ito: ”I shall exercise caution in publishing names of minors and women involved in criminal cases so that they may not unjustly lose their standing in society.”

Sa puntong ito, may pag-iingat ba ang mga naglabas ng tunay na pangalan ni Nicole? Maaari mong ikatwirang sinira niya ang sarili niyang reputasyon sa pamamagitan ng paggawa ng sworn statement, pagtanggap ng P100,000 at pagpunta sa bansa ng mga sinabi niya noong gumahasa sa kanya. Pero bakit kailangan pang dagdagan ang pinagdaraanan niya ngayon, at sino ba tayo para husgahan ang kanyang mga naging desisyon? Alam ba natin ang lahat ng mahahalagang detalye?

Nakalulungkot na sa pag-uulat sa pinagdaraanan ngayon ni Nicole, nakaligtaan na ang kahalagahan ng pagbibigay lamang ng impormasyong makakahubog sa pampublikong opinyon. At kung isasama pa ang malaking kamalian sa paggamit ng ilang salita para ipaliwanag ang kanyang pahayag, talaga namang maiuuntog mo ang ulo mo sa sobrang pagkadismaya.

Anong kamalian ang tinutukoy ko at anong mga salita ang ginamit ng midya? Mainam na basahin mong mabuti ang buong teksto ng sworn statement ni Nicole. Kung gagawin mo ito, ang mensaheng makukuha mo ay malinaw: Sinabi niyang hindi na niya sigurado ngayon kung ano ang nangyari.

Totoong may malaking pagkakaiba ito sa nauna niyang akusasyon na siya ay ginahasa. Pero tama ba ang ilang mga ulat sa midya sa paggamit ng mga salitang ”recant,” ”retract” at iba pang mga kaugnay na termino? Kung susuriin mong mabuti ang teksto ng pahayag ni Nicole, wala ni anumang bahagi ng pahayag na nagsasabing hindi talaga nangyari ang panggagahasa. Ang pagiging hindi sigurado ay hindi sapat para sabihing nag-recant o nag-retract ka na. Ang nangyari lang ay simpleng pagbabago ng isip, kaya mainam para sa mga peryodistang gamitin na lang ang mas neutral na salitang ”change.”

At napag-uusapan na rin lang ang change o pagbabago, talagang maraming kailangang baguhin sa pag-uulat sa midya para makatulong sa pagmumulat ng masa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “Pakiusap sa mga peryodistang nag-uulat tungkol kay Nicole”

  1. Sa ganang akin, dito natin makikita ang schism sa pagitan ng mga hao-siao at ng mga tunay na peryodista.

    Katulad na rin nito ang prinsipyo na natutunan ko sa isa sa mga pagpupulong sa pamahayagang pampaaralan noong hayskul: na ang ilan ay nagsusulat upang ibandila ang kanilang kakayahan sa pagsusulat o makahamig ng pansariling kapakinabangan, samantalang ang ilan ay nagsusulat upang maging daluyan ng pagbabago sa lipunan.

    Sagot: Tama ka. Kailangan talagang baguhin ang oryentasyon ng peryodismo sa Pilipinas.

  2. Lubhang nakakabigla nga ang paghahayag ng midya na nagmula pa mismo sa isang malaking pahayagan.

    Para bang nakalimutan na may ethics na dapat sinusunod at pinagbabatayan sa bawat hakbang na gagawin sa pag-uulat.

    Para sa mag-aaral ng peryodismong katulad ko, nakakabahala na mismong mga taga-midya na mismo ang lumalabag sa ethics na itinuturo sa amin sa paaralan. Ngunit sa tingin ko ay magsisilbi itong leksyon sa amin na maging mas sensitibo at maging maingat sa aming pag-uulat.

    Higit sa lahat ay isa itong paalala sa aming mga mag-aaral na dapat pag-igtingin ang pag-uphold ng ethical, professional at maging legal standards sa peryodismo.

    Sagot: Salamat sa komento. Nakakalungkot ding isiping nagsunuran ang iba pang peryodista, dahil lang sinimulan ito ng isa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.