Eleksiyon, midya at black propaganda

N.B. – This was published in the April 23-29, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/04/eleksiyon-midya-at-black-propaganda/.

Habang papalapit ang Mayo 10, paparami naman ang batuhan ng putik (mudslinging) ng iba’t ibang magkakatunggali sa eleksiyon.

Sa konteksto ng kampanya, isang estratehiya ang paninirang-puri para umangat ang nag-aakusa at bumaba naman ang kanyang inaakusahan. Pero kung hindi epektibo ang mudslinging, maaaring makakuha ng simpatiya ang biktima at mapasama ang nambabato ng putik.

Para sa maraming kritikal na botante, hindi sila masisisi kung magsuspetsa silang ang ilang insidente ng negatibong publisidad ng isang kandidato ay hindi mula sa kanyang katunggali kundi ibinato niya sa kanyang sarili (self-inflicted), bagama’t sa paraang mapanlikha’t mapanlinlang. Simple lang naman ang dahilan nito: Madaling makakuha ng simpatiya sa mga botante kung epektibong masasagot ang isang walang-batayang paratang. At siyempre pa, ang mahusay na pagtugon ay magagawa lang kung kasama sa paghahanda ang paggawa ng akusasyong ibabato sa sarili.

Madali namang malaman kung ang isang insidente ng pulitikal na mudslinging ay self-inflicted. Madaling pabulaanan ang isang akusasyon dahil nakahanda ang mga testigong humarap sa midya, pati na rin ang mga dokumentong maglilinis sa pangalan. Ang kawalan ng batayan ng isang akusasyon ay natatapatan ng sanlaksang ebidensiya para pabulaanan ito. Sa loob ng maikling panahon, nakakaya ng isang pulitikal na partidong mag-organisa ng press conference, magsulat ng mga pahayag sa midya at magbigay ng panayam sa halos lahat ng mga publikasyon at network, lalo na sa telebisyon.

Ibang-iba ang batuhan ng putik sa pagsasagawa ng makabuluhang kritisismo sa katunggali. Ang isang kandidato ay may karapatang batikusin ang plataporma ng kanyang kalaban sa pulitika para malaman ng mga botante ang paninindigan hindi lang ng nasabing kalaban kundi ng mismong nagbibigay ng puna. Kung intelihente lang ang palitan ng opinyon, mas magkakaroon ang mga botante ng batayan sa kanilang pagpili ng kandidato sa darating na eleksiyon.

Bagama’t kapuri-puri ang ginagawa ng maraming organisasyong pang-midya para alamin ang paninindigan ng mga kandidato sa mga isyu, minsa’y magtataka ka pa rin kung bakit pinalulusot ang maraming balitang bahagi ng tinatawag na black propaganda ng iba’t ibang partido. May diperensiya daw sa pag-iisip ang isang kandidato sa Pangulo, pero hindi naman malinaw ang ebidensiyang ibinigay. Inorganisa raw ng katunggaling partido ang isang press conference ng isang katulong na minaltrato diumano ng asawa ng isang kandidato halos isang dekada na ang nakaraan, at wala naman siyang bagong sinabi.

Ang pulitikal na mudslinging ay pangunahing elemento ng black propaganda. Wala itong iba pang layunin kundi ang maitim na balak na siraan ang sinumang katunggali. Ang mga akusasyon ay kadalasang walang malinaw na ebidensiya o batay lang sa mga datos na binigyan ng makasariling interpretasyon.

May dahilan para magsuspetsa ang maraming Pilipinong ang ilang pulitikal na mudslinging ay self-inflicted lang at ang tanging layunin ay lalo pang lumakas ang simpatiya sa mga kandidato ng partido. Pero ang mas pangunahing usapin ay kung bakit nagiging bahagi ang mga ito ng pang-araw-araw na balita. Kailangang tandaang hindi tungkulin ng mga peryodistang iulat lahat ng sinasabi ng mga kandidato, dahil responsibilidad nilang tukuyin ang impormasyong makakatulong sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Sa madaling salita, may obligasyon ang peryodistang pag-ibahin ang black propaganda sa lehitimong balita at iulat lamang ang huli.

Simple lang po ang tanong sa puntong ito: May benepisyo ba ang taumbayang malaman, halimbawa, ang pagmamaltrato diumano ng asawa ng isang kandidato na napatunayan naman ng korteng walang batayan halos sampung taon na ang lumipas? Nakakatulong ba sa paghuhubog ng opinyong pampubliko ang akusasyong nagkaroon noon ng psychiatric treatment ang isang kandidato sa Pangulo pero walang ebidensiyang magpapatunay sa insidenteng ito?

May mahalagang papel ang midya sa pagtatanggal ng black propaganda, panahon man ng eleksiyon o hindi. Kung magkakaisa lang ang lahat ng organisasyong pang-midya na huwag patulan ang mga walang-batayang akusasyon, magkakaroon na ng malaking pakinabang ang mamamayan.

Pero hindi lang ito responsibilidad ng newsroom kundi ng mga departamentong may kinalaman sa pagtanggap ng mga patalastas. Kung nais ng isang partidong maglabas ng isang pulitikal na patalastas (political advertisement), kailangang siguraduhing ang anumang kritisismo sa mga katunggali ay batay sa mga datos at hindi sa haka-haka, spekulasyon o tsismis.

Sa panahon ng eleksiyon, kailangang idiing may karapatan ang mga organisasyong pang-midyang tutulan ang anumang patalastas na hindi nakakatulong sa pagbibigay ng karampatang impormasyon sa mga botante. Nangangahulugan man ito ng kawalan ng kita, hindi ba’t mas nakapangingibabaw dapat ang pangunahing responsibilidad ng paghuhubog ng opinyong pampubliko?

Halatang-halata ang pulitikal na mudslinging ng mga tumatakbo bilang Pangulo – alegasyon ng korupsyon, hindi-maipaliwanag na yaman, pag-abuso sa kapangyarihan at kahit kawalan ng matinong pag-iisip. Alin sa mga ito ang black propaganda at lehitimong akusasyon ng isang panig?

Sa panahong pinapatulan pa rin ng midya ang pag-uulat ng black propaganda, tungkulin ng mga botanteng maging kritikal sa lahat ng impormasyong nakukuha. At habang pinag-iisipan ang mga karapat-dapat iboto sa darating na halalan, hindi pa huli ang lahat para singilin ng mga botante ang midya sa mga halatang pagkukulang.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.