Para sa manggagawang nakikibaka

N.B. – This was published in the April 30-May 6, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/04/para-sa-manggagawang-nakikibaka/.

Bida ka man tuwing Mayo Uno, alipin ka pa rin ng iyong amo. Ito ang dahilan kung bakit ang “pagkilos” ay nasa iyong bokabularyo.

Sadyang mahirap ang buhay ng katulad mo, isang indibidwal na “kumikilos” habang nagtatrabaho. Ang huli’y para sa kinakailangang suweldo, ang una’y para sa ninanais na pagbabago. May mga mahal sa buhay na hindi alam ang “pagkilos” at hindi nauunawaan ang kahalagahan nito. Anuman ang iyong paliwanag, asahan mong ipagpipilitan nilang mas mainam na isipin ang problema ng pamilya kaysa buong bansa. Mas mahalaga raw kasi ang personal kaysa pulitikal.

Masyadong malaki’t komplikado raw ang problema ng Pilipinas para sa ordinaryong mamamayang katulad mong walang impluwensiya’t kapangyarihan. Kung gusto mo raw makamit ang ninanais na pagbabago, dalawang bagay ang maaari mong gawin: (1) Kumuha ka ng posisyon sa gobyerno; o (2) sumakay ng eroplanong paalis sa bansang ito! Anuman ang gawin mo sa dalawang ito, malaki ang posibilidad ng mataas na suweldo, basta’t kaya mong sikmurain ang kultura ng kurakot sa una at kultura ng dayuhang pang-aalipin sa ikalawa.

Pero dahil wala sa plano mong magpayaman, pinili mo ang landas ng mga butas ang bulsa. Sa iyong pagkilos para sa pagbabago, hindi ka na nga nababayaran, minsa’y abonado ka pa. Ang kakarampot mong kinikita sa iyong trabaho ay nababawasan para lang tustusan ang mahahalagang gawaing kailangang maipatupad. “Sige, ako na lang,” ang mabilis mong tugon para magpaluwal ng kinakailangang pera para sa organisasyon.

Sigurado akong hindi mo inililista ang lahat ng nagastos mo, isang bagay na mahirap maintindihan ng ibang hindi mulat sa pagkilos. Kabaliwan para sa kanilang huwag maningil sa pinaniniwalaan nilang “utang” sa iyo. Para sa mga hindi nakakaintindi, malamang na ang lahat ay umiinog lang sa isyu ng pera: Kung hindi ka kikita, bakit mo pa ginagawa?

Bunga ng mataas na antas ng iyong pagkamulat, napapangiti ka na lang sa kantiyaw ng mga kaibiga’t kakilala, lalo na’t may laman ang kanilang biro tungkol sa kawalan mo ng “ambisyon” sa buhay. “Matanda ka na para maging aktibista! Ipaubaya mo na lang ang pagmamartsa sa mga bata.”

Paano mo ba ipapaliwanag ang mga nilalabanan mong “-ismo” kung ang karerismo ay positibo para sa kanila? Pero nakikita mo ang kahalagahan ng pagkukumbinsi sa kanilang tama ang iyong ginagawa. Kaya nga hindi ka nagsasawang makipag-ugnayan at makipagkuwentuhan. Kahit na alam mong ang iba sa kanila’y sarado na ang pag-iisip, hinahabaan mo ang iyong pasensiya sa pagpapaliwanag sa kanila. Para sa iyo, walang oras na naaaksaya dahil bahagi ito ng iyong pagkilos. Malaking tagumpay na para sa iyo kung mapapakilos mo kahit isa lang sa mga dating walang pakialam.

Kung sabagay, doon ka rin naman nagsimula: Isang ordinaryong manggagawang may simpleng ambisyon sa buhay: Mapag-aral ang mga anak, magpatayo ng kahit maliit na bahay, magkaroon ng kaunting ipon para maging komportable ang buhay sa pagtanda, kasama ang mahal na asawa. Matapos ang walong oras na pagtatrabaho, mistulang paraiso na noon ang pag-uwi sa maliit na bahay at pag-inom ng tubig na pansamantalang nagbibigay-ginhawa sa pagod na katawan.

Malamang na pamilya mo lang ang iniisip mo noon, hanggang namulat ka sa panlipunang katotohanan at biglang nag-iba ang pagtingin mo sa iyong personal na buhay. Maraming dahilan ng pagkamulat ng manggagawang katulad mo: Pagkakatanggal sa trabaho nang walang batayan, pakikipag-away sa may-ari ng pinagtatrabahuan o pakikipag-usap sa kapwa manggagawang may mataas na kamulatan. O puwede rin namang ang simpleng dahilan ay ang iyong masusing pagbabasa, panonood o pakikinig sa mga balita. Hindi nagtagal, ang iyong pagsusuri’y naging kritikal!

Anuman ang dahilan ng iyong pagkamulat, masaya ka na sa iyong mundong ginagalawan. Ang mga kapwa mo kumikilos ay hindi lang simpleng kaibigan o kakilala kundi mga “kasama.” May malalim na kahulugan ang huli, dahil alam mong hindi ka iiwanan ng marami sa kanila at kahit kaila’y hindi ka nila pababayaan. Hindi man nila matugunan ang iyong pinansiyal na pangangailangan, ramdam na ramdam mo ang iba pang klase ng suportang handa nilang ibigay – ang anumang mayroon sila’y walang pagdadalawang-isip na ipapahiram o ibibigay sa iyo, ang anumang problema mo’y tutulungan kang payuhan o tugunan.

Pero ang iyong pagkilos ay hindi lang dahil sa mga nakakasalamuhang tao, kundi sa mga prinsipyong naisapuso. Patuloy ang iyong pag-aaral at pagsusuri dahil kailangan mong magpalalim. Paano mo nga naman mapaghuhusay ang iyong pagkilos kung hindi mo lubusang naiintindihan ang mundong ginagalawan mo? Kung noong estudyante ka’y wala kang masyadong panahon sa pagbabasa, ngayo’y ordinaryo na sa iyo ang pagsusunog ng kilay para maintindihan ang mahahalagang babasahin. Masasabing isang kontradiksiyon ang iyong sitwasyon ngayon: Nalaman mo ang kahalagahan ng edukasyon ngayong nasa labas ka na ng eskuwelahan.

Ang simpleng buhay mo noon ay may simpleng kaligayahan ng pakikipaghawak-kamay sa mahal na kabiyak. Bagama’t nariyan pa rin ang ligaya ng paghawak sa kamay ng asawa, nakikita mo ang malalim na kahalagahan ng pagkapit-bisig sa mga kapwa manggagawa at iba pang inaaping sektor ng lipunan. Ibang antas ng pag-ibig ang nararamdaman mo para sa bayan, kaya handa mong gawin ang lahat para makamit ang ipinaglalaban, isang bagay na gusto mong maiparamdam at maintindihan ng iba pa.

Bida ka man tuwing Mayo Uno, alam mong ang pagkilos ay walang hinihintay na gantimpala. Para sa mga katulad mong nakikibaka, sapat na ang magkaroon ng simbolikong protesta sa araw na ito. Sa mga susunod pang araw, alam mong marami pang kailangang gawin. Nakakapagod mang buhay ang iyong pinili, alam mong tama ang iyong pagsali.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.