Para kay Tessa

N.B. – This was published in the September 17-23, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/09/para-kay-tessa/.

Hindi po tayo magkakilala at hindi ko alam ang iyong pinagdaraanan. Hindi tulad ng iba, wala po akong karapatang maghusga.

Hindi ko sasabihing ikaw ay aking naiintindihan dahil kahit ako’y naguguluhan. Lalong hindi ko sasabihing wala kang pagkukulang dahil alam mo, tulad ng iba pa, ang bigat ng kasalanang nagawa mo.

Nanganak ka sa loob ng eroplano’t natagpuan ang sanggol sa loob ng basurahan noong Setyembre 12. Galing ka raw sa Bahrain. Tulad ng kuwento ng marami pang overseas Filipino worker (OFW), nagtrabaho ka raw bilang katulong sa Qatar. At kung paniniwalaan ang salaysay ni Rep. Lani Mercado, sinabi mo raw sa kanya na ikaw ay ginahasa ng iyong amo.

Dahil hindi ako babae, hindi ko alam kung saan ka nakakuha ng sapat na lakas para manganak nang mag-isa, at sa loob pa ng palikuran ng eroplano. Tanging ikaw lang ang makapagsasabi kung ano ang nasa isip mo sa panahong nasa loob ka ng palikuran at mag-isa kang nagninilay-nilay tungkol sa iyong kalagayan. Ano kaya ang iisipin ng asawa kong naiwan sa Pilipinas? May pamilya pa kaya akong babalikan kung dala ko ang sanggol na aking isinilang? May mukha pa kaya akong ihaharap sa mga kaibigan kung alam nila ang aking kinahinatnan?

Malamang na marami ka pang tanong. Magulo ang iyong isip. Nadarama mo, noong panahong iyon, ang desperasyon ng isang biktima ng karahasan. Sinisisi mo ba ang iyong amo? O sinisisi mo ba ang iyong sarili? Kung may mga kamag-anak o kaibigan kang nagpilit sa iyong mangibang-bayan, sila kaya ang dapat na pagbuntunan ng sisi?

Sa gitna ng paghahanap sa sarili’t pag-iisip kung ano ang dapat mangyari, may isang inosenteng buhay na naging biktima ng iyong pinagdaanan – si Baby George Francis (pansamantalang pangalan niya). Tinanggal siya sa basurahan, nilinisan at kasalukuyang inaalagaan. Gusto kong isiping nasa mabuti siyang kamay hindi lang dahil sa direktang nakialam na ang Department of Social Work and Development (DSWD) kundi dahil sa pambansang atensiyong nakuha ng bata.

Kahti na ano pa ang isipin ng mga taong mabilis humusga sa ginawa mo, alam kong walang inang makakatiis sa sariling anak. Hindi na ako magugulat kung sa mga sumunod na araw ay nagsisi ka sa ginawa mo kay Baby George Francis. Siguro’y hindi ka noon makatulog at makakain, at magdamag kang binagabag ng iyong konsensiya. At kapag tinatanong ka ng mga mahal mo sa buhay kung ano ang iyong problema, iiling ka na lang, sasabihin mong wala at patalikod na itutuloy ang iyong pagluha.

Ayaw ko mang magpalalim ng spekulasyon, sa loob-loob mo siguro’y nagpapasalamat ka ring natunton ka ng mga awtoridad at dinala sa Maynila. Sa pamamagitan nito, natupad ang napabalitang kagustuhan mong makita ang iyong bagong silang na anak. Kaninong mukha ba ang nakikita mo kay Baby George Francis? Nakikita mo ba iyong among nagmalupit sa iyo? O nakikita mo ba ang mukha mong puno ng pag-aalala? Sinasabing nakikita sa mga mata ang pinagdaanan ng isang tao. Ganoon din kaya ang kaso sa mga mata ni Baby George Francis na sa kanyang napakaagang edad ay naging laman ng balita?

Oo, may dahilan para magkondena. Totoong may krimeng nangyari, pero maniwala kang hindi ikaw ang pangunahing salarin.

Nanilbihan ka bilang katulong sa Qatar. Hindi ka na siguro magugulat kung ang bansang ito’y ikalima sa pinakamaraming bilang ng Pilipinong bagong pasok na domestic helpers and related household workers (pagkatapos ng Hong Kong, Kuwait, United Arab Emirates at Saudi Arabia). Noong 2009, 6,376 na Pilipinong bagong pasok ang may ganitong trabaho sa Qatar, at 28 lang sa kanila ang mga lalaki. Tulad mo, 99.6 porsiyento ng mga namasukang katulong sa Qatar ay mga babae, ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ganito naman ang realidad sa buong mundo. Kung susuriin ang 71,557 Pilipinong katulong na bagong pasok sa iba’t ibang bansa noong 2009, 69,669 (o 97.4 porsiyento) ay mga babae at maliit na bahagdan lang ang mga lalaki. At kung interesado kang malaman ang kabuuang bilang ng mga deployed OFW noong 2009 (pinagsamang bilang ng land-based at sea-based), ito ay umaabot sa 1,422,586. Maniniwala ka bang ito ay 15.1 porsiyentong pagtaas kumpara sa estadistika noong 2008?

Nasaan ang malaking krimen? Ito ay ang pagkakaroon ng sitwasyong halos 3,900 Pilipino noong 2009 ang tinatayang nangibang-bansa BAWAT ARAW para lang magkaroon ng magandang buhay ang pamilya. Ang mahigit isang milyong OFW ay malinaw na ebidensiya ng malawakang kahirapan at desperadong pakikipagsapalaran. Kahit na mapadpad sa mga bansa sa Gitnang Silangan na kakaiba ang kultura’t wala halos kakilala, pikit-matang sinusuong ng mahihirap na Pilipinong tulad mo, Tessa, ang hirap ng pagtatrabaho para lang magkaroon ng kakaunting ginhawa.

Ang pagkakaroon ng anak ay panahon para nagiging masaya ang buong mag-anak, lalo na ang ina. Hindi ko mapigilang mapailing sa sitwasyon mong ang pagsilang sa isang sanggol ay habambuhay na paalala sa kalupitang pinagdaanan mo. Tunay na nawala ang ang dangal ng pagiging ina dahil tinanggal ito ng iyong malupit na amo.

Mali na kung mali ang pag-iwan ng iyong anak sa basurahan. Pero hindi maikakaila ang mas malaking kasalanan ng pamahalaang bigyan ka at ng marami pang iba ng oportunidad para umunlad sa sariling bayan. Sang-ayon ako sa pahayag ng grupong Migrante-Middle East na dapat isaalang-alang ang iyong pinagdaanan. Pero higit pa sa sama-samang pag-intindi sa iyo ay ang kolektibong pagkondena sa kasalukuyang sistema.

Tulad ng marami pang Pilipinong pinagkakaitan ng mga nasa kapangyarihan, nabuhay si Baby George Francis sa gitna ng kabulukang nasa paligid niya. Tessa, hindi pa huli ang lahat para bigyan ng magandang kinabukasan si Baby George Francis. Tulad ng marami pang pinagsasamantalahan at pinagmamalupitan sa ating lipunan, napapanahon nang singilin ang mga nasa kapangyarihan para sa iyong mapait na pinagdaanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.