Inilunsad ang tatlo kong libro noong Agosto 16 (Huwebes), 2:00 p.m. sa auditorium ng College of Mass Communication (CMC), UP Diliman.
Umabot sa 100 katao ang dumalo na binubuo ng mga peryodista, guro, administrador, mass leader at iba pang kaibigan at kamag-anak. Ang post na ito ay nagsisilbing dokumentasyon ng proseso (process documentation) ng aktibidad.
DALOY NG PROGRAMA
- Pagbati (Dr. Roland Tolentino, dekano, UP CMC)
- Pahayag
- Dr. David Jonathan Bayot, executive publisher, DLSU Publishing House
- Prop. Gerry Los Baños, deputy director, UP Press
- Prop. Jack Wigley, director, UST Publishing House
- Natatanging bilang (Kontemporaryong Gamelan Pilipino o Kontra-GaPi)
- Pagsusuri sa mga aklat at peryodismo ng awtor (5-7 minuto bawat isa)
- Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC (tungkol sa mga librong Hay, Buhay! at Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay)
- G. Kenneth Guda, editor-in-chief ng Pinoy Weekly (tungkol sa librong Kon(tra)teksto)
- Pamimigay ng libreng kopya sa aklatan at pamilya
- Jocelyn Sibunga, auntie ni Lordei Hina (para ibigay ang tatlong libro kay Lordei, benepisyaryo ng royalties mula sa tatlong libro)
- Bb. Tess Santos, UP CMC library
- Prof. Rodolfo Tarlit, UP Diliman Main Library
- Dr. Purita Balean (biyenan ni Danny)
- Pasasalamat (Prop. Danilo Arao, awtor ng tatlong libro)
- Pagwawakas: Pagbili, Pagpirma at Pagkain
GURO NG PALATUNTUNAN (Prop. Sarah Raymundo, UP Center for International Studies)
PAGBATI (Dr. Roland Tolentino, dekano ng UP CMC)
Mga kaguro, mag-aaral, staff, mga kaibigan at piling panauhin,
Ikinalulugod kong batiin kayo ngayong hapon. Ang tuwa ko ay nanggagaling sa pagkakamit ni Prof. Danilo Arao ng akademikong panuntunan hinggil sa pananaliksik at publikasyon, at nang pagtataguyod ng napakataas na panuntunan hinggil dito. Not one, not two, but three books ang inilulunsad sa hapong ito.
Bahagi ang pagtatamo ng nakamit sa publikasyon ni Prof. Arao sa layon ng UP bilang pambansang unibersidad, na maging tanglaw ito sa pananaliksik at publikasyon, lalo na sa kanyang mga piniling disiplina. At bahagi ng individual na pagpupursigi ng mga fakulti ng Kolehiyo, ang inisyatiba ng Kolehiyo sa larangan ng media at komunikasyon.
Sa pakikipagtulungan sa UP Press, itinaguyod ang Philippine Media and Communication Book Series, at ang una nitong alok, ang In Medias Res ni Dekano Luis Teodoro ay lumabas na. Inaasahang madagdagan pa ang labas ng iba pang titulong nakapasok na sa serye, pati na rin ang pagdami pa nang manuskritong maiaalok para sa seryeng ito.
Ang Plaridel Journal sa ilalim ng Office of Research and Publication ng Kolehiyo ay kinilala ng CHED at pinagkakalooban ng publication grant. Nakapagtaguyod na ito ng karagdagang proseso, tulad ng formasyon ng International Advisory Board, pati ang double-blind refereeing process at pagsasalin ng mga akda sa ingles para sa akreditasyon sa Scopus at ISI.
Kabilang ang publication award sa UP CMC Enhancement Grant, na ang layon ay tumulong iangat ang gawain ng mga fakulti, staff at mag-aaral sa larangan ng gawaing akademiko, publikasyon at etension work, at pinagkakalooban ang kasapi ng Kolehiyo ng P10,000 kada librong mailalabas nito, at iba pang halaga para sa mga artikulo sa refereed journal.
Ngayong akademikong taon, ang apat na akademikong unit ng Kolehiyo ay magkakaroon ng end-of-term na showcase ng mga pananaliksik at malikahaing gawain ng kani-kanilang mag-aaral. Ang National Communication Research Conference ay higit na lumalaki. At pinag-iisipan na rin ang dalawang online journals para sa mga mag-aaral, isa para sa malikhaing gawain, at isa ay para sa pananaliksik.
Ang idea ay hindi naman maging pangunahin ang ating mga programa sa buong bansa. Matagal na itong nagawa ng Kolehiyo. Ang idea ay mamayagpag ang Kolehiyo sa sarili niyang pagtahak, at ang isa ngang larangan para ito mamayagpag ay sa gawaing pananaliksik at publikasyon. Inaasahan na sa ganitong pagtaas ng Kolehiyo ay mahimok ang marami nitong undergraduate na mag-aaral na tumuloy sa gradwadong pag-aaral, at ipagpatuloy ang kanilang skolarsyip.
Tunay na mayabong ang hapong ito. Pagbati kay Prof. Arao sa kanyang malaking ambag sa higit na pagpapataas ng panuntunan sa pananaliksik at publikasyon, sa kanyang mga pablisyer at editor, at sa Kolehiyo mismo.
UNANG PAHAYAG (Dr. David Jonathan Bayot, executive publisher, DLSU Publishing House)
Mga panauhin at mga kaibigan, lubos akong nasisiyahan na makibahagi sa mahalagang pagtitipong ito bilang tagapaglathala ng isa sa tatlong aklat ni G. Danilo Araña Arao. Naririto tayo ngayon upang ipagdiwang ang mga aklat na sa kalaunan ay may tiyak na ambag sa ebolusyon at patuloy na paghuhubog ng kamalayan ng mga Filipinong mambabasa.
Ang disenyo ng libro ni Danny, sa isang banda, ay nakatuon sa kahalagahan ng “con-texts” ayon na rin sa kanyang sariling kontra-praxis na pagbasa/interpretasyon ng mga teksto. Sa kabilang banda, ako naman ay narito bilang “con-text” upang magbigay-paliwanag sa tekstong inilulunsad natin ngayon, ang Kon(tra)teksto. Dahil dito, pakiramdam ko ay kailangang bigyan ko kayo ng pangunahing pagsasakonteksto ng kaugnayan ko bilang konteksto sa libro ni Danny.
Una sa lahat, gusto kong malaman ninyo na ngayon lang ako nagsalita sa Filipino sa harap ng ganito karaming tao at sa pormal na okasyong gaya nito, ayon na rin sa kahilingan ni Danny. Kaya kung sakali na ang datíng sa inyo ng mga sinasabi ko ay parang nagsalpukang mga alon ng Timog Dagat Tsina at Kanlurang Dagat Pilipinas, hindi kayo nagkakamali: ang aking unang wika ay wikang Tsino. Dahil dito, humihingi ako ng paumanhin kung sa tangka kong pagpapaliwanag bilang “context” ay magmukhang masama o kontrabida at hindi kontra-teksto ang libro ni Danny.
Ikalawa, gusto kong linawin ang aking estado bilang tagapaglathala (gaya ng pagpapakilala sa akin). Ang legal na tagapaglathala ng librong ito ay Central Books. Marami nang pinagdaanan ang publikasyon ng De La Salle University. Dati itong DLSU Press, bago ang inkorporasyon nito. Noong 2006, ginawa itong Academic Publications Office na pinamunuan ni Dr. Isagani R. Cruz. Mula noong 2006 hanggang Mayo nitong 2012, ang Academic Publications Office ang pangunahing tumutugon sa publikasyon ng mga aklat sa pamamagitan ng mga piniling tagapaglathala. Sa ganitong sistema, ang Academic Publications Office ang nagbibigay ng garantiya hinggil sa kalidad ng mga aklat na ipapalimbag sa mga tagapaglathala. At ito ang konteksto kung paano naipasa, naipabasa sa mga eksperto, at naihanda para sa publikasyon ang manuskrito ni Danny.
Ibig ko ring samantalahin ang pagkakataong ito upang ipabatid sa inyo na ang aming publikasyon ay De La Salle University Publishing House na sa ngayon, at ito ay patunay ng commitment ng Pamantasang De La Salle na makapagbigay ng de-kalidad at mahahalagang aklat sa publiko.
Ngayong naibahagi ko na sa inyo ang aking “konteksto”, hayaan ninyo namang ilaan ko ang ilan pang sandali para sa mismong aklat na inilulunsad natin, ang Kon(tra)teksto: Pag-uungkat, Pag-uulat at Pagmumulat.
Ang salitang “kon(tra)teksto” ay isang salita na pinauso ni Danny na walang pahintulot ng Komisyon ng Wikang Filipino at Surian ng Wikang Pambansa. Malamang sa pananaw ng dalawang organisasyong linggwistika na binaggit ko, ang salitang “kon(tra)teksto” ay hindi salita sa wikang Filipino, at si Danny Arao ay tiyak na isang kontrabidang Filipino na nagpapanggap bilang filibustero, na generic o generika naman ang dating. Kaya sa takot ni Danny na maging katabing istatwa ng “Oblation” pagkalipas ng launching na ito, sinabi niya kaagad sa Introduksyon na: “simple lang naman ang depenisyon ko ng ‘kon(tra)teksto’ – ang pagsusuri ng alternatibo sa mga kumakalat na argumento.” Sinabi niya rin na: “para maintindihan ang isang argumento, lubhang kailangan ang konteksto. Para naman mapataas ang antas ng diskurso, kailangan ang artikulasyon ng ‘kon(tra)teksto’.”
Itong dalawang pagbibigay-linaw niya sa salita at konsepto ng “kon(tra)teksto” ay konteksto ng kanyang mga nilathala sa Pinoy Weekly at The Lobbyist. Itong mga artikulo niya ang laman ng libro at ang kalipunang akdang ito ay ang pagpahayag ng kanyang paninindigan bilang isang “propesor,” “guro,” at “manunulat” sa malawak at makabuluhang pagbibigay kahulugan.
Hindi ko na ilalahad sa inyo kung ano ang detalye ng mga nakapaloob dito sa libro, baka bumaba kasi ang sales ng Central Books at ako’y masisi ng aking pamantasan sa mahinang pagpasok ng komisyon sa aming gintong kaban.
Bilang pangwakas, mayroon akong dalawang bagay na kailangang ipabatid sa inyo.
Una, ang librong Kon(tra)teksto ay isa lamang pasimulang proyekto ni G. Arao bilang isang contra-gahum na dikonstruksyonista at “intellectual” sa matimbang na pagbibigay kahulugan nina Bienvenido Lumbera, Antonio Gramsci, at Edward Said. At makakaasa tayong lahat na mas marami pang kontrateksto ang mailalathala ni Danny sa darating na panahon. Pero sana’y hindi naman Kon(tra)teksto part 2 o part 3 ang magiging pamagat ng mga susunod na libro, na mistulang pelikulang Mano Po.
Pangalawa: bago ako tuluyang bumaba sa entabladong ito, nais kong ipaalala sa inyo na ang librong Kon(tra)teksto ni Danilo Araña Arao ay produkto ng mahabang panahon ng pag-mumuni-muni, pag-susuri, at pagsusulat. Sa ibang salita, hindi siya libre, kaya bumili na kayo ng kopya niyo.
Muli kong binabati si Danny sa kaarawan ng kanyang mga libro, at maraming salamat at magandang hapon sa inyong lahat.
IKALAWANG PAHAYAG (Prop. Gerry Los Baños, deputy director, UP Press) – ang orihinal na talumpati ay nasa wikang Ingles
Gusto kong batiin ang may-akda (awtor), si Danny Arao, sa paglulunsad na ito, at ipahatid ang aking pasasalamat na ipinagkatiwala niya sa amin sa UP Press ang kaniyang aklat. Sa mga nagdaang dekada, inilathala na ng UP Press ang mga libro ng mga di-mabilang na nangungunang iskolar, artist, at mga critical thinker.
Idadagdag namin sa listahang iyan ang koleksiyon ng masasabing mga “rant” na isinulat ni Prop. Arao mula taong 2006–2009. Karaniwang nagtataglay ng negatibong konotasyon ang salitang “ranting” ngunit inilalagay ito ni Prop. Arao sa mas mataas at konstruktibong nibel (level), dahil sa pagpapahayag ng karaniwan ay emosyonal na pananaw at opinyon sa mga temang nahahanay sa pambansang ekonomiya, sitwasyong pangkapayapaan at kaayusan, pangangampanya para sa eleksiyon, kredibilidad ng pamahalaan, aktibismo, at iba pang mahalagang paksa. Sa kabila ng kaniyang pagra-rant, pinananatili ni Prop. Arao ang pagiging mamamahayag sa pamamagitan ng pagsusuri sa detalye at pagiging patas, laging may ebidensiya ang kaniyang mga opinyon at pahayag. Hindi nangingimi (nag-aatubili/nag-aalangan) sa kaniyang advocacy, ang kaniyang kontra-kapitalista at kontra-imperyalistang pagkiling, ngunit sa halip na isigaw ang karaniwang abstraktong retorika, naipahahatid ni Prop. Arao ang kaniyang punto sa pamamagitan ng pagbibigay-tinig sa mga walang boses na manggagawa: ang drayber ng PUV, ang may-kapansanan, ang magbubukid.
Inilalarawan ni Arao ang kanilang buhay sa paraang nagiging malinaw sa lahat, maliban na lamang sa pinakasinikong mambabasa, na ang kahabag-habag nilang kalagayan ay hindi dulot ng kakapusan ng pagsisikap kundi ng isang mapagwalang-bahala at tiwaling sistema ng pamamahala. Sa pangkalahatan, masasabi kong ipinakikita ng aklat na ito ang cross section ng halos lahat ng mali sa pamamahala sa bansang ito, hindi lamang ang tatlong taon ng panunungkulan ni Gloria Arroyo na bahagi ng librong ito.
Maaaring magsilbing instrumento ng reporma ang ganitong uri ng kritikal na pamamahayag. Taliwas sa paniwala ng ating nakaluklok na Pangulo, hindi trabaho ng media ang ipakita ang mga wastong ginagawa ng pamahalaan. Bilang tagapagbantay ng publiko, responsabilidad ng bawat mamamahayag ang idokumento, suriin, at iulat ang mga kamalian, pagkukulang, at pang-aabuso lalong-lalo na kung nakaaapekto na ito sa kapakanan ng taumbayan. Isinasakatuparan ito ng aklat ng mga rant ni Prop. Arao, at higit pa.
IKATLONG PAHAYAG (Prop. Jack Wigley, director, UST Publishing House)
Sa lahat ng genre ng panitikan, ang sanaysay na yata ang pinaka-abot kamay. Ito kasi ang parati nating nakakasalamuha. Hindi ba’t sanaysay ang balita sa diyaryo, ang opinion article ng paborito nating kolumnista, ang write-up tungkol sa lugar na nais nating puntahan sa susunod na bakasyon, ang review ng pelikula, libro, dula o exhibit na inaabangan natin, at maging ang nakasulat na patalastas ng kung anong produkto na nang-eengganyo sa ating kumonsumo?
At oo, ang sanaysay rin ang ating ginagamit, doon sa mga pagkakataon na bunsod ng propesyonal at personal na pangangailangan ay nagsusulat tayo. Maigsing memo, incident report, at samu’t saring correspondence sa trabaho. Kapag personal naman ang udyok, maaring ang isulat natin ay journal entry, blog entry, Facebook note, at kahit pa nga siguro ang mga pahaba nang pahaba nating mga Facebook status—na magkaaminan na tayong lahat dito, nakaka-high kapag maraming nag-like.
Maaaring maging argumento na malaking bahagi na ng pagkuha ng pulso ng publiko ang pagla-like o pag-unlike. At ngayong hapon na ito, sinisiguro ko sa inyo, napupulsuhan ko na, bago pa man ninyo mabuklat ang mismong aklat, na magugustuhan ninyo—ila-like ninyo—ang koleksiyon ng mga sanaysay ni Danny Arao.
Sa limampung sanaysay na bumubuo sa koleksiyon, tinalakay, kinomentaryuhan, at binusisi ni Arao ang iba’t ibang paksa at isyung dumuduro sa pampublikong kamalayan.
Tinalakay ni Arao ang politika sa wika. Tinukoy niya kung paanong hanggang ngayon, sa lipunang pinaniniwalaan na ng ibang iskolar sa akademya bilang postkolonyal, ay nananatili ang kapangyarihan ng Ingles, kung paanong pinupulis pa rin ng wikang ito ang dila ng sambayanan. Mapapatunayan ito ng patuloy na pag-iral ng mga English-speaking zone sa ilang paaralan, na siyempre pa ay lokalisadong epekto lamang naman ng ekonomikong relasyon ng Pilipinas at iba pang “third-world” na bansa sa US.
Hindi lamang dito nalimita ang uri ng politika sa wika na tinalakay sa aklat, kundi pati iyong may kinalaman sa araw-araw na diseminasyon ng impormasyon sa midya. Ang mismong pagpili ng salita ay nakakaapekto sa layon, nilalaman, at muli, sa isinusulong na politika ng manunulat, ng kanyang institusyong kinabibilangan, at sa magiging pagtanggap rito ng madla.
Nagbigay rin si Arao ng ilang tips sa paggawa ng blog at mga paalala tungkol sa etika ng pagsusulat sa Internet, kung paanong maging isang responsableng net citizen na mayroong pakikipagkapwa.
Dahil ang pagiging manunulat ng sanaysay ni Arao ay nakaugat naman talaga sa kanyang pagiging mamamahayag, tinalakay din ni Arao ang usapin ng censorhip, at kung paano itong dapat harapin sa panahon ng patuloy na paglaganap ng teknolohiya sa ating lipunan.
Nagawa itong lahat ni Danilo Arao, at marami pang iba, sa limampung sanaysay na nasa koleksiyon, at ginawa niya ito nang matapat sa kanyang sariling paninindigan bilang mamamahayag na malay sa sariling politika, pero hindi nagpapaalipin sa dogma.
Sa kanyang sanaysay na may titulong “La Solidaridad at pamamahayag ngayon,” tinukoy ni Arao ang rebolusyonaryong katangian ng pahayagang ito. Aniya, sa kasalukuyan, ang uri ng pamamahayag ng mga propagandista ay maaaring tawagin bilang alternatibong pamamahayag. Ang alternatibong pamamahayag ayon kay Arao ay “walang komersiyal na interes…dahil hindi isyu ang pagmamay-ari… Tinatalakay [nito] ang mga importanteng isyung kinakaharap ng mga Pilipino at walang lugar ang mga tsismis at trivia. [Sa alternatibong pamamahayag], sapat ang atensiyon ng publiko para maintindihan ang malalimang pagsusuri sa mga isyung kinakaharap ng bansa.”
Ang mga sanaysay sa koleksiyong ito ay galing lahat sa kolum na “Konteksto” ni Arao sa Pinoy Weekly, isang alternatibong pahayagan. Lumabas ang mga ito mula 2006 hanggang 2009. Oo, bahagi na ng nakaraan ang ilan sa mga isyung tinalakay ni Arao, pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na natin dapat pang uriratin ang mga ito. Ilang beses na ba nating narinig na inilarawan tayo bilang isang bayan ng mga makakalimutin?
Ang pagbasa sa mga sanaysay ni Danilo Arao, gaya ng pagbasa natin sa akda ng mga propagandista, kung gayon ay maaaring magsilbi hindi lamang bilang muling paglusong sa mga isyu ng nakaraan, kundi patuloy na paggigiit na may mga usapin na hindi pa rin nareresolba, na hindi pa rin naililibing, kung kaya’t gaya ng mga basura sa Maynila, ay paulit-ulit tayong babalikan at pisikal na mumultuhin hangga’t hindi natin lubusang hinaharap.
At ngayon, nais kong ihandog na sa may-akda, kay Danilo Araña Arao, makabayang mamamahayag, ang mga kopya ng Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay: Mga Sanaysay ng Pagninilay-nilay.
NATATANGING BILANG (Kontemporaryong Gamelan Pilipino o Kontra-GaPi)
PAGSUSURI SA DALAWANG LIBRONG HAY, BUHAY! NG UP PRESS AT SAYSAY NG PAGKAKAUGNAY-UGNAY NG UST PUBLISHING HOUSE (Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC)
Tinext ako ni Danny noong Martes na kung maaari raw akong magsalita ng kaunti dito sa paglulunsad ng dalawa sa kanyang tatlong aklat. Ini-specify niya na sa Filipino, pero tinanong ko pa rin kung maaaring sa Ingles. Hindi ako nagpapaumanhin para sa katotohanang nagsusulat ako at mas komportable sa Ingles, na gayong ipinilit nga sa atin ng kolonyalismong Amerikano, ay siya pa ring naging medium ng pagkamulat ng ilan ding henerasyon mula kay Salvador P. Lopez hanggang kay Jose Ma. Sison at iba pang manunulat.
Tulad ng riple, ang mga armas ng kolonyalismo at imperyalismo, maging kultura o wika, ay maaari ring agawin at itutok sa kanila. Gayon pa man, noon pang 1970s ay isinulong na ng mga manunulat, ironically sa pangunguna ng mga manunulat sa Ingles, and pangangailangang magsulat sa Filipino at iba pa nating wika upang maabot ang nakararaming mga Pilipino. Noon pa man ay nabuo na ang pagkakaisa, sa pamamagitan ng ilang mga organisasyon, ng mga progressibong manunulat maging sa Ingles, Filipino o iba pang wika.
Isa sa mga tema ng mga komentaryo at sanaysay ni Danny ang problema ng wika, o language problem sapagka’t nanatili pa rin ang problemang ito gayong ito’y dinebate at masinsin nang napag-usapan noong panahon ng intellectual ferment noong 1960s at early 1970s. Ngunit kinakailangang linawin na gayong mahalaga ang medium sa pamamahayag o anumang uri ng pagsulat, ay higit na mahalaga ang mensahe. Ang totoo ay komplikado—it’s complicated sabi nga sa Facebook—ang isyu ng wika noong nakaraan at sa kasalukuyang panahon, pero hindi na ako papasok pa lalo sa masalimuot na usaping ito dahil ilang minuto lang naman ang ibinigay sa akin sa hapong ito.
Karamihan sa mga komentaryo at sanaysay sa mga aklat ni Danny—at least doon sa dalawang nabasa ko—ay unang lumabas sa Pinoy Weekly at Bulatlat na siya ngayong dalawa sa mga kumakatawan sa tradisyon ng alternatibong pamamahayag, o alternative journalism.
Karaniwan nang inaakala ng marami na ang alternative journalism ay pinanganak noong panahon ng martial law, pero ang totoo ay mahigit isandaang taon na ang tradisyong ito, na para sa akin ay ang tradisyon ng tunay na pamamahayag na Pilipino. Ang alternative journalism ay masasabing nagsimula pa sa Diyaryong Tagalog ni Marcelo H. del Pilar, kung saan inexpose na ni Plaridel ang paghahari ng mga prayle, bilang alternative sa kolonyal na pamamahayag na nakatali sa pamahalaang Kastila at sa simbahan. Ang La Solidaridad, ang Kalayaan, ang El Heraldo de la Revolucion; at noong panahon ng pananakop ng US, ang El Renacimiento; ang guerilla press noong pangalawang digmaang pandaigdig; ang We Forum at Malaya ni Jose Burgos, ang Signs of the Times, Liberation, Ang Bayan at iba pa noong panahon ng martial law at hanggang ngayon, ay pawang nasa tradisyon ng alternative press.
Sa krisis nahasa ang alternative press sa Pilipinas, at nabuo sa pagbubuo ng Filipino nation. Mula sa panahon ng rebolusyon, noong pananakop ng US at ng Hapon, noong martial law at sa kasalukuyan, kung kalian nangangailangan ang sambayanan ng impormasyon, komentaryo at analysis tungo sa kanilang pagkakaunawa sa pinagmumulan ng Philippine crisis at kung ano ang solusyon dito.
Di tulad ng dominant press—maling tawagin iyon na “mainstream”—ang alternative press at journalism ay di nakatali sa mga political at economic interests, kaya’t higit nitong nagagampanan ang paguulat at pagsusuri sa mga isyung kinakaharap ng mamamayan. Ang pangunahing problema ng dominant press,–ang balakid sa makatotohanan, patas at kontekstuwaladong pag-uulat– ay ang mga interes na nasa likod nito na siyang kadalasa’y nagpapasya kung ano at kung paano ang iuulat at kung paano i-interpret ang mga ito.
Gayun nga, ang journalism practice ni Danny ay nasa tradisyon ng pag-uulat, pagsusuri at pag-interpret ng mga isyu, maging sa midya o sa pangmalawakang lipunan, na kinakaharap ng sambayanan. Kasama sa commitment na ito ni Danny di lamang ang pagsusulat sa Filipino kundi ang maingat at masusing respeto at paggamit sa mga datos at resulta ng pananaliksik, at ang paglalagay ng mga isyu at mga pangyayari sa konteksto ng mga isyung ito at kalagayan ng lipunang Filipino. Ito pa lamang ay malaki na ang kontribusyon sa pamamahayag ng halimbawa ng mga komentaryo at sanaysay ni Danny. Kulang sa datos karaniwan, at lalo pang kulang sa konteksto ang karamihan ng pag-uulat at lalo na ang mga komentaryo sa dominant press at media, kung kaya nga maging ang mga ugat ng isyung napakahalaga sa sambayanan tulad ng krisis pampulitikal, eleksiyon, implasyon, mga disaster tulad ng pagbaha at iba pa, ay halos walang kaalaman ang mga nakararami.
Kaya binabati ko si Danny, ang UP Press at maging ang UST Publishing House sa paglulunsad ng Hay, Buhay! at Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay. Sana’y magpatuloy ka pa, at sana’y pamarisan ng mga susunod pang mga henerasyon ng mamamahayag ang iyong halimbawa.
PAGSUSURI SA LIBRONG KON(TRA)TEKSTO NG DLSU PUBLISHING HOUSE (Kenneth Guda, punong patnugot, Pinoy Weekly)
Sa ngalan ng mga mamamahayag ng Pinoy Weekly, binabati namin si sir Danny Arao sa paglulunsad ng tatlong mahahalagang aklat na koleksiyon ng kanyang mga sulatin. Ikinararangal namin na maging bahagi si Prop. Arao ng hanay ng alternatibong mga mamamahayag. Kinikilala namin si sir Danny bilang bahagi namin – kaming mga mamamahayag mula sa Pinoy Weekly, Bulatlat, Kodao, Mayday, Tudla, Southern Tagalog Exposure at marami pang iba. Sa kabila ito ng pagsuot niya ng marami pang ibang sumbrero – kasama rito ang pagiging akademiko at administrador.
Marami ang naaabot ng mga sulatin ni sir Danny. Sa Pinoy Weekly Online (www.pinoyweekly.org) lamang, kabilang ang mga sulatin niya sa pinaka-binabasa o pinakapopular. Noong nakaraang mga taon, ang isang kolum ni sir Danny – hinggil sa puna niya sa isang website na nagpapanggap na maging satirikal pero seksista naman – ang pinaka-nabisitang artikulo. Minsan na naming sinara ang comments field ng naturang artikulo, dahil sa dami ng mga komento na below-the-belt (tiyak, mga fan sila ng binatikos na website) at walang kuwenta. Pero pinabuksan muli ito ni sir Danny. Hindi siya takot sa kritisismo, at handang makipagtalastasan – basta maayos kang kausap. (Bagamat kahit di ka maayos na kausap, sinasagot ka pa rin niya nang maayos.)
Marami ang naaabot ni sir Danny. Katunayan, nalaman ko kamakailan na may fan base pala talaga siya. Nang i-Google ko rin ang pangalan ni sir Danny bago ang simula ng paglulunsad na ito, natagpuan kong mayroon palang blogsite na alay ng mga estudyante niya sa kanya at para sa mga sulat nila sa klase—tinaguriang Bungang Arao (noong panahong Geocities pa lang ang kilalang platform ng blogsites). Marami rin akong kakilalang mamamahayag ngayon, kapwa sa tinaguriang mainstream at alternative media, na naging guro si sir Danny at humahanga sa kanya.
Kahit iyung unang beses pa lang nabasa ang mga sulatin ni sir Danny, madaling nakukuha niya ang loob. Unang una, kontemporaryo ang mga isyu na tinatalakay niya. Maiinit na usapin. Mahahalagang usapin. Mula sa isyu ng imperyalismo hanggang sa problema ng mga estudyante ng UP sa pag-aaral, may resonance, kumbaga, sa marami, lalo na sa kabataan. Marami sa mga sulatin niya, direktang naka-address sa mga estudyante niya, o sa mambabasa: Kapag ikaw ang kinausap nang ganoon – simple, malinaw, di-akademiko, diretso pero interesante – tiyak na makikinig ka. At makukumbinsi.
Ito ang halaga ng mga sulatin ni sir Danny sa alternatibong midya, partikular sa Pinoy Weekly: May kausap siyang odyens, at kadalasan, ito iyung odyens na madalang, o hindi pa nga, na makausap namin. May diin ang Pinoy Weekly sa pag-abot doon sa bahagi ng nagbabasang masa na politicized na, may alam na sa mga isyung pambayan, at kahit papaano’y may batayang kaalaman sa mahahalagang isyung pambayan. Sa bahagi ni Danny, kabilang sa hinahatak niya patungo sa website iyung mga mambabasa na wala pa sa hanay ng politisadong masa. Maaaring dati at kasalukuyan niyang mga estudyante. O kaya mga estudyanteng hayskul na nagsasaliksik para sa kanilang mga assignment sa klase. O kaya iyung nagse-search lang sa internet ng maaaring mabasa hinggil sa iba’t ibang maiinit na isyu.
Tiyak, marami namang sulatin na nasa internet ngayon ang hinggil sa maiinit at mahahalangang isyu na pinapaksa rin ng mga kolum ni sir Danny at nasa libro niyang Kon(tra)teksto. Pero ang humihiwalay sa mga kolum niya sa iba pang sulatin na mababasa: ang lantay na hangarin nitong mabago ang kalagayan ng lipunang isinasalarawan at ipinapaliwanag nito. Palagay ko, ito ang kapangyarihan ng maraming kolum ni sir Danny, lalo na iyung naisusulat bilang liham (hal. “Para sa estudyanteng nakikibaka”, “Para sa estudyanteng mahilig mag-aral”, atbp.) at direktang kausap ang mambabasa.
Layunin niya na himukin ang mambabasa na suriin nang maigi ang kanyang kalagayan, at iugnay ito sa iba’t ibang isyung pambayan. At kumilos. Malinaw na gusto niyang makiisa ang mambabasa sa iba’t ibang progresibong puwersa ng lipunan na naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. Ito ang kakaiba sa alternatibong pamamahayag: Ang pagtataguyod ng progresibong pagbabago, hindi lamang eksposisyon ng mga problema ng lipunan. Ito rin ang kakaiba sa mga sulatin ni Prop. Danny Arao.
Sabi nga ng (malamang na) paboritong pilosopo ni sir Danny: “The point, however, is to change it.”
PASASALAMAT (Danilo Araña Arao, awtor ng tatlong libro)
Maikli lang po ito dahil ang mga peryodistang katulad ko ay hindi sanay sa mahabang diskurso. Paumanhin na rin po kung kailangan kong gumamit ng kodigo para hindi makalimutan ang mga importanteng punto.
Una sa lahat, maraming salamat po sa inyong pagdalo ngayong hapon. Pero siyempre, mas malaki ang magiging pasasalamat ko kung bibili po kayo ng mga kopya ng tatlo kong libro.
Para po sa mga kaibigang nakapaglimbag na sa respetadong academic publishers tulad ng sa UP, UST at La Salle, alam ninyo ang pinagdaraanan ng awtor habang hinihintay ang hatol ng mga referee o reader. Medyo nakahinga ako nang maluwag nang nakapasa ang mga libro sa mataas na pamantayan nila. At dahil dumaan ang mga libro sa “blind review,” hindi ko alam kung sino sila pero ipinapaabot ko pa rin ang aking pagkilala sa kanilang mga ekspertong komento.
Ang paglulunsad ng tatlong librong pawang nakasulat sa wikang Filipino ay itinaon sa Buwan ng Wika. Tulad ng nabanggit ng mga nagsalita kanina, karamihan sa mga sanaysay ay seryosong pagtalakay sa iba’t ibang paksa, bagama’t may mga personal na sanaysay din naman. Kumbaga sa wikang Ingles, there’s something in it for everyone – kung mahilig ka sa teknolohiya, maraming sanaysay tungkol sa Internet, blogging at kahit ang iskandalong may kinalaman sa NBN-ZTE. Kung interesado ka sa peryodismo, midya, komunikasyon at wika, maraming sanaysay tungkol dito. Masasabi nating sinasalamin ng tatlong libro ko ang katayuan ng lipunan na kumbaga sa isang Facebook relationship status ay “It’s complicated.”
Sana po’y sapat na ang paliwanag ko para maengganyo kayong tangkilikin ang mga librong ito. Sa isang banda, may malaking tulong din ang inyong suporta dahil ang royalties na makukuha ko mula rito ay mapupunta sa pagpapagamot kay Lordei Hina na biktima ng pananaksak sa Vinzons Hall noong Pebrero.
Bilang pangwakas, gusto ko lang pasalamatan kayong lahat sa ating pagtitipon ngayong hapon, lalo na siyempre sa mga kasama ko rito sa kolehiyo sa kanilang pag-aasikaso sa mga teknikal na detalye ng aktibidad na ito.
Hindi ko po maipapangakong mauulit ko ang paglulunsad ng tatlong libro nang sabay-sabay. Pero makakaasa po kayong magkikita pa rin tayo sa susunod na taon.
Salamat at mabuhay ang wikang Filipino!
PAHABOL NA PATALASTAS
- Para tingnan ang iba pang larawan ng paglulunsad ng tatlo kong libro, pumunta sa album ng aking personal na Facebook account sa https://www.facebook.com/media/set/?set=a.10151033271778406.427470.725468405&type=1.)
- Ang tatlong libro ay mabibili na sa mga bookstore/retail outlet ng UP, UST, DLSU at Central Books.
- Kon(tra)teksto (DLSU Publishing House/Central Books) – PhP580
- Hay, Buhay! (UP Press) – PhP250
- Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay (UST Publishing House) – PhP330
- Ang librong Kon(tra)teksto ay puwedeng bilhin online. Pumunta lamang sa website ng Central Books sa http://www.central.com.ph/bookstoreplus/products/AAC147/.
One thought on “Mga talumpati sa paglulunsad ng tatlo kong libro noong Agosto 16”