Pagsusuma at pangwakas na talumpati sa isang porum tungkol sa pambansang kalagayan at usapang pangkapayapaan sa auditorium ng College of Mass Communication, UP Diliman noong Abril 25, 2014.
May mito ng paglago. Hindi lang dapat estadistika ang tinitingnan sapagkat dapat nating sagutin ang mga pundamental na tanong: Para kanino ang pag-unlad? Sino ang nakikinabang? Sino ang naaagrabyado? Bakit sa kabila ng diumanong paglago ng ekonomiya, nananatili pa rin ang kahirapan?
At kung may mito ng paglago, marami namang imahe ng krisis na kinakaharap ng ating lipunan. Alam nating lahat ang mga manipestasyon ng tinatawag na kronikong krisis o chronic crisis — malawak na kahirapan, kawalan ng katarungan, pagpapatuloy ng karahasan.
Sa isang sitwasyong ang paglago ay nanggagaling sa real estate at construction, malinaw na ang kasalukuyang pang-ekonomiyang pag-unlad ay speculative at short-term. Naka-angkla ang diumanong pag-unlad sa desisyon ng kapitalista sa usapin ng mababang interest rates at sa polisiya ng gobyerno hinggil sa pagbubuhos ng kapital para sa konstruksyon. Hindi ito ang pag-unlad na nais natin. Ang anumang paglago ay dapat na nagreresulta sa makabuluhang pagbabago sa buhay at kabuhayan ng ordinaryong mamamayan – trabaho para sa naghahanap, hustisya para sa pinagkaitan, batayang serbisyo para sa lahat.
Malinaw ang tunggalian ng mga uri. Noon at ngayon, may iba’t ibang programa’t polisiyang isinusulong ang pamahalaan sa ngalan ng uring pinagmumulan ng mga opisyal ng ating gobyerno at malalaking lokal na negosyante. Iisa lang naman ang tema ng mga polisya’t programa — globalisasyon. Pinapatingkad at pinapalala ng mga ito ang tatlong batayang problema. Pinapanatili rin nito ang sinasabing malakolonyal at malapyudal na katangian ng ating lipunan.
Hindi nakakagulat na umaayon sila sa dayuhang interes, lalo na ang Estados Unidos, dahil ito ang kanilang pangunahing tagasuporta. Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang pagbisita ni Obama. Ang EDCA na pinaplanong isulong ng administrasyong Aquino ay kabilang sa mahabang listahan ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na nananatili pa rin sa kasaulukuyan – MDT, MAA, VFA, MLSA. Bagama’t malinaw sa atin ang imperyalistang tunguhin, tandaan din natin ang pagpapaigting ng pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ipinasa, halimbawa, ang Foreign Investments Act noong 1991 at ang Investors Lease Act of 1993 para palakasin ang presensiya ng mga dayuhan, lalo na ang mga Amerikano, sa ating bayan. Nakakatulong ang mga polisiyang ito para matugunan, kahit paano, ang krisis sa sobrang produksyon o crisis of overproduction sa Estados Unidos at iba pang mga bansang umabot na sa mataas na yugto ng pag-unlad sa kapitalismo.
Totoo mang nauubos ang pondo ng pamahalaan ng Estados Unidos sa giyera at bailout, patuloy pa rin ang pag-unlad ng malalaking korporasyon. Kinakailangang suportahan ni Obama ang paglago ng malalaking kapitalista para makatulong sa ekonomiya ng Estados Unidos. Sa kaso ng Pilipinas, ginagawa ng mga opisyal natin ang lahat para lalo pang buksan ang ating ekonomiya para makapasok ang mga dayuhan. Dito natin dapat suriin ang planong baguhin ang ating Saligang Batas para matanggal ang mga natitira pang proteksyon sa mga lokal na negosyante, lalo na ang maliliit.
Sino ang makikinabang sa kasalukuyang kaayusan, pati na ang planong pagbabago sa Saligang Batas? Malinaw ang ganansya sa mga dayuhan, pati na ang maliit na bahagdan ng ating populasyon na may pinansyal na rekurso o financial resources. Pero ang adyenda ng Estados Unidos ay kailangang masuri: Tuald noon, napakahalaga ng Asya, lalo na ang Pilipinas, sa hegemonya ito sa buong mundo, lalo na sa paglaban sa mga tinitingnan nitong politikal na kaaway o pang-ekonomiyang kakompetensya.
Paano natin makakamit ang tunay na kaunlaran at kapayapaan? Para matugunan ang interes na pansarili at maka-dayuhan, hindi sineseryoso ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon ang usapang pangkapayapaan sa NDFP. Nakakaya nitong magkaroon ng kasunduan sa ibang grupo tulad ng MILF at MNLF dahil sa pagpayag ng dalawang grupong ito sa reintegrasyon sa sistema. Para sa ating lahat, walang lugar ang pakikipagkompromiso sa sitwasyong pumapaloob tayo sa isang sistemang hindi katanggap-tanggap at bulok pa nga, kung gagamitin ang paborito nating termino. At mas lalong nagiging komplikado ang sitwasyon kung ayaw na pamahalaang palayain ang mga detenidong politikal at ayaw kilalanin ang Hague Joint Declaration ng 1992 bilang balangkas ng usapan. Ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao, lalo na ang pagpatay at pagdukot sa mga aktibista, ay nagiging sagabal din sa usapang pangkapayapaan.
Hindi ko maisip kung paano magtatagumpay ang usapang pangkapayapaan sa sitwasyong climate change diumano ang dahilan ng armadong pakikibaka, batay sa argumento ng gobyerno. Pati ang pagpapatuloy ng usapan ay nakadepende sa politikal na interes ng mga nasa kapangyarihan.
Sa huling pagsusuri, ang pagsasakonteksto ng kalagayan ng ating bayan ay nangangahulugan ng pag-uugat ng mga problemang kinakaharap natin. May iba’t ibang perspektiba’t ideolohiyang nagpapaliwanag sa lipunang Pilipino. Pero isa lang ang may matalas na pagsusuri sa pag-uugnay ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Ang konsepto ng tunay na demokrasyang hinahangad natin ay nangangahulugan ng pagyakap sa bagong demokrasya o mas kilala bilang pambansang demokrasya.
Ang pagkilos ay kinakailangan, pero ang malalim na pag-intindi sa ideolohiyang pinanghahawakan natin ay hindi maisasantabi. Dito lang natin lubos na maiintindihan kung bakit kailangan ang malaking sakripisyo at patuloy na pagkilos para maipagwagi ang mga spesipikong kampanya at ang pangkalahatang programa para baguhin ang kaayusan ng lipunan. Hindi kabaliwan ang kumilos, at mas lalong hindi pag-aaksaya ng panahon ang aktibismo.
Maraming pagkilos na mangyayari sa malapit na hinaharap. Inaasahan ang ating masiglang paglahok sa mga ito. Kaya sa pagtatapos ng diskusyon, tandaan natin ang nakasaad sa isang kantang tila hindi maririnig sa radyo: Walang ibang maaasahang / Bathala o manunubos / Kaya ang ating kaligtasa’y / Nasa ating pagkilos.
Kumilos at magpakilos.
Salamat po at isang mapagpalayang hapon sa ating lahat.