Category Archives: JoongAng Daily

Sampung taon

KONTEKSTO
Danilo Araña Arao

Sampung taon

Simpleng tanong lang po: Nasaan ka nang mangyari ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009?

Kung malayo ka sa probinsya ng Maguindanao, malamang na ordinaryong araw lang ito para sa iyo. Anuman ang edad natin, siguradong mas bata ang hitsura at pakiramdam natin noon kumpara ngayon. Pero huwag sana nating kalimutan ang trahedya ng araw na iyon.

Kailangan nating ulitin ang batayang datos para hindi mabaon sa limot ang karumal-dumal na nakaraan. Tinatayang 58 katao, kasama ang 32 peryodista at manggagawa sa midya, ang minasaker sa Ampatuan, Maguindanao. Pangunahing suspek ang pamilyang Ampatuan na siyang may hawak sa lokal na pamahalaan ng buong probinsya. Paumanhin kung hindi ako komportableng ilahad ang buong detalye ng walang pakundangang pagpatay dahil walang akmang salitang makapagpapaliwanag sa bayolenteng sinapit ng mga biktima, lalo na ng mga nilapastangang babae.

Nasaan nga ba ako noong panahong iyon? Visiting professor po ako sa Hannam University sa Daejeon, Timog Korea at ikalawang semestre ko iyon ng pagtuturo. Patapos na ang tinatawag na Fall Semester at naghahanda na ang mga estudyante kong Koreano (kasama ang ilang dayuhang estudyante sa Hilagang Amerika at Asya) para sa bakasyon nila sa Disyembre. Malamig na ang simoy ng hangin at may niyebe nang pumapatak-patak lalo na tuwing umaga.

Ito ang panahong pinag-iisipan ko at ng aking asawa kung mananatili ba kami sa Timog Korea. Puwede kasi akong mag-renew ng kontrata para sa ikalawang taon ng pagiging visiting professor. Ito ang kadalasang ginagawa ng maraming kapwa faculty sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nabigyan ng oportunidad na mangibang-bansa. Hindi hamak na mas marami kasi silang maiipon kung magre-renew sila, bukod pa sa magandang karanasan ng pagtuturo o pananaliksik sa isang napakaunlad na bansa.

Maraming dahilan para manatili sa Timog Korea. Hindi lang naman kasi pagtuturo ang inatupag ko roon. Kasama ang iba pang Pilipinong propesor sa bansang iyon, binuo namin ang Philippine Resource Persons Group (PhilRPG) na naglalayong makipagtulungan sa embahada ng Pilipinas para magbigay ng ilang rekomendasyon batay sa aming spesyalisasyon.

Sa pamamagitan ng isang kababayang nagtatrabahong peryodista sa JoongAng Daily, nabigyan ang PhilRPG ng lingguhang kolum at salit-salitan kaming nagsulat ng mga artikulong tumatalakay sa relasyong Pilipinas at Timog Korea. At dahil nagtuturo ako ng peryodismo, sa akin ibinigay ang pangkabuuang koordinasyon sa proyektong ito.

Nagkaroon din ng silbi ang kaalaman ko sa peryodismo sa malaking “pakikibaka” ng mga estudyanteng Koreano sa wikang Ingles. Noong panahong iyon, kinuha rin akong adviser ng publikasyong Global Horizons ng Linton Global College (LGC) ng Hannam University. Bukod sa teknikal na paggabay sa produksyon ng isang publikasyon, nagsagawa rin ako ng ilang pagsasanay sa ilang aspeto ng peryodismo. Sa pangkalahatan, gusto kong isiping nakatulong naman kahit paano ang mga ginawa ko para sa mga peryodistang pangkampus ng LGC.

Pero sa kabila ng pagiging abala sa buhay na malayo sa bansang kinagisnan, babalik at babalik pa rin ang mga problema ng bayan nating sawi. Hunyo 2009 nang maitala ang unang pagkamatay dulot ng H1N1 virus. Setyembre 2009 nang humagupit ang trahedyang dulot ng bagyong Ketsana (Ondoy). Nobyembre 2009 naman nang gumalantang ang kalamidad na dulot ng pamilyang Ampatuan. Bagama’t malala na ang pagkamatay bunga ng isang virus o bagyo, walang maikukumpara sa ilang minutong pagratrat ng bala sa 58 katao.

Maraming dahilan para manatili sa dayuhang bansa. Pero mas maraming dahilan para bumalik na. May kaunting silbi man ako sa Timog Korea, gusto kong isiping mas may silbi ako sa Pilipinas.

Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuang kalakaran? Malinaw na kailangan ang mahigpit na pakikipagkaisa sa iba’t ibang sektor ng lipunan. May limitasyon sa pakikipagkaisang ito kung magtatagal ako sa Timog Korea (kahit na sabihing isang taon lang) kaya mas mainam na bumalik na.

Makalipas ang 10 taon, ano na ang nangyari? Taon-taon mula noon ginugunita ang masaker na tinutukan ng buong mundo, kabilang na ang United Nations. Wala pa ring hustisya dahil hindi pa nahahatulan ang halos 200 suspek sa kaso. Umabot na ang case records sa halos 240 volumes, dahil na rin sa mahigit 250 testigo na ang nagbigay ng kanilang testimonya sa nangyari.

Hindi man ako abogado, malinaw na malakas ang kaso laban sa mga suspek, lalo na sa mga Ampatuan. May mga testigong nakakita mismo sa nangyari, bukod pa sa iba’t ibang pisikal na ebidensyang nakalap mula sa lugar ng krimen.

Bakit kaya napakatagal bago magbigay ng hatol ang mga kinauukulan? Tandaan nating anumang hatol ng Regional Trial Court ay aakyat pa sa Court of Appeals at Supreme Court. Kaya mahaba-habang pakikibaka pa ang dapat asahan ng mga mamamayang patuloy na naghihintay.

Hustisya ang panawagan ng mga pinagkaitan. Sampung taon na ang nakalipas at huwag na sanang abutin ng sampung taon pa (o higit pa) bago ito ay makamtan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com