N.B. – This was published in Vol. 6, No. 34 (September 5-11, 2007) of Pinoy Weekly (pp. 5-6), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-34/op_ed/ed-6_34_3.htm. Henceforth, the full text of my column articles will be posted in this blog as I’ve noticed some delay in the updating of Pinoy Weekly’s website. Besides, my topic for this issue might be interesting to the Filipino blogging community, and I can’t wait for my friends at Pinoy Weekly to update their website so that I can finally hyperlink this article.

Noong nakaraang linggo, akala ko’y nagbitiw ka na bilang kolumnista ng Manila Standard Today, kaya laging gulat ko nang mabasa ko ang kolum mong “Divalicious” ngayong Lunes tungkol sa tamang pagbili at paglagay ng make-up. (“Unseen evil on your dressing table,” Setyembre 3, p. C1; sa mga hindi nakakuha ng isyung ito, maaaring bisitahin ang URL na http://www.manilastandardtoday.com/?page=goodLife2_sept3_2007.)
Kumpara sa mga dati mong isinulat na ikinagalit ng mga nilait mo –partikular ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai – mas malumanay na ang iyong estilo at parang nawala na ang aroganteng tono. Sa katunayan, masasabi ngang medyo sensitibo ka na sa mahihirap nang sinulat mong “”Don’t be afraid to try out cheap drugstore brands. You may find some things that you actually like. And for those of you on a budget don’t feel bad if you’re buying a cheaper brand than the one you really want. They just differ in packaging anyway, it’s all the same.”
Dahil sa mga atake sa iyo ng iba’t ibang indibidwal at grupo, malamang na mas marami nang babasa sa kolum mo, hindi para may bagong mapagkunan ng impormasyon kundi para bantayan kung mayroon ka na namang kamalian sa pagsusulat. (Nangangahulugan ba ito ng mas mataas na sirkulasyon para sa Manila Standard Today o mas maraming pagbisita sa website nito?)
Totoo, mahirap talagang maging mamamahayag at lalong mas mahirap maging kolumnista. Parati kasing may hindi sasang-ayon sa mga opinyong ilalahad mo. Kailangan mo tuloy ihanda ang iyong sarili para sagutin – kung sa tingin mo’y kinakailangan – ang mga batikos sa iyo.
Alam nating ang hindi pagsang-ayon ng iilan ay dumarating sa puntong permanente na tayong pinatatahimik. Pero hindi ka dapat mag-alala sa iyong buhay, dahil duda naman akong seseryosohin ng mga nagsulat ng ilang blog post na lilitsunin ka nang buhay o itutulak ka palabas sa lumilipad na eroplano sa susunod na makasakay ka nila. Ipinapakita lang ng mga pananalitang ito ang kanilang sagad-saring pagkainis sa pagiging iresponsable mo bilang manunulat.
Sa isang lipunang malaya – o kahit nagkukunwaring malaya – totoo namang ang lahat ay may karapatang maglahad ng opinyon. Pero sa konteksto ng pamamahayag, ang kalayaang ibinigay sa atin ay may kaakibat na responsibilidad sa ating mambabasa. Para sa mga kolumnistang tulad natin, walang lugar ang tinatawag na logical fallacies tulad ng argumentum ad hominem, hasty generalization at sweeping conclusion na nakita sa ilang artikulo mo. Sa puntong ito, alam mong ang mga kamaliang ito ay naging ugat ng panawagang patalsikin ka sa mga publikasyong pinagsusulatan mo.
Kasama sa ating responsibilidad ang pagharap sa kamalian. Kung ikaw talaga ang nagsulat ng isang bukas na liham na nakita sa isang website na hosted ng Geocities (http://www.geocities.com/fernandez_malu), mainam namang ginawa mo ito. Pero hindi ba’t mas nararapat na gagamitin mo ang iyong kolum para magpaliwanag sa iyong mambabasa? Bakit ka ba nagsulat ng isang personal na sanaysay na hindi maituturing na magandang halimbawa ng responsableng pamamahayag? Kung magiging bukas ka lang sa iyong saloobin, baka maintindihan pa kung bakit dapat kang bigyan ng ikalawang pagkakataon sa puntong ito para mas maging responsable sa pagsusulat mo.
Sa aking palagay, gusto mong tratuhing parang walang nangyari sa kontrobersiyang ginawa mo na nabalita pa sa midya nitong mga nakaraang araw. Sa iyong pagsusulat tungkol sa make-up, parang tapos na ang isyung kinaharap mo at panahon na para harapin ang iba pang gawain.
Pero siyempre, may responsibilidad pa rin ang mga may-ari at patnugot ng Manila Standard Today dahil hanggang ngayon ay hinahayaan ka pa ring magsulat kahit nga napabalitang nagbitiw ka na. Tulad mo, dapat nilang ipaliwanag ang mga dahilan kung bakit nariyan ka pa rin. Hindi simpleng internal na usapan lang ito sa pagitan mo at ng mga may-ari at patnugot. Alam naman nating ang mga organisasyong pang-midya ay may responsibilidad sa mga tumatangkilik sa kanila.
Kung walang magiging opisyal na paliwanag mula sa iyo o sa mga may-ari at patnugot ng diyaryong ito, malamang na iisipin ng karamihang ang adyenda lang ninyo ay pataasin ang sirkulasyon ng publikasyon sa mga susunod na araw. Sa madaling salita, gustong gamitin ng mga may-ari at patnugot ang “kasikatan” mo ngayon para tumaas ang kanilang kita.
Nagpahinga ka lang pala, pero ngayon ay nagbabalik ka na. Asahan mong hindi magpapahinga ang mga taong patuloy pa ring nagagalit sa mga sinulat mo. Hindi mo sila masisisi kung patuloy ang kanilang panawagan para mapaalis ka sa kabila ng iyong tila pagbabago ng estilo at pagkawala ng iyong aroganteng tono.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.