Category Archives: Motorcycling

Regulasyon (at rebolusyon) sa motorsiklo

KONTEKSTO
Danilo Araña Arao

Regulasyon (at rebolusyon) sa motorsiklo

Totoo namang pribilehiyo ang magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho. Kailangang dumaan sa masusing eksaminasyon ang sinumang nagnanais na humawak ng manibela. Sa kanyang pagpapaandar ng sasakya, nakasalalay kasi hindi lang ang kanyang buhay kundi ang buhay na rin ng kanyang mga pasahero.

Kaugnay nito, tama rin namang magkaroon ng ilang regulasyon sa mga sasakyan ng lisensiyadong nagmamaneho. May mga plakang iniisyu sa bawat sasakyan para madaling matukoy. May mga sertipiko ng rehistrasyon para alam kung sino ang may-ari. Taun-taon nirerehistro ang mga sasakyan at dumaraan sa emission testing at inspeksyon. May insurance pa ngang hinihingi para siguradong may magbabayad kung sakaling magkaroon ng aksidente.

At talaga namang nakakaalarma ang estadistika sa mga aksidente sa kalye (road accidents). Noong Oktubre 2018, nabanggit ng World Health Organization (WHO) na may 11,264 na namatay bunga ng aksidente sa kalye sa Pilipinas. Mahigit kalahati sa mga namatay (5,390) ay mga rider o pasahero ng motorsiklo, traysikel o anumang may dalawa o tatlong gulong na sasakyan.

Kung paniniwalaan ang datos ng Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM), apat na beses bawat araw kung umatake ang mga motorcycle-riding suspect (MRS) mula Oktubre 11, 2017 hanggang Hunyo 4, 2018. Batay sa datos na ito, malinaw na ginagamit talaga ang mga motorsiklo sa ilang krimen. Kung susuriin nga ang 933 insidente ng pamamaril ng mga MRS, 862 sa mga ito ay kaso ng murder. Ayon nga sa isang ulat sa midya, binanggit ng direktor ng PNP-DIDM na “Motorcycle was an indispensable tool in the commission of the crime, or to make good of his escape, ang ginamit niya motorsiklo.”

Hindi na marahil nakakagulat kung ipinasa kamakailan ang Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.  Para mas madaling matukoy ang isang motorsiklong ginamit sa isang krimen, pinalakihan na ang plaka. Kung dati’y nakakabit lang ito sa likod ng motorsiklo, kailangan na ring may plaka sa harap. Hindi pa nakasaad ang eksaktong sukat ng mga bagong plaka pero nakasaad sa Sek. 5 ng batas na “the contents of the number plates shall be readable from the front, the back and the side of the motorcycle from a distance of at least fifteen (15) meters from the motorcycle.”

Kung tutuusin, wala namang masama kung palakihin ang plaka dahil mas madaling mababasa sa CCTV footage, halimbawa, ang mas malaking letra at numero kumpara sa kasalukuyang maliliit na plaka na nakalagay pa sa likod lang ng motorsiklo. Sa teorya, walang ligtas ang sinumang gagamit ng motorsiklo sa krimen kung nasa harap at likod ang plaka.

Pero ano ba ang dahilan ng ginawang kilos-protesta noong Marso 24 ng libo-libong rider sa batas na tinawag na nilang “doble-plaka”? Una, delikado raw ang plakang pinalaki dahil puwede itong matanggal sa kanilang motorsiklo at tumama sa rider, pasahero o iba pang mga motorista. Ikalawa, sobra naman daw ang diskriminasyon laban sa mga motorsiklo.

Mukhang may katwiran naman ang mga nagpoprotesta dahil ano ba ang rekord ng Land Transportation Organization (LTO) sa pag-iisyu ng mga plaka? Bukod sa sobrang bagal (hanggang ngayo’y hindi pa nakukumpleto ang pagbibigay ng mga plaka, lalo na sa mga motorsiklo!), kapansin-pansin ang mahinang kalidad dahil madaling mayupi’t mapunit. Kung ganitong klaseng plaka ang ikakabit sa mga motorsiklo, posibleng matatanggal nga ito sa pag-arangkada. Marami ring nagsasabing madaling mapeke ang mga kasalukuyang plaka kaya baka ganito rin daw ang mangyayari sa pinalaking plaka na ikakabit sa mga motorsiklo.

Doble plaka, doble-kara. Malinaw din ang isyu ng diskriminasyon. Kahit na may malinaw na ebidensiyang ginagamit ang mga motorsiklo sa krimen, hindi ba’t may mga sedan, SUV at van din na ginagamit ng mga kawatan? Kung tututukan nga ang isyu ng kidnapping at pagdukot sa ilang indibidwal (lalo na sa mga aktibista), motorsiklo ba ang sangkot sa mga krimeng ganito? Hindi ba’t malalaking sasakyan tulad ng van ang mas ginagamit para masiguradong walang makakakita?

Aba, may mga kaso pa ngang ang mga kotseng dapat na nasa pangangalaga ng gobyerno ay ginagamit sa ilang krimen. Balikan lang natin ang nangyari kay Jonas Burgos noong Abril 28, 2007 sa loob ng isang mall sa Quezon City. Batay sa testimonya ng mga nakasaksi, Toyota Revo na may plakang TAB 194 ang ginamit sa pagdukot sa kanya. Napag-alamang ang plaka ay mula sa isang sasakyang naka-impound sa headquarters ng Army’s 56th Infantry Battalion (IB) sa Norzagaray, Bulacan. Makalipas ang 12 taon, hindi pa rin nakikita si Jonas. At paumanhin po sa sarkastikong komento, pero wala pa ring naghahain ng panukalang batas para palakihin ang plaka ng mga gumagamit ng Toyota Revo!

Kung nais ng gobyernong pigilan ang paggamit ng motorsiklo sa krimen, mainam na isakonteksto kung paanong ang matinding trapik sa mga kalye ay nagiging oportunidad para sa mga may maiitim na balak. Hindi ba’t sa pamamagitan ng motorsiklo mas mabilis silang makakalusot sa trapik, makakapasok sa makikipot na kalye at makapagtatago kung sakaling tinutugis? Malinaw na may kaugnayan sa kalunos-lunos at kasumpa-sumpang trapik ang tumitinding kriminalidad gamit ang motorsiklo.

Kailangan ding tandaang may korupsyon sa pag-iisyu ng rehistrasyon ng mga sasakyan (pati na ng mga motorsiklo) at ilang beses nang binatikos ang LTO tungkol dito. Nagiging madali sa mga sindikato ang iparehistrong muli ang mga motorsiklong sangkot sa krimen. Nakakaya rin nilang magpalit na lang ng plaka at “magpadulas” na lang sa ilang mga taga-LTO para hayaan ito. Kaya nga may katwiran ang mga nagsasabing para saan pa ang pinalaking plaka kung nariyan pa rin ang wagas na anomalya.

Hindi maliit na isyu ang mga pinalaking plaka. Hindi rin lang ito isyu ng posibleng disgrasya dahil sa hindi pinag-isipang resulta. Malinaw kasi ang diskriminasyon. Sana’y hindi na hintayin pa ng gobyerno ang pag-arangkada ng makina ng rebolusyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com