N.B. – This was published in the August 8-14, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/08/jakarta-sa-aking-utak.
Lungsod Jakarta, Indonesia (Hulyo 28-30) – Sa aking pagbaba sa Soekarno-Hatta International Airport, tumambad sa akin ang mga eksenang pamilyar at kakaiba.
Mukha mang Pilipino ang karamihan sa mga nakasalubong ko palabas ng paliparan nang tanghaling tapat, nagsasalita silang lahat sa wikang Bahasa na hindi ko maintindihan. Pamilyar ang mga kainan sa labas ng paliparan. Tulad ng Maynila, makikita ang Pizza Hut, McDonald’s, Dunkin Donuts at marami pang iba.
Sinundo ako ni Henkie, isang staff ng Ambhara Hotel na tinuluyan ko sa aking maikling pagbisita sa Jakarta. Tulad ng inaasahan sa isang kawani ng four-star hotel, magalang siya at maganda ang kanyang pakikitungo sa akin. Hindi man siya bihasa sa wikang Ingles, kaya niyang makipag-usap sa paraang madaling maintindihan.
Dahil alam niyang unang pagkakataon kong makapunta sa bansa niya, marami siyang kuwento tungkol sa mga pagbabago sa Jakarta ngayon na makikita sa malalaking gusali sa lungsod na ito.
Sa aking obserbasyon habang binabagtas ang kahabaan ng expressway, napakarami ngang malls at high-rise condominium buildings sa mismong sentro ng Jakarta. Kung hindi lang sa mga sasakyang right-hand drive at pagmamaneho sa kaliwang bahagi ng lansangan, aakalain mong nasa Makati o Ortigas ka lang.
At tulad ng Maynila, napakaraming motorsiklo sa mga lansangan ng Jakarta. Kuwento ni Henkie, mas mura daw kasi ang motorsiklo at hindi hamak na mas matipid sa gasolina. May praktikal ding gamit ang motorsiklo para mas mabilis na makarating sa destinasyon.
Sa loob-loob ko, kakailanganin mo talagang gumamit ng motorsiklo dahil matindi talaga ang trapik na nakita ko. Tulad ng EDSA kapag oras ng pasukan at uwian, bumper-to-bumper ang trapik sa mga pangunahing lansangan ng Jakarta.
Tanghaling tapat nang umalis kami ni Henkie sa paliparan kaya hindi masyadong naantala ang aming pagdating sa hotel. Sabi niya, medyo masuwerte lang kami dahil ang mga rutang kinuha nami’y hindi masyadong matrapik.
Hindi ako nagkaroon ng panahong makapaglibot dahil kinailangan kong magpahinga nang ilang oras bago ko kausapin ang mga nag-organisa ng pagsasanay sa peryodismo na kung saan naimbitahan akong magsalita.
Medyo kakaiba ang sitwasyon ko sa Jakarta dahil hindi tulad ng mga ibinigay kong pagsasanay nitong mga nakaraang taon, nagsalita ako sa harap ng mga peryodistang mula sa mga miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Bukod sa sitwasyon ng midya sa Timog Silangang Asya, pinag-usapan din namin sa pagsasanay ang mga paksang maaaring isulat hinggil sa ASEAN. Itinakda ang pagsasanay na magsimula sa huling linggo ng Hulyo dahil ang Agosto 8 ay tinaguriang ASEAN Day: Binuo ang ASEAN sa araw na ito noong 1967.
Kasabay ng Olympic Games sa Beijing, inaasahan sana ng ASEAN Secretariat na magkakaroon ng interes ang publiko sa ASEAN sa mga susunod na araw. At kung hindi pa ninyo alam, ASEAN Secretariat ay matatagpuan sa Jakarta (sa katunaya’y napakalapit lang nito sa Ambhara Hotel).
Ang isang bentahe ng pakikipag-usap sa mga peryodista, anuman ang kanilang nasyonalidad, ay marami silang kuwento. Mula sa kanilang paglalahad ng karanasan, nagkaroon ng pangkalahatang pagtingin na may pagkakapareho sa paggampan sa tungkulin kahit na may iba’t ibang kultura sa mga miyembrong bansa ng ASEAN. Kahit na sabihing mas mahigpit ang midya sa Burma at Brunei, hindi ito nangangahulugang walang panggigipit na nangyayari sa mga tinaguriang “mas malayang midya” tulad ng Pilipinas at Thailand.
Mapapansin naman ang pagkakaiba sa kanilang pagtingin sa globalisasyon na pangunahing temang tinalakay ko hinggil sa pag-uulat tungkol sa ASEAN. Para sa peryodistang mula sa Cambodia, may malaking bantang hatid ang globalisasyon sa lokal na ekonomiya ng isang naghihirap na bansa. Para naman sa isang peryodistang mula sa Malaysia, walang problema sa globalisasyon dahil sa kaso ng kanyang bansa, kayang kaya namang makipagsabayan ng mga lokal na negosyante sa mga dayuhang mamumuhunan.
Tulad ng inaasahan, ang pagkakaiba ng pinanggalingan ay nagresulta sa kawalan ng pagkakaisa sa pagsusuri sa sitwasyon ng ASEAN at ang ibinunga ng mga patakarang naglalayong buksan ang ekonomiya ng mga miyembrong bansa nito.
Kung mayroon man akong natutuhan sa aking maikling pagbisita sa Jakarta, ito ay ang pangangailangang kritikal na pag-aralan ang sitwasyon ng bansang pinanggalingan at isakonteksto ito sa pinagdaraanan ng iba pang bansa. Sa pamamagitan nito, ang paghuhubog ng pampublikong opinyon ay magkakaroon ng mas malawak na saklaw at ang pagbabago ay magiging pandaigdigan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.