Tag Archives: academics

Kuwento ng sagradong grado

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (April 13, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/04/kuwento-ng-sagradong-grado/.

Tulad ng iba pang estudyante, pinagdaanan ko rin ang pagiging GC. Sa mga hindi nakakaalam, ang ibig sabihin ng GC ay “grade-conscious” – ang parating pag-iisip kung paano mapapataas ang marka sa isang kurso para masabing siya ang pinakamatalino.

Para sa isang GC, umiinog ang mundo sa loob ng klasrum. Ang tanging sukatan ng kakayahan ay ang markang ibibigay ng guro. Iisa lang motibasyon ng isang GC sa pag-aaral – ang makuha ang pinakamataas na grado. Matinding kasiyahan ang makita ang pangalan sa listahan ng Top 10 sa klase. At ang pinakamatindi’t hindi-masukat na ligaya para sa isang GC ay ang mapunta sa Top 1.

Sa loob-loob niya, ang tugatog ng tagumpay ay nasusukat sa dami ng karangalang may kaugnayan sa pang-akademikong kakayahan. Taas-noo siyang sinasabitan ng medalya o inaabutan ng sertipiko bilang patunay ng kanyang diumanong kahusayan.

Para sa isang GC, ang grado ay sagrado at hindi siya dapat mapabilang sa mga “ordinaryo.” Dapat siyang nakakaangat sa iba pang nakakakuha ng mga gradong dinadaan na lang sa biro ang tawag – ang “itlog” at ang “palakol.”

Ano nga ang “itlog” na grado? Kailangan lang malaman ang numerong kahugis nito – 0. Ang “palakol” na grado naman ay tawag sa markang bagsak o markang 70 hanggang 79 (dahil kahugis ng 7 ang isang palakol). Sa pamantayan ng isang GC, hindi dapat magkaroon ng “itlog” o “palakol” sa pinakaiingatang report card o transcript of record. Ang tanging “itlog” na katanggap-tanggap sa isang GC ay ang 0 na nakalagay sa “Number of days absent” at “Number of times tardy.” Sa pagkakataong ito, nagiging ebidensiya ang “itlog” ng kasipagan sa pagpasok sa paaralan.

Sa unang tingin, walang masama sa pagiging GC. Puwede pa ngang sabihing kailangan ito. Para masiguradong tututukan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral, nararapat na subaybayan nilang mabuti ang mga markang nakukuha nila at siguraduhing matataas lang ang makukuha.

Handa sana akong sumang-ayon kung hindi lang iba na ang konsepto ko ng pag-aaral at edukasyon. Kung may isang bagay akong natutuhan sa pag-aaral sa kolehiyo, ito ay ang kasabihan sa wikang Ingles na “Don’t let your academics interfere with your education.” Kung noong elementarya at hayskul ay uminog lang ang mundo ko sa mga gawaing pang-akademiko, nagbago ang aking perspektiba sa kolehiyo nang malaman kong mas marami pala akong matututuhan sa labas ng klasrum.

Hindi ko minamaliit ang kahalagahan ng itinuturo ng mga guro, pero hindi dapat ipagwalang-bahala ang maaaring ituro ng iba pa – ang mga nagtitinda sa kalye, ang mga nagmamaneho ng dyip, ang mga namamalimos sa simbahan at marami pang iba. Kahit ang simpleng obserbasyon sa kanilang pinagdaraanan ay kapupulutan na ng aral. Pero mas mainam ang direktang pakikisalamuha sa kanila para mabatid ang konteksto ng kanilang kinasasadlakan. Mula sa pakikipag-usap sa mga grupo’t indibidwal na may kakaibang buhay kumpara sa personal na kinagisnan, nagkakaroon ng isang klase ng edukasyong mas makabuluhan.

At kung ang edukasyon ay may kabuluhan, nagkakaroon ng paninindigan. Nakikita ng isang estudyante ang kaibahan ng kalagayan ng mga indibidwal, nasusuri niya ang kontradiksiyong nagreresulta sa malawakang kahirapan.

Sa konteksto ng gradong nakukuha sa klase, tinitingnan ito bilang simpleng numero lang pero hindi kailanman sukatan ng kahusayan o katalinuhan. Bagama’t nakikita ang pangangailangang pumasa sa mga kurso para makapagtapos sa kolehiyo, ang karangalan ay nakikita hindi sa medalya kundi sa pagsisilbi sa bayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.